“Sion/Bagong Jerusalem,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Sion/Bagong Jerusalem
Sion/Bagong Jerusalem
Ang mga katagang Sion at Bagong Jerusalem ay parehas na makikita sa Biblia. Sa Lumang Tipan, ang Sion ay karaniwang kasing-kahulugan ng lungsod ng Jerusalem kabilang ang templo nito sa bundok. Ang mga propesiya ng Bagong Tipan ay nagsaad na balang-araw ay muling lilikhain ng Panginoon ang langit at lupa. Bilang bahagi ng bagong paglikha na ito, isang lunsod ng Diyos na tinatawag na “Bagong Jerusalem” ang darating “pababa mula sa Diyos mula sa langit.”1 Hindi nagkakasundo ang mga mangangaral sa panahon ni Joseph Smith sa ibig sabihin ng mga katagang ito. Ang iba ay ginagamit ang mga katagang “kapakanan ng Sion” bilang isang pangalan para sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo.2
Ang Aklat ni Mormon at mga naunang paghahayag ni Joseph Smith ay tumukoy sa magiging lungsod ng Sion na magsisilbing isang lugar ng pagtitipon para sa nakakalat na mga inapo ni Israel sa mga huling araw. Tinukoy ng inspiradong rebisyon ng Genesis ni Joseph Smith ang “Lunsod ng Kabanalan” na tinawag na Sion na binuo ng sinaunang propetang si Enoc. Ang mga taong nagtipon sa Sion ni Enoc ay inalis ang kahirapan, nagkaisa, matwid, at may dalisay na puso. Sa huli, si Enoc at ang mga naninirahan sa Sion ay dinala sa langit.3 Simula noong 1831, hinangad ng mga Banal sa mga Huling Araw na magtatag ng lunsod ng Sion kung saan sila ay makapaghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Tinawag ng isang paghahayag ang lunsod na ito na “Bagong Jerusalem.”4 Tinawag ng isa pa ang Sion bilang mga tao na may “dalisay na puso.”5
Unang mga Pagsisikap na Itayo ang Sion
Noong 1831, si Joseph Smith ay nakatanggap ng paghahayag na ang lugar para sa lungsod ng Sion ay magiging malapit sa bayan ng Independence sa Jackson County, Missouri.6 Si Bishop Edward Partridge ay nagsimulang bumili ng mga lupain sa lugar na ito at tumulong sa pagtatatag ng mga bagong miyembro nang magdatingan sila. Noong tag-init ng 1833, sina Joseph Smith at ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ay humingi ng banal na patnubay nang magbalangkas sila ng plano para sa lunsod, na kinabibilangan ng isang grid ng mga kalsada at 24 na pang-sibiko at pang-simbahan na istruktura na itinalaga bilang “mga templo” para sa iba’t ibang layunin.7 Sa tag-init na iyon, gayunman, itinaboy ng mga mamamayan ng Jackson County ang mga Banal papalabas ng county, sapilitang pinatalikuran sa kanila ang kanilang mga lupain, at ang pagsisikap nilang itayo ang lunsod ng Sion.
Sa isang serye ng sumunod na mga paghahayag, inutusan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa mga espirituwal na katangian na kulang sa kanila ngunit kinakailangan para sa kahit sinong gustong itayo ang Sion at binigyan sila ng mga tagubilin kung paano magpapatuloy.8 Ang mga Banal ay nagsimulang maghanda para sa “pagtubos ng Sion,” ang panahon na sila ay babalik at babawiin ang kanilang mga lupain sa Missouri at itutuloy ang pagtatayo ng banal na lunsod.9
Isang Nagaganap na Pag-unawa
Ang mga pagtatangka ng mga Banal na tubusin ang Sion, kabilang na ang apela sa legal na sistema ng Estados Unidos, ay hindi nagresulta sa pagkilala sa kanilang karapatan o sa isang mabilisan na pagbalik sa Jackson County. Sa isang paghahayag noong Enero 1841 hinggil sa bigong pagtatangka na bumuo ng isang Sion na nakasentro sa templo sa Jackson County, ipinaliwanag ng Panginoon, “Minarapat ko na itigil na ang gawaing ito … ngunit tanggapin ang kanilang mga handog.”10 Sa paghahayag ding iyon inutusan ang mga Banal na magtayo ng templo sa Nauvoo, Illinois, at itatag ang lunsod na iyon bilang bagong lugar ng pagtitipon.
Sa Nauvoo, itinuro ni Joseph Smith na ang Sion “ay binubuo ng Hilaga at Timog Amerika,” at idinagdag na, sa isang banda, “anumang lugar kung saan nagtitipon ang mga banal ay Sion.”11 Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng templo sa Sion at sa mga pagtitipon, nagpapahayag na “kung saan tayo unang makapagtatayo [ng templo], iyon ang lugar na ito.”12 Inasahan ni Joseph na ang isang lunsod na may templo tulad ng Nauvoo ay magsisilbing sentro ng pagtitipon, at ang mga stake ng Sion ay itatatag sa maraming lugar, bawat isa ay magsisilbing kanlungan para sa matatapat.13
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay patuloy na umasa sa pagbabalik sa Jackson County, Missouri. Kasabay nito, itinuro ng mga lider ng Simbahan tulad ni Brigham Young ang kahalagahan ng pagtatayo ng Sion saan man naroon ang mga Banal. Hindi nagtagal matapos silang dumating sa Salt Lake Valley, nagsalita si Pangulong Young tungkol sa kanilang lumalagong lunsod bilang Bagong Jerusalem at ang tumataas na Salt Lake Temple bilang sentro ng pagtitipon.14
Noong bandang 1950s at 1960s, sinimulan ng Simbahan na lumikha ng mga stake ng Sion sa maraming lugar sa buong mundo. Sa paglalarawan sa pagsisikap na ito, ipinaliwanag ni Elder Spencer W. Kimball na “ang Unang Panguluhan at ang Labindalawa ay nakakakita ng dakilang karunungan sa maraming mga Sion, maraming lugar ng pagtitipon para sa mga Banal sa loob ng kanilang sariling kultura at bansa bilang isang lebadura sa pagtatayo ng kaharian.”15 Ngayon, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtitipon sa mga lokal na stake ng Sion at nagtatayo ng mga templo sa maraming bansa, at ang mga lider ng Simbahan ay binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging mga tao na namumuhay ayon sa mga pamantayan ng Sion—pagkakaisa, kabanalan, at pag-ibig sa kapwa-tao.16
Kaugnay na mga Paksa: Gathering of Israel, Jackson County Violence