Kasaysayan ng Simbahan
Nauvoo (Commerce), Illinois


“Nauvoo (Commerce), Illinois,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Nauvoo (Commerce), Illinois”

Nauvoo (Commerce), Illinois

Matapos palayasin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri noong huling bahagi ng 1830s, nakahanap sila ng kanlungan sa loob at paligid ng munting bayan ng Quincy, Illinois. Pagkatapos ay kinailangan nilang pumili: dapat ba silang magtipong muli para bumuo ng isang lunsod at dumanas ng pang-uusig, o dapat silang kumalat sa mga lugar na may mas malaking populasyon upang maiwasan ang pagtatalo? Batid ang mga panganib na dulot ng pagtitipon ngunit nagtitiwala sa utos na gawin ito, pinayagan ni Joseph Smith ang mga lider ng Simbahan na bumili ng isang malaking sukat ng lupa mula kay Isaac Galland. Ang lupain ay matatagpuan sa tabi ng Ilog Mississippi at kasama ang maliit na bayan ng Commerce, Illinois. Hindi nagtagal ang mga Banal ay nagtrabaho para alisin ang tubig sa latian, gumawa ng mga sakahan at taniman, magtayo ng mga tahanan at kalsada, magtayo ng mga negosyo, at malugod na tanggapin ang pagdagsa ng mga convert na nandayuhan mula sa buong Estados Unidos at England. Binago ni Joseph ang pangalan ng lunsod at ginawang Nauvoo, isang salitang Hebreo na kung minsan ang salin ay “maganda.”1

Si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay naghangad at pinagkalooban ng mabisang city charter mula sa estado sa pag-asang poprotektahan sila nito mula sa mga uri ng kawalang-katarungan na naranasan nila dati. Mula 1842 hanggang sa kanyang kamatayan noong 1844, si Joseph Smith ay naglingkod bilang alkalde ng lunsod. Sa rurok nito, ang populasyon ay umabot ng halos 10,000 tao, kaya naging isa ito sa mga pinakamalaking lunsod sa estado.

Isang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith noong Enero 1841 ang nag-utos sa mga Banal na pag-ibayuhin ang kanilang mga pagsisikap na magtayo ng templo. Kaya ang pinakasentro ng aktibidad sa Nauvoo ay ang pagtatayo ng maringal na templong yari sa bato, na matatagpuan sa isang lugar kung saan ay tanaw ang lunsod. Ang mga Banal ay nag-ambag ng paggawa, mga kalakal, at pondo para sa proyekto. Ang paghahayag ay nag-utos din sa kanila na itayo ang Nauvoo House, na maaaring tuluyan ng mga bisita sa lunsod. Isang malawak na kakahuyan ang nagsilbing lugar ng pagtitipon para sa malalaking pagtitipon, kabilang na ang mga kumperensya ng Simbahan na ginaganap dalawang beses sa isang taon.

Sa Nauvoo ay pinasimulan ng Panginoon ang mahahalagang ordenansa at mga turo sa pamamagitan ng Joseph Smith. Ang mga unang pagbibinyag para sa mga patay ay isinagawa sa kalapit na Ilog Mississippi at kalaunan sa bautismuhan ng Nauvoo Temple, na inilaan noong itinatayo pa lang ang gusali. Ang mga unang endowment sa templo ay ibinigay sa maliliit na grupo sa silid sa itaas ng Red Brick Store ni Joseph Smith, at ang mga unang pagbubuklod ng kasal sa panahon at kawalang-hanggan, kabilang na ang unang dokumentadong pagbubuklod ng maramihang pag-aasawa, ay isinagawa sa mga pribadong tahanan bago natapos ang templo. Sa isang mensaheng ibinigay sa kanyang huling kumperensya, ipinangaral ni Joseph Smith ang isang makapangyarihang sermon, madalas na tinatawag na King Follett discourse, tungkol sa banal na katangian at potensiyal ng sangkatauhan.

Ang Nauvoo ay lugar din ng mahahalagang pagbabago sa organisasyon ng Simbahan. Matapos bumalik ang Labindalawang Apostol sa Nauvoo kasunod ng matagumpay na misyon sa British Isles, binigyan sila ni Joseph Smith ng mas malaking awtoridad na pangasiwaan ang gawain ng Simbahan, ipinagkatiwala sa kanila ang mga ordenansa sa templo, at inihanda sila upang pangasiwaan ang Simbahan pagkamatay niya. Ang Relief Society ay itinatag sa Nauvoo noong Marso 17, 1842, isang hakbang na itinuring ni Joseph Smith na napakahalaga upang makumpleto ang organisasyon ng Simbahan.

Sa Nauvoo ang malaking populasyon ng mga Banal, ang lumalawak na pagtatayo ng lunsod, at ang malakas na milisya ng lunsod ay nagprotekta sa mga Banal mula sa maraming pang-uusig na naranasan nila sa Ohio at Missouri. Gayunman, nanatili ang tensyon. Simula noong 1842, nagkaroon ng mga pagtatangka na ibalik si Joseph Smith sa Missouri, kapwa sa pamamagitan ng legal na proseso ng pagpapatawag o sa pagdukot sa kanya. Ang oposisyon sa Simbahan ay nabuo sa ilang komunidad sa paligid at sa ilang naghihinanakit na mga dating Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo. Sa harap ng mga problemang ito, si Joseph Smith at ang iba pa ay nagsimulang magplano na lumikha ng mga karagdagang pamayanan sa kanluran.

Noong tag-init ng 1844, sina Joseph at Hyrum Smith ay pinaslang sa Carthage, Illinois, halos 20 milya sa silangan ng Nauvoo. Ang mga banal ay nagdalamhati sa pagkawala ng kanilang Propeta at buong siglang bumoto sa pagsang-ayon sa Labindalawang Apostol na pamunuan ang Simbahan sa pagkawala niya. Sa kabila ng matinding pamimilit sa labas na lisanin ang Illinois, tinapos ng mga Banal ang templo, kung saan libu-libo ang tumanggap ng endowment. Pagkatapos, simula noong Pebrero 1846, nilisan nila ang lunsod, iniwan ang kanilang mga tahanan at kanilang templo.2

Noong ika-20 siglo, binili ng Simbahan ang maraming makasaysayang lugar sa Nauvoo.3 Kabilang sa mga ito ang lugar na pinagtayuan ng templo, bagamat ang templo mismo ay winasak ng apoy, buhawi, at sa huli ay giniba ito. Noong 2002 natapos ng Simbahan ang pagtatayo ng muling itinayong Nauvoo Illinois Temple sa lugar ding iyon.4 Ngayon ay napakaraming bumibisita sa Nauvoo mula sa iba’t ibang panig ng mundo na naglilibot sa mga lugar na pinatatakbo kapwa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng Community of Christ (dating Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints), kaya ang Nauvoo ay naging sagradong lugar kung saan maaaring pagnilayan ng dalawang relihiyon ang kanilang naunang kasaysayan.

Mga Kaugnay na Paksa: Pamayanan sa Quincy, Illinois; Nauvoo Temple; Female Relief Society ng Nauvoo; King Follett Discourse; Nauvoo Expositor; Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith; Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan; Pag-alis sa Nauvoo

Mga Tala

  1. Ito ay isinalin na “maganda” sa King James Version ng Isaias 52:7.

  2. Tingnan sa Paksa: Pag-alis sa Nauvoo.

  3. Tingnan sa Benjamin C. Pykles, Excavating Nauvoo: The Mormons and the Rise of Historical Archaeology in America (Lincoln: University of Nebraska Press, 2010).

  4. Tingnan sa Paksa: Nauvoo Temple.