“Sagradong Kakahuyan at Sakahan ng Pamilyang Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Sagradong Kakahuyan at Sakahan ng Pamilyang Smith”
Sagradong Kakahuyan at Sakahan ng Pamilyang Smith
Nangyari sa sakahan ng pamilya nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith ang marami sa pinakaunang mga pangyayari ng Panunumbalik. Lumipat ang mga Smith sa Palmyra, New York, sa pagitan ng 1816 at 1817, na may layuning magtanim ng trigo. Matapos mag-ipon sa loob ng dalawang taon, ang pamilya ay nagbigay ng paunang bayad sa isang lote ng masukal na kagubatan na may sukat na 100 acre sa Manchester, ilang milya sa timog ng Palmyra. Noong taglamig ng 1818 hanggang 1819, ang 10 mga miyembro ng pamilya Smith ay lumipat sa isang 1,000-talampakang-kuwadrado na bahay na yari sa troso na itinayo ni Joseph Smith Sr. at ng kanyang mga anak na sina Alvin at Hyrum. Ang bahay ay matatagpuan sa hilaga ng sakahan, sa Palmyra Township.1
Ang paggawa ng isang sakahan ay nangailangan ng ilang taong pagtatrabaho. Nagtrabaho ang buong pamilya upang linisin ang lupain, magtanim at mag-ani ng mga pananim, maghukay ng mga balon, magtayo ng mga bakod at pader na yari sa bato, at magtayo ng mga kamalig at iba pang mga gusali. Nag-ani rin ang pamilya ng katas mula sa maraming puno ng maple sa sakahan upang makalikom ng ilang paunang kita.
Sa gitna ng mga pagsisikap na magtatag ng isang produktibong sakahan, si Joseph Smith Jr., ang pangatlong anak na lalaki, ay nagkaroon ng mga espirituwal na karanasan. Nahawan na ng mga Smith ang mga puno mula sa mga 30 acre ng lupain noong 1820, ang taon ng Unang Pangitain ni Joseph Smith. Ang pangitain ay naganap sa makahoy pa ring bahagi ng sakahan, marahil ay malapit sa lugar kung saan ang mga Smith ay naghahawan para sa gagawin na mga pagtatanim. Kilala ngayon bilang Sagradong Kakahuyan, ang makahoy na lugar na ito ay maaaring binubuo ng malalaki at matatandang puno, ang ilan ay may taas na aabot sa 100 talampakan at may lapad na 4 hanggang 6 na talampakan sa paanan. Ang masukal na kakahuyan ay nagbigay kay Joseph ng tagong lugar para manalangin. Noong Setyembre 1823, nagkaroon muli si Joseph ng isang espirituwal na karanasan noong panahon ng pag-aani ng pamilya ng trigo, mais, obena, at bataw. Binisita siya ng anghel na si Moroni habang siya at ang kanyang mga kapatid ay natutulog sa bahay na yari sa troso.2
Di nagtagal ay nagtayo ang pamilya ng mas malaking bahay sa sakahan. Bago ang kanyang hindi napapanahong kamatayan noong Nobyembre 1823, sinimulan ni Alvin ang pagtatayo ng mas malaking bahay upang maging mas kumportable at mas disente ang tirahan ng kanyang mga nagkakaedad na magulang. Halos mas malaki nang dalawang beses sa bahay na yari sa troso, ang bagong bahay na ito ay may ilang silid para sa pagtanggap ng mga panauhin at may malaking kusina. Noong Setyembre 1827, si Joseph at ang kanyang asawang si Emma ay nakatira sa bahay na ito ng pamilya Smith nang kinuha ni Joseph ang mga laminang ginto mula sa Burol ng Cumorah. Itinago ni Joseph ang mga lamina sa iba’t ibang lugar sa paligid ng bahay at sa bukirin upang protektahan ang mga ito mula sa pagnanakaw. Dito rin, noong 1828, nalaman ni Joseph na naiwala ni Martin Harris ang 116 na pahina ng manuskrito ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon.3
Dahil sa pagkamatay ni Alvin Smith, sa gastusin sa pagpapatayo ng bagong bahay, at sa mapanlinlag na mga pakikitungo ng isang lokal na ahente ng lupa, ang naghihikahos sa pera na pamilya Smith ay hindi nakapagbigay ng pangalawang bayad sa sakahan at nailit ang titulo nito noong 1826. Sa panahon na nailathala ang Aklat ni Mormon noong 1830, lumipat pabalik sa bahay na yari sa troso ang mga Smith at nagtrabaho bilang mga nangungupahang magsasaka sa lupaing kanilang nilinis at binuo.4 Nilisan ng pamilya nang tuluyan ang lugar noong 1831, nang lumipat sila sa Ohio.
Noong 1905, ang pinuno ng Simbahan na si Pangulong Joseph F. Smith ay dinalaw ang sakahan, na nagpasimula ng isang proyekto na bilhin ang lupain. Makalipas ang dalawang taon, binili ng Simbahan ang bukid at kalaunan ay inupahan sina Willard at Rebecca Bean at iba pang tao upang pamahalaan ang ari-arian. Ang bilang ng mga bisita sa sakahan at Sagradong Kakahuyan ay nadagdagan sa kabuuan ng ika-20 siglo. Iningatan ng Simbahan ang ari-arian bilang isang gumaganang sakahan hanggang noong 1980s, nang simulan ang mga pagsisikap na ibalik ang dating itsura ng sakahan.5
Ngayon ang Sakahan ng Pamilya Smith at ang Sagradong Kakahuyan ay bukas sa publiko para sa mga guided tour. Halos lahat ng orihinal na sakahan ay naipanumbalik sa hitsura nito noong 1820s, pati na ang muling pagtatayo ng bahay na yari sa troso at pagsasaayos ng mas malaking bahay. Ang kapaligiran ng Sagradong Kakahuyan ay pinamamahalaan upang maranasan ng mga bisita ang kapaligirang tulad ng naranasan ni Joseph noong 1820.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Tala ng Unang Pangitain ni Joseph Smith, Anghel Moroni, Palmyra at Manchester, Pamilya nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith, Joseph Smith Sr.