“Relief Society,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Relief Society”
Relief Society
Ang Female Relief Society of Nauvoo ay inorganisa noong Marso 1842.1 Bagama’t ang mga aktibidad ng Relief Society ay opisyal na ipinahinto noong Marso 1845, nanatili ang atas na ibinigay ni Joseph Smith sa kababaihan na bigyang-ginhawa ang mga maralita at magligtas ng mga kaluluwa.2 Kahit walang pormal na organisasyon, ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay patuloy na magkakasamang nagtitipon upang manalangin, umawit, at magpatotoo at upang pagpalain ang isa’t isa, ang kanilang mga pamilya, ang maysakit, at maralita.
Muling pag-oorganisa ng Relief Society
Noong 1854, sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young, sinimulan ng kababaihan na muling i-organisa ang kanilang mga sarili sa mga lokal na Relief Society.3 Tumulong ang mga babae sa kanilang mga kapitbahay na American Indian, naglingkod sa mga mahihirap na Banal, naghabi ng alpombra para sa mga meetinghouse, at tumulong na damitan ang mga miyembro ng milisya na nagpoprotekta sa Teritoryo ng Utah. Hindi bababa sa 24 na ward Relief Society ang naorganisa, subalit ang pagdating ng hukbong pederal noong 1857 ay epektibong tumapos sa mga pagsisikap na ito.4
Pagsapit ng 1867, nag-alala si Brigham Young tungkol sa malalaking bilang ng mga nahihirapang nandayuhang Banal sa Utah at sa pangangailangan ng ekonomiyang makatutustos sa sarili nito. Hinirang niya si Eliza R. Snow upang tulungan ang mga bishop sa muling pagtatatag ng mga lokal na Relief Society. Bilang kalihim ng Relief Society sa Nauvoo, itinala at iningatan ni Snow ang mga katitikan ng mga pulong nito at ginamit ang mga ito bilang gabay para sa mga bagong samahan.
Isang Sentral na Organisasyon
Mabilis na dumami ang mga naunang Relief Society sa Utah—pagsapit ng 1869 ay mayroon na itong higit sa 100 sangay. Nangangailangan ang gayong paglago ng higit na koordinasyon, at noong 1877 ang unang Relief Society sa antas ng stake ay inorganisa sa Ogden, Utah, at si Jane Snyder Richards ang naging pangulo. Hindi nagtagal ang mga Relief Society sa mga stake ay inorganisa sa Utah, at makalipas ang tatlong taon, itinalaga ng Pangulo ng Simbahan na si John Taylor si Eliza R. Snow bilang pangulo sa lahat ng Relief Society. Inorganisa ni Snow ang isang sentral na komite na nakilala kalaunan bilang pangkalahatang kapulungan ng Relief Society. Sa loob ng isang dekada, dumami ang mga miyembro ng Relief Society sa halos 17,000 sa buong Estados Unidos, Canada, England, Scotland, Germany, Switzerland, Norway, Sweden, Denmark, Pacific Islands, Australia, at New Zealand.5
Nakilahok ang mga miyembro ng Relief Society noong ika-19 na siglo sa maraming proyekto, kabilang na ang pag-iimbak ng mga butil, paggawa ng seda, mga tindahan ng kooperatiba, panggagamot, at karapatan ng babae sa pagboto.6 Batid din ng mga lider ang mga pangangailangan ng mga kabataan at mga bata at tumulong sa pag-organisa ng mga Mutual Improvement Association at Primary.7 Taos-pusong ipinagtanggol ng mga kababaihan ng Relief Society ang kalayaan sa relihiyon sa harap ng pagtindi ng pamimilit ng pamahalaan na talikuran ang maramihang pag-aasawa. Nagsilbing mga temple matron ang mga unang Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society sa Utah.
Pagtugon sa mga Hamon ng ika-20 Siglo
Noong ika-20 siglo ay umangkop ang Relief Society sa lalong nagiging siyentipiko at urban na makabagong mundo. Nakatuon ang mga programa ng Relief Society sa pagpapabuti ng pamayanan. Noong naging pangulo si Bathsheba W. Smith, itinaguyod ng Relief Society ang mga klase sa agham pantahanan at pag-aalaga at namahala sa isang employment bureau para sa mga kabataang babae.8 Inialok ng mga lider ng Relief Society ang kanilang inimbak na butil upang makatulong sa mga American Indian sa Utah, sa mga biktima ng taggutom noong 1907 sa China, at sa mga nakaligtas mula sa lindol sa San Francisco noong 1906.9 Noong 1915, sa ilalim ng pamamahala ni Emmeline B. Wells, ang pahayagang Woman’s Exponent ay pinalitan ng Relief Society Magazine, isang mas makabagong pahayagan na may kurikulum, mga ulat mula sa mga lokal na yunit, at payo sa pamamahala ng tahanan.10 Noong dekada ng 1920 ang miyembro ng pangkalahatang lupon na si Amy Brown Lyman ay nanguna sa mga pagsisikap na gumamit ng mga makabagong pamamaraan sa gawaing panlipunan sa mga programa ng Relief Society at pinamahalaan ang mga kursong medikal sa pagbubuntis at kapakanan ng mga bata.
Kasabay nito, naharap ang Relief Society sa kumplikadong gawain ng pag-aangkop sa mga pagbabago ng organisasyon ng Simbahan. Sa ilalim ni Bathsheba Smith, nangalap ng pondo ang kababaihan ng Relief Society para sa pagtatayo ng isang gusali sa Temple Square—subalit ang mga tanggapan ng pangkalahatang Relief Society ay inilipat sa Bishop’s Building.11 Ang mga bulwagan ng Relief Society ng mga ward ay napalitan ng isang silid sa loob ng mga lokal na meetinghouse.12 Ang matagal nang programa sa pag-iimbak ng butil ng Relief Society ay nagwakas noong 1918 nang ibinenta ng mga lider ng Simbahan ang mga butil sa pamahalaan ng Estados Unidos upang makatulong sa mga pagsisikap noong Unang Digmaang Pandaigdig.13 Simula noong 1936 ay may naging mahalagang papel ang mga miyembro ng Relief Society sa bagong Church Security Plan, na nakilala kalaunan bilang planong pangkapakanan o welfare plan.14
Ang Relief Society Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig
Noong dekada ng 1950, sa ilalim ng pamamahala ng Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society na si Belle S. Spafford at ng Pangulo ng Simbahan na si David O. McKay, muling naglikom ng pondo ang mga kababaihan ng Relief Society para sa isang gusali sa Temple Square, na inilaan noong 1956.15 Ang gawain ng Relief Society ay patuloy na nagbabago habang ang nakaugnay na pagsisikap sa buong Simbahan ay nagdala sa maraming gawain ng Relief Society sa ilalim ng pamamahala ng mga lokal at pangkalahatang lider ng priesthood. Pagsapit ng 1970 ang responsibilidad sa pangangalap ng pondo, magasin, at welfare ay nalipat sa mga komite at departamento ng Simbahan. Simula noong 1971 ang lahat ng kababaihan na mga Banal sa mga Huling Araw na nasa edad 18 pataas ay awtomatikong inililista bilang mga miyembro ng Relief Society. Ang pangangailangan upang magbigay ng kabayaran para sa pagsapi ay ipinahinto.16
Noong dekada ng 1970 ay binigyang-diin ng Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society na si Barbara B. Smith ang mga tungkulin sa tahanan at pamilya at nagsalita tungkol sa iminungkahing Equal Rights Amendment habang ito ay pinagtatalunan sa Estados Unidos; ang sumunod na pangkalahatang pangulo, si Barbara Winder, ay naghikayat ng paghilom matapos ang isang dekada ng lumalaking paghahati.17 Noong dekada ng 1990 ay gumugol ng panahon ang Pangkalahatang Pangulo na si Elaine L. Jack sa pag-alam sa mga pangangailangan ng kababaihan sa buong mundo at naglunsad ng bagong programang pang-edukasyon.18
Ang Relief Society ay kinikilala sa buong mundo sa mga pagsisikap nitong tipunin ang kababaihan sa espirituwal na pagmiministro, paglilingkod sa pamilya at komunidad, pag-asa sa sarili, at mga serbisyong makatao at para sa mga refugee. Patuloy rin ang Relief Society sa pag-aambag ng mahalagang boses sa mga kapulungan ng Simbahan: tulad na ang mga lokal na lider ng Relief Society ay naglilingkod sa mga konseho ng kanilang mga ward at branch, ang mga Pangkalahatang Opisyal ng Relief Society noong 2016 ay nagsimulang maglingkod sa Priesthood and Family Executive Council, sa Missionary Executive Council, at sa Temple and Family History Executive Council.
Mga Kaugnay na Paksa: Ang Female Relief Society ng Nauvoo, Eliza R. Snow, Zina D. H. Jacobs Young, Emmeline B. Wells, Primary, Mga Organisasyon ng Young Women.