Kasaysayan ng Simbahan
Utos na Pagpuksa


“Utos na Pagpuksa,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Utos na Pagpuksa

Utos na Pagpuksa

Ang utos na pagpuksa ay ang pangalan na karaniwang ginagamit upang tukuyin ang isang executive order na nilagdaan noong Oktubre 27, 1838, ni Lilburn W. Boggs, ang gobernador ng Missouri noong panahon ng Digmaang Mormon-Missouri noong 1838.1 Ang kautusan ay naghangad na pabilisin ang pagtapos sa labanan sa pamamagitan ng pag-utos na “lipulin o palayasin mula sa estado kung kinakailangan” ang mga Mormon.2

Sa buong 1838, nagbanta at inatake ng mga anti-Mormon na vigilante ang mga naninirahang Banal sa mga Huling Araw sa Missouri. Pagsapit ng Oktubre, nabuwag ang sibil na awtoridad sa hilagang-kanlurang bahagi ng Missouri, at pinaalis ng mga anti-Mormon ang mga miyembro ng Simbahan mula sa kanilang mga tahanan. Ang apela ng mga Banal para sa kanilang proteksyon laban sa pagsalakay ng mga mandurumog ay halos hindi pinansin ng mga lokal na milisya. Ipinagtanggol ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga sarili, at ang iba ay gumanti sa mga hinihinalang kuta ng mga mandurumog sa pamamagitan ng pagsunog ng mga tirahan at pagkumpiska ng mga kalakal. Nang nagkasagupaan ang milisya ng estado at isang rescue group ng mga Mormon sa Ilog Crooked, nagkabarilan at tatlong Mormon at isang hindi Mormon ang napatay.3

Ang labanang ito ay nagtulak sa sabik na sabik na mga tagapagbalita na gawing eksaherado ang karahasan ng mga Mormon. Bukod pa rito, ang mga kaguluhan ay naganap sa lugar na mahigit 100 milya ang layo sa kabisera ng estado, na humadlang sa epektibong komunikasyon. Sa buong estado, marami ang naniwala na ang mga Mormon ay nagpapasimula ng isang digmaan. Si Gobernador Boggs, na nagpasya na ang mga Mormon ay “hayagan at tahasang lumabag sa mga batas” at “nakipagdigma sa mga tao ng Estadong ito,” ay naglabas ng executive order na nagpapahintulot sa mga pwersa ng estado na sugpuin ang inakalang pag-aalsa.4

Natanggap ni General Samuel D. Lucas, na nagkampo kasama ang milisya ng estado sa labas ng headquarters ng Simbahan sa Far West, ang kautusan noong Oktubre 30 at pinasok ang lunsod. Iniutos niya na ibigay ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga ari-arian bilang kabayaran para sa kawalan ng mga di-Mormon at lisanin agad ang estado. Matapos dakpin si Joseph Smith, si Lucas ay nagdaos ng isang madaliang court-martial at ipinag-utos ang pagpatay kay Joseph. Si Alexander Doniphan, ang opisyal na inatasang magsagawa ng pagpatay, ay naniwala na labag sa batas ang utos at tinanggihang gawin ito. Kadalasan, gayunman, ginamit ng mga miyembro ng milisya ang pagbabanta ng sapilitan na pagpapaalis na ipinahintulot ng kautusan, na nagresulta sa maramihang pandarayuhan ng mga Banal sa Illinois.5

Ang intensyon ni Boggs sa pagbibigay ng executive order ay nananatiling walang katiyakan. Marami ang ipinagpalagay na pinahintulutan niya ang maramihang pagpatay at iniugnay ang kautusan sa masaker ng 17 Banal sa mga Huling Araw sa Hawns’s Mill tatlong araw matapos itong ilathala. Ngunit ang mga anti-Mormon na vigilante, hindi ang milisya ng estado, ang nagsagawa ng mga pagpaslang, at walang katibayan na nagpapahiwatig na alam ng mga vigilante ang kautusan ng gobernador.

Noong panahong iyon, ang ibig sabihin ng katagang pagpuksa ay kinabibilangan ng posibilidad ng sapilitang pagpapaalis. Halimbawa, sa kaso ng sapilitang pagpapaalis ng mga American Indian, ginamit ng mga opisyal ng Estados Unidos ang pariralang digmaan na pagpuksa upang ilarawan ang paggamit ng puwersa upang ang mga Indian ay “lubos na mapalayas” o “lubos na malipol.”6 Inasahan ng mga pinuno ng militar na ang utos na pagpuksa ay bayolenteng tututulan, na ang ibig sabihin ay isang posibilidad ang “pagkalipol,” bagamat ang paglikas ang malamang na kalalabasan.7

Bagamat ang mga opinyon ng mga tao ay nanatiling hati, umani ng maraming puna ang utos na pagpuksa. Sumulat ang isang di-Mormon na mambabatas ng isang editoryal isang buwan matapos ilathala ang kautusan na kinondena ang paggamit ng milisya ng estado laban sa mga Mormon bilang paglabag sa mga karapatang panrelihiyon at panlipunan. Wala pang dalawang buwan ang lumipas, isang miyembro ng lehislatura ng estado ng Missouri ay tinawag ang kautusan na labag sa saligang-batas at nangako na hahamunin ito, “kahit pa mag-isa lamang siyang naninindigan sa gitna ng sampung libo.”8 Ang mga komunidad sa Illinois ay nagkalooob ng ligtas na kanlungan sa mga nandarayuhang mga Banal sa mga Huling Araw, at nagpahayag ng kanilang pagtutol sa mga pag-uusig sa Missouri. Ang karahasan laban sa mga Banal ay nakatanggap ng atensyon mula sa buong bansa noong huling bahagi ng 1839, nang si Joseph Smith ay namuno sa isang delegasyon upang humingi ng bayad-pinsala sa kabisera ng bansa.9

Sa siglong kasunod ng pagpapaalis ng pangunahing pangkat ng mga Banal, may iilang mga Mormon ang nanirahan sa Missouri, at tila walang pagtatalong naganap. Sa paglipas ng panahon, nagtatag ng mga branch at stake ang Simbahan sa buong estado. Sa huling bahagi ng ika-20 siglo, mas maraming tao ang nagsimulang makita ang imoralidad ng karahasan ng estado laban sa mga minoryang grupo. Noong 1976, ang gobernador ng Missouri na si Christopher S. Bond ay opisyal na nagpawalang-bisa sa kautusan ni Boggs, nangangatwiran na ito ay “malinaw na sinasalungat ang mga karapatan sa buhay, kalayaan, ari-arian, at kalayaan sa relihiyon” na binigyang garantiya ng saligang-batas ng Estados Unidos at estado ng Missouri. Sa ngalan ng mga mamamayan ng Missouri, nagpahayag si Bond ng “matinding kalungkutan para sa kawalan ng katarungan at labis-labis na pagdurusa” na idinulot ng kautusan na ito sa mga Banal sa mga Huling Araw.10

Mga Kaugnay na Paksa: Digmaang Mormon-Missouri noong 1838, Pagpaslang sa Hawn’s Mill, Vigilantism, Piitan ng Liberty, Karahasan sa Jackson County

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Digmaang Mormon-Missouri noong 1838.

  2. Lilburn W. Boggs, Executive Order to John B. Clark, Oct. 27, 1838, Missouri State Archives, sos.mo.gov.

  3. Alexander L. Baugh, “The Mormons Must Be Treated as Enemies,” sa Susan Easton Black at Andrew C. Skinner, mga pat., Joseph: Exploring the Life and Ministry of the Prophet (Salt Lake City: Deseret Book, 2005), 291-92.

  4. Boggs, Executive Order, Oct. 27, 1838; Baugh, “The Mormons Must Be Treated as Enemies,” 292.

  5. History of Caldwell and Livingston Counties, Missouri, Written and Compiled from the Most Authentic Official and Private Sources, Including a History of Their Townships, Towns and Villages, Together with a Condensed History of Missouri (St. Louis: National Historical Company, 1886), 132–37.

  6. Ben Kiernan, Blood and Soil: A World History of Genocide and Extermination from Sparta to Darfur (New Haven: Yale University Press, 2007), 323, 328–29, 342–43.

  7. Baugh, “The Mormons Must Be Treated as Enemies,” 292–93. Bago tumindi ang pag-atake laban sa mga Mormon sa Missouri, nagsalita ang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan na si Sidney Rigdon tungkol isang potensyal na “digmaan ng pagpuksa,” sinasabi sa mga Banal sa mga Huling Araw na manindigan. Sa halip na tumawag-pansin para sa pagpatay ng mga taga-Missouri, kinilala ng kanyang mga salita ang di-pagkakasundo sa pagitan ng mga Mormon at iba pang taga-Missouri. Siya at ang iba pang mga Banal ay umasa sa isang mapayapang buhay kasama ang kanilang mga kapitbahay ngunit tumangging gawin ang mga nais ng kanilang mga kalaban. Sidney Rigdon, Oration Delivered by Mr. S. Rigdon: On the 4th of July, 1838 (Far West: Journal Office, 1838), 12.

  8. “Letter from the Editor,” Daily Missouri Republican, Ene. 10, 1839, 2; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay.

  9. Spencer W. McBride, “When Joseph Smith Met Martin Van Buren: Mormonism and the Politics of Religious Liberty in Nineteenth-Century America,” Church History, tomo 85, blg. 1 (Mar. 2016): 150–58.

  10. Christopher S. Bond, Executive Order, June 25, 1976, Missouri State Archives, sos.mo.gov.