“Joseph Smith Sr.,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Joseph Smith Sr.”
Joseph Smith Sr.
Si Joseph Smith Sr., anak na lalaki nina Asael at Mary Duty Smith, ay isinilang noong Hulyo 12, 1771 sa Massachusetts. Sa edad na 24, pinakasalan niya si Lucy Mack at nanirahan sila sa Vermont. Ang mag-asawa ay nagkaroon ng 11 anak at nakilahok sa panimulang gawain ng simbahang itinayo ng kanilang anak na lalaking si Joseph Smith Jr.
Noong 1802, namuhunan si Joseph Sr. sa ugat ng ginseng, isang mahalagang produktong pang-agrikultura, ngunit itinakbo ng kanyang kasosyo ang kanilang kita, na naging dahilan upang maubos ang halos lahat ng pera ng pamilyang Smith. Ipinagbili ni Joseph Sr. ang kanyang sakahan at binayaran ang iba pang mga utang gamit ang perang handog sa kanila ng pamilya ni Lucy noong sila ay ikasal. Pagkatapos ng patuloy na paghihirap bilang isang magsasaka sa Vermont at New Hampshire, sa wakas ay inilipat niya ang kanyang pamilya sa Palmyra, New York at bumili ng isang sakahan sa hindi kalayuang Manchester noong 1818.
Sa loob ng maraming taon, iniwasan ni Joseph Sr. ang paglahok sa organisadong relihiyon. Noong 1797, sumapi siya at ang kanyang ama sa isang Unibersalistang samahan sa Tunbridge, Vermont. Ang mga Unibersalista ay naniniwala sa kaligtasan para sa lahat ng tao, anuman ang kanilang relihiyon, at karaniwang bumubuo ng mga samahan sa halip na mga simbahan.
Si Joseph Smith Sr. ay isa sa mga unang sumuporta sa gawain ng kanyang anak bilang propeta. Nang unang bisitahin ng anghel na si Moroni si Joseph Jr., sinabihan nito ang binata na sumangguni sa kanyang ama. Naging isa sa Walong Saksi ng Aklat ni Mormon si Joseph Sr., at nabinyagan siya sa araw na itinatag ang Simbahan.1 Matapos ang kanyang binyag, ipinangaral niya ang ebanghelyo sa kanyang mga kamag-anak sa New York. Matapos lumipat sa Kirtland, Ohio noong 1831, si Joseph Sr. ay nagtrabahong mabuti upang maitayo ang bahay ng Panginoon, dumalo sa Paaralan ng mga Propeta, naglingkod bilang miyembro ng high council, nagmisyon sa silangang Estados Unidos, at sinang-ayunan bilang isang katuwang na tagapayo sa Unang Panguluhan.2
Noong 1834, tinawag ni Joseph Jr. ang kanyang ama bilang Patriyarka sa Simbahan, at sa nalalabing taon ng buhay ni Joseph Sr., binasbasan nito ang mga Banal at madalas na nagdaos ng mga pulong kung saan umaabot sa 15 miyembro ang nakatatanggap ng pagbabasbas sa ilalim ng mga kamay nito. Madalas na nakararanas ang mga kalahok sa mga pulong na ito ng kasaganaan ng Espiritu. Ang isa sa magiging Pangulo ng Simbahan na si Lorenzo Snow ay nakadalo sa isa sa mga pulong na ito bago sumapi sa Simbahan. Lubos siyang humanga nang mapanood niya ang patriyarka na magbigay ng mga pagbabasbas kaya nagdesisyon siya na pag-aralan nang mabuti ang paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw.3
Noong 1838, lumipat si Joseph Sr. kasama ang kanyang pamilya sa Far West, Missouri. Habang naninirahan doon, nakarinig siya ng isang sabi-sabi na pinaslang ang kanyang mga anak na sina Joseph Jr. at Hyrum. Ang nakagagambalang epekto ng balitang ito ay naging dahilan upang mawalan siya ng malay, at tila nakaapekto ang paghihirap na ito kay Joseph Sr. sa nalalabing taon ng kanyang buhay.4 Wala pang isang taon matapos lumipat sa Far West, napilitan ang pamilyang Smith na lumipat sa Illinois dahil sa karahasan ng mga mandurumog. Dumating si Joseph Sr. sa Commerce (kalaunan ay tinawag na Nauvoo), Illinois noong unang bahagi ng 1839. Sa kabila ng isang medyo tahimik na buhay sa Nauvoo, ang kalusugan ni Joseph Sr. ay patuloy na humina hanggang sa mapayapa siyang pumanaw noong Setyembre 14, 1840. Ang huling kahilingan niya bago siya mamatay ay tiyakin ni Joseph Jr. na maisasagawa ang binyag para sa patay para sa kanyang namayapang anak, si Alvin, na pumanaw bago maitatag ang Simbahan.5
Mga Kaugnay na Paksa: Pamilya nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith, Patriyarka