Kasaysayan ng Simbahan
Paglalaan sa Banal na Lupain


“Paglalaan sa Banal na Lupain,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Paglalaan sa Banal na Lupain”

Paglalaan sa Banal na Lupain

Mula nang mabinyagan siya sa Simbahan noong 1831, umasa si Orson Hyde na makapagmisyon sa Jerusalem balang-araw. Isang gabi noong 1840, nanaginip siya na naglakbay siya bilang missionary sa London, Amsterdam, at Constantinople at nagtapos sa Jerusalem. Naganyak ng panaginip na ito, nang sumunod na kumperensya ng Simbahan, ipinanukala niya na magmisyon siya sa mga Judio. Ang kapwa niya Apostol na si John Page ay nangakong susuporta, na binabanggit ang mga propesiya sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagtitipon ng Israel at sa conversion o pagbabalik-loob ng mga Judio.1 Inatasan ni Joseph Smith si Hyde na maging kinatawan ng Simbahan sa “mga saserdote, pinuno at mga Elder ng mga Judio” sa ibang mga bansa.2 Pagkaraan ng siyam na araw, nilisan ni Hyde ang Nauvoo, Illinois, at tinahak ang landas na nakita niya sa kanyang panaginip.

Larawan ni Orson Hyde

Larawan ni Orson Hyde.

Sinamahan ni Page si Hyde hanggang sa Cincinnati, Ohio.3 Pagkatapos ay mag-isang nagpatuloy si Hyde, at nakarating sa England noong Marso 1841. Doon ay tinulungan niya ang ibang mga miyembro ng Labindalawa sa loob ng apat na buwan bago nagbiyahe nang patimog-silangang direksiyon sa Europa. Habang nasa daan, nagpadala si Hyde ng mga liham sa mga lider ng komunidad ng mga Judio at tumigil sa malalaking lunsod upang mangaral sa mga Judio. Buwan ng Oktubre, napadpad siya sa baybayin ng Palestina at patuloy na naglakbay papunta sa Jerusalem. Naluha siya habang siya ay nakatayo sa tarangkahan sa kanluran at namasdan ang sinaunang lunsod sa unang pagkakataon.

Bago sumikat ang araw sa araw ng Linggo, Oktubre 24, lumabas ng lunsod si Hyde, tumawid sa Kidron Valley, at umakyat sa Bundok ng mga Olibo. Doon siya ay nag-alay ng panalangin sa paglalaan ng Jerusalem partikular na “para sa pagtitipon ng nakakalat na mga labi ng Judah” at gayon din nang malawakan bilang lupang pangako para sa lahat ng nakakalat na mga anak ni Abraham.4 Pagkatapos ng panalangin, gumawa siya ng altar na yari sa bato upang ipagdiwang ang okasyon. Sa paglisan sa Jerusalem, ipinagpatuloy ni Hyde ang kanyang misyon sa pamamagitan ng paglalakbay pabalik na dumadaan sa Germany at pagkatapos ay sa London. Nagbalik siya sa Nauvoo noong Disyembre 1842.5

Nang si Hyde at ang iba pa ay itinalaga bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa noong 1835, ipinabatid sa kanila ni Joseph Smith na sila lamang ang may awtoridad na buksan ang mga pintuan ng mga bansa para sa pagtitipon ng Israel.6 Ang paglalaan ni Hyde bilang apostol sa Banal na Lupain ay tumulong sa pagsasakatuparan ng utos na ito. Ang paglalaan, gayunman, ay kaiba sa mga huling paglalaan ng mga bansa para sa gawaing misyonero ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naunawaan ni Hyde na ang paglalaang ito ang magpapasimula sa pagtitipon ng mga sinaunang pinagtipanang tao ng Diyos, ang mga Judio, at isang gawain na mismong ang mga Judio ang magsasakatuparan kalaunan.

Sa pagitan ng 1873 at 1933, ilang iba pang mga panalangin para sa paglalaan ng Banal na Lupain ang inialay ng mga Apostol kalaunan.7 Noong mga dekada ng 1970 at 1980, itinatag ng Simbahan ang presensya nito sa paligid ng Jerusalem sa pamamagitan ng paglikha ng isang district ng Simbahan, pagtatayo ng Brigham Young University Jerusalem Center, at paglalaan ng Orson Hyde Memorial Garden sa Mount of Olives o Bundok ng mga Olibo.8 Noong 1979, si Elder Howard W. Hunter ng Korum ng Labindalawa, na gumanap ng mahalagang papel sa pagtatatag ng mga institusyong ito ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Banal na Lupain, ay nagturo na ang bantayog sa panalangin ni Hyde ay hindi nangangahulugan “na ang sinasang-ayunan lamang natin ay ang mga hangaring ng mga Judio. Interesado ang Simbahan sa lahat ng mga inapo ni Abraham.” Ipinaalala niya sa kanyang mga tagapakinig na ang “Jerusalem ay sagrado sa mga Judio, at sagrado rin ito sa mga Arabo.” Pagtatapos niya, “Ang mga Judio at Arabo ay kapwa mga anak ng ating Ama. Sila ay kapwa mga anak ng pangako at bilang simbahan wala tayong pinapanigan sa kanila. Minamahal at pinagmamalasakitan natin ang bawat isa sa kanila. Ang layunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay maghatid ng pagmamahal, pagkakaisa, at pagkakapatiran ng pinakamataas na antas.”9

Jerusalem

Tanawin ng Jerusalem mula sa Orson Hyde Memorial Garden.

Mga Tala

  1. Joseph Smith, “Recommendation for Orson Hyde, 6 April 1840,” sa Times and Seasons, tomo. 1, blg. 6 (Abr. 1840), 86–87, josephsmithpapers.org; “Conference Minutes,” sa Times and Seasons, tomo. 1, blg. 6 (Abr. 1840), 91–95. Tingnan din sa Paksa: Pagtitipon ng Israel.

  2. Joseph Smith, “Recommendation for Orson Hyde, 6 April 1840,” 86–87.

  3. Letter from Orson Hyde and John E. Page, 1 May 1840,” sa Joseph Smith Letterbook 2, 144–45, josephsmithpapers.org.

  4. Orson Hyde, A Voice from Jerusalem, or a Sketch of the Travels and Ministry of Elder Orson Hyde, Missionary of the Church of Jesus Christ of Latter Day Saints, to Germany, Constantinople, and Jerusalem (Liverpool: P. P. Pratt, 1842), 28–30.

  5. David J. Whittaker, “The Twelve Apostles, 1835–1846,” sa Brandon S. Plewe, ed., Mapping Mormonism: An Atlas of Latter-day Saint History (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 2012), 47.

  6. Record of the Twelve, 14 February–28 August 1835,” 4, josephsmithpapers.org.

  7. Tingnan sa Blair G. Van Dyke at LaMar C. Berrett, “In the Footsteps of Orson Hyde: Subsequent Dedications of the Holy Land,” BYU Studies, tomo. 47, blg. 1 (2008), 57–93.

  8. Ang mga pangyayaring ito ay ginawang posible ng nonproselytizing na kasunduan sa pagitan ng Simbahan at pamahalaang Israeli. Tingnan sa James A. Toronto, “Middle East,” sa Arnold K. Garr, Donald Q. Cannon, and Richard O. Cowan, eds., Encyclopedia of Latter-day Saint History (Salt Lake City: Deseret Book, 2000), 747–50.

  9. Howard W. Hunter, “All Are Alike unto God,” Ensign, Hunyo 1979, 72–74.