Kasaysayan ng Simbahan
George Q. Cannon


“George Q. Cannon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“George Q. Cannon”

George Q. Cannon

Ang isa sa mga pinakakilalang Banal sa mga Huling Araw noong ika-19 na siglo na si George Q. Cannon ay nagsilbi bilang patnugot at tagapaglathala, negosyante, guro, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, kinatawan ng teritoryo sa Kongreso ng Estados Unidos, at Tagapayo sa Unang Panguluhan sa apat na Pangulo ng Simbahan. Naging kilala siya sa lipunan ng Utah dahil sa kanyang matinding paglahok sa mga gawain sa Simbahan at sa pamayanan, at ang kanyang mga personal na sulat—kabilang na ang isang journal na may halos 2.5 milyong salita—ay isa sa mga pinakamalalim at detalyadong tala sa kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw.1 Sa loob ng 50 taon ay nakilahok siya sa pangangasiwa sa Simbahan habang nagtatrabaho ang mga Banal upang itatag ang Sion sa kanlurang Estados Unidos at sa buong mundo.

George Q. Cannon

Larawan ni George Q. Cannon.

Isinilang si Cannon sa Liverpool, England, noong 1827. Siya, ang kanyang mga magulang, at ang kanyang mga nakababatang kapatid na nasa hustong gulang na ay bininyagan noong 1840. Makalipas ang dalawang taon, nandayuhan si Cannon kasama ang kanyang pamilya sa Estados Unidos, subalit pumanaw ang kanyang ina habang tinatawid ang Karagatang Atlantiko. Sa edad na 16, nagsanay si Cannon sa isang palimbagan sa Nauvoo, Illinois. Wala pang isa’t kalahating taon ang nakalilipas, siya at ang kanyang mga kapatid ay lubusang naulila dahil pumanaw ang kanilang ama. Pagkatapos, siya ay naglakbay pakanluran sa pioneer trek at nakarating sa Lambak ng Salt Lake noong taglagas ng 1847. Noong 1850 ay nagtrabaho siya sa mga minahan ng ginto sa California bilang “missionary na naghahanap ng ginto.”2 Mula sa mga minahan ng ginto, tinawag siya sa isang proselytizing na misyon sa Hawaii, kung saan siya ay naglingkod sa loob ng apat na taon bilang isa sa mga unang Banal sa mga Huling Araw na missionary sa kapuluan. Sinimulan niyang isalin doon ang Aklat ni Mormon sa wikang Hawaiian, at matapos makabalik sa Estados Unidos, inilathala niya ang kanyang pagsasalin noong 1856.3

Hindi nagtagal pagkatapos ng kanyang misyon, pinakasalan ni Cannon si Elizabeth Hoagland sa Lunsod ng Salt Lake. Pagkalipas ng labintatlong buwan, sinalubong ng mag-asawa ang kanilang unang anak, na namatay kalaunan noong taong iyon. Nagluwal si Elizabeth ng 10 pang anak sa loob ng sumunod na 22 taon, 6 sa mga ito ang nabuhay lampas sa pagkasanggol.4 Noong 1858, sa pagsang-ayon ni Elizabeth, nag-alok ng kasal si Cannon kay Sarah Jane Jenne, at ikinasal ang dalawa noong taong iyon. Ang pagpapakasal niya kay Sarah ang una sa limang maramihang pagpapakasal ni Cannon. Sa paglipas ng mga taon, lumaki ang kanyang pamilya sa 43 anak (kabilang ang ilang inampon nila), 35 sa mga ito ang umabot sa hustong gulang. Nahirapan si Cannon na maghanap ng oras para sa kanyang mga anak dahil sa kanyang mga tungkulin, kaya kadalasan ay gumagamit siya ng mga liham at panayam upang makipag-ugnayan sa mga ito.

Noong 1860, inorden ni Brigham Young si George Q. Cannon bilang isang Apostol at inatasan siyang pamunuan ang European Mission. Sa England, pinagbuti ni Cannon ang pagpapatakbo ng palimbagan ng mission sa pamamagitan ng pagbili ng isang steam-powered na limbagan at pagpapatigil ng pagpapalimbag sa labas at paglilimbag ng sariling mga lathalain ng mission. Binago rin niya ang mga pananalapi, sistema ng pandarayuhan, gawaing misyonero, at pamamahala sa mga kongregasyon ng mission.

Pinahalagahan ni Cannon ang edukasyon, at sa loob ng isang dekada ng kanyang pagbalik sa Utah noong 1864, inilunsad niya ang Juvenile Instructor, ang unang magasin para sa mga bata at kabataang Banal sa mga Huling Araw, nagtatag siya ng isang tindahan ng mga aklat at palimbagan na kalauna’y naging Deseret Book Company, at siya ang naging unang tagapamahala ng Deseret Sunday School Union (ang sinundan ng programa ngayon na Churchwide Sunday School).5

Naglingkod si Cannon bilang kinatawan ng teritoryo ng Utah sa Kongreso ng Estados Unidos mula 1873 hanggang 1882 at nagtrabaho siya sa loob ng maraming taon upang protektahan ang mga Banal sa mga Huling Araw laban sa mga pederal na batas na nakatuon sa maramihang pag-aasawa at sa iba pang aspeto ng buhay ng mga Banal. Madalas siyang magsalita sa mga mahalagang pagdiriwang at sa mga pagdinig sa kongreso. Habang tumitindi ang pederal na pagpapatupad laban sa maramihang pag-aasawa, nagtago si Cannon kasama ng Pangulo ng Simbahan na si John Taylor at ng iba pang mga lider upang maprotektahan ang kanyang pamilya. Noong 1886 ay dinakip ng mga awtoridad si Cannon dahil sa pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa, at noong 1888 ay nahatulan siya at nasintensyahan ng limang buwang pagkakakulong.

Noong 1890 ay tinulungan ni Cannon ang Pangulo ng Simbahan na si Wilford Woodruff na isulat ang Pahayag, na humantong sa pagwawakas ng maramihang pag-aasawa na may pahintulot ng Simbahan. Siya ang nagpahayag ng unang pampublikong paliwanag tungkol sa Pahayag sa isang talumpati sa Salt Lake Tabernacle at buong tapang niyang pinagtibay ang kanyang kahandaang manindigan para sa kanyang mga paniniwalang panrelihiyon—ang kanyang sariling pagkakakulong bilang katunayan—at ipinahayag niya ang kanyang patotoo na ang banal na Espiritu ay nanahan kay Pangulong Woodruff.6

Patuloy na naglingkod si Cannon sa Unang Panguluhan, at noong 1900 ay dumalaw siya sa Hawaii upang gunitain ang pagdiriwang ng ika-50 taon ng pagdating ng mga missionary doon. Noong sumunod na taon, siya ay nagkaroon ng trangkaso at lumipat sa Hilagang California upang magpagaling. Habang lumalala ang kanyang kalagayan, tinipon niya ang kanyang pamilya at naggawad siya ng mga pagbabasbas sa kanyang mga anak. Pumanaw siya noong Abril 12, 1901, sa edad na 74.

Mga Kaugnay na Paksa: Sunday School, Mga Peryodiko ng Simbahan, Batas Laban sa Poligamya, Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan