“Liberty Jail,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Liberty Jail”
Liberty Jail
Noong Disyembre 1, 1838, ikinulong ng mga awtoridad ng Missouri sina Joseph Smith, kapatid niyang si Hyrum, Sidney Rigdon, Lyman Wight, Caleb Baldwin, at Alexander McRae sa isang bilangguan sa Liberty, Missouri, dahil sa mga krimeng ginawa umano noong kasagsagan ng mga alitan sa ibang mga taga-Missouri sa nakaraang ilang buwan. Sumuko sila dalawang linggo na ang nakalipas, matapos nag-utos ang gobernador ng Missouri na si Lilburn W. Boggs na itaboy mula sa estado ang mga Banal o kung hindi ay malilipol sila. Nakakuha ng sapat na ebidensya ang unang paglilitis sa Richmond, Missouri na ang mga lider ng Simbahan ay nakagawa ng mga krimen laban sa estado ng Missouri, at ipinag-utos ng hukuman na ikulong sila sa Clay County Jail sa Liberty hanggang sa kanilang paglilitis sa huling bahagi ng tagsibol ng 1839.
Itinayo noong 1833, ang gusali ay nagsilbing bilangguan ng Clay County hanggang 1856. Ang gusali na may sukat na 14 x 14½ talampakan (4.2 x 4.4 metro), at may dalawang palapag ay gawa sa magaspang na apog sa panlabas na pader na dalawang talampakan (60 sentimetro) ang kapal at yari sa oak ang panloob na dingding. Puno ng mga bato ang isang talampakan (30 sentimetro) na puwang sa pagitan ng dalawang pader upang hadlangan ang mga tangkang pagtakas. Nasa itaas na palapag ang bantay. Ang ibabang bahagi, na ginagamit lamang para sa mga bilanggo, ay napapasok sa pamamagitan ng isang trapdoor o maliit na pinto mula sa itaas na palapag. Dalawang makitid na bintana, na 2 talampakan (60 sentimetro) ang lapad at 6 pulgada (15 sentimetro) ang taas, na may bakal na rehas, ang nagbigay ng sariwang hangin sa loob.
Malungkot ang mga kalagayan sa bilangguan.1 Isinulat ni Joseph Smith, “Bantay-sarado kami sa gabi at sa araw, … kakaunti, pare-pareho, at mahirap kainin ang mga pagkain namin; hindi kami puwedeng magluto para sa sarili namin, napilitan kami na matulog sa sahig na may dayami, at walang sapat na kumot upang hindi kami ginawin; at kapag may apoy kami, nalalanghap namin ang halos lahat ng usok dahil sa hindi mainam na bentilasyon.”2
Dumating ang tulong mula sa mga pagbisita ng mga kaibigan at pamilya. Naalala ni Hyrum Smith, “Marami sa aming mga kapatid ang bumisita para makita kami at tumulong sa aming mga pangangailangan.”3 Ayon kay Alexander McRae, ang mga bisita ay “maraming beses na nagdala sa amin ng miryenda” at nagdadala ang ilan ng “cake, pastel, atbp., at iniabot ang mga ito sa mga bintana.” Ang mga bisitang miyembro ng kanilang mga pamilya ang lubhang nagbigay galak sa mga bilanggo. Tatlong beses na bumisita sa bilangguan si Emma Smith, minsan ay dala ang kanilang anak na si Jospeh III. Ang asawa ni Hyrum na si Mary Fielding Smith ay binisita ang kanyang asawa na kasama ang kanilang sanggol na anak na si Joseph F. Smith. Ito ang unang pagkakataon na nakita ni Hyrum ang kanyang anak na lalaki.4
Sa pagtagal nila sa bilangguan at sa pag-alis ng karamihan sa mga Banal sa estado, nabawasan ang dami ng mga bisita. Isa sa ilang bagay na nagpasigla sa mga bilanggo ay ang pagtanggap ng mga liham. Ngunit nagdala rin ng pighati ang mga liham nang malaman ng mga bilanggo ang kalagayan ng maraming Banal nang lisanin ng mga ito ang Missouri papunta sa Illinois noong mga buwan ng matinding taglamig.
Habang nasa piitan, nanalangin si Joseph Smith upang maunawaan kung bakit pinahintulutan ng Panginoon ang mga Banal na pagdusahan ang pagpapaalis mula sa Missouri. “O Diyos, nasaan kayo?” tanong ni Joseph. Dumating ang kasagutan sa pamamagitan ng isang paghahayag; “Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.” Sa dalawang mahalagang liham sa Simbahan, idinikta ni Joseph ang sumunod na paghahayag na tagubilin maging ang sarili niyang payo sa mga Banal. Ang ibang mga bahagi ng mga liham na ito ay matatagpuan ngayon sa bahagi 121, 122, at 123 ng Doktrina at mga Tipan.5 Ang mga dakilang katotohanan sa mga sulat na ito ang nagdulot sa mga Banal sa mga Huling Araw na ituring ang Liberty Jail bilang isang templo at isang bilangguan.6
Naghanap ang mga bilanggo ng maraming legal na paraan upang makamit ang kanilang kalayaan. Naniniwalang ang kanilang pagkakakulong ay labis na hindi makatarungan at labag sa batas, sinubukan din ng mga bilanggo na tumakas sa hindi bababa sa dalawang magkakaibang pagkakataon. Noong Pebrero, pinakawalan ng mga awtoridad si Sidney Rigdon sa pamamagitan ng piyansa. Ang ibang mga bilanggo ay pinayagang magpalit ng lugar, at noong Abril 6, 1839, sinamahan sila ng mga armadong guwardiya mula sa bilangguan sa Liberty. Habang papunta sa paglilitis sa Boone County, pinayagan ng mga guwardiya na makatakas ang mga bilanggo, at nagtungo ang mga bilanggo sa Illinois.
Noong 1856 ay idineklara ng mga opisyal ng county na hindi ligtas ang bilangguan, at ito ay nauwi sa pagkasira. Noong ika-19 ng Hunyo, 1939, binili ng miyembro ng Simbahan na si Wilford C. Wood ang lugar sa halagang $4,000 at inilipat ang titulo sa Simbahan sa parehong halaga. Nagpadala ang Simbahan ng mga misyonero sa lugar upang pangalagaan ang ari-arian at tumanggap ng mga turista. Naghukay ng pundasyon ang Simbahan noong 1962 para sa isang bagong visitors’ center, na ngayon ay kinatatayuan ng gusaling kahawig ng bilangguan. Inilaan ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang lugar noong Setyembre 15, 1963.
Kaugnay na Paksa: Mormon-Missouri War noong 1838