“Doktrina at mga Tipan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Doktrina at mga Tipan”
Doktrina at mga Tipan
Ang Doktrina at mga Tipan ay isang aklat ng banal na kasulatan na naglalaman ng mga paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith at sa ilan sa mga humalili sa kanya bilang Pangulo ng Simbahan. Unang nagtangka ang Simbahan na magtipon at maglathala ng koleksyon ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith noong 1833, ngunit ang pagsalakay ng mga mandurumog ay nakaantala sa paglalathala ng unang koleksyon na iyon, na tinawag na Book of Commandments [Aklat ng mga Kautusan]. Makalipas ang isang taon, muling sinimulang ihanda ni Joseph Smith at ng iba pang mga lider ang mga paghahayag para ilathala.1 Nagtalaga ang Kirtland High Council ng isang komite na binubuo ng Unang Panguluhan at ng Katuwang ng Pangulo ng Simbahan upang tipunin ang “mga aytem ng doktrina ni Jesucristo” mula sa mga paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith at gawing “aklat ng mga tipan.”2 Inilathala ng komite ang aklat na ito noong 1835 na may pamagat na Doctrine and Covenants of the Church of the Latter Day Saints. Isang pangkalahatang pagtitipon ng Simbahan ang nagkakaisang bumoto na tanggapin ang aklat na ito bilang “isang batas sa simbahan” at “patakaran ng pananampalataya at pagsasabuhay.”3
Pinalawak ng Doktrina at mga Tipan ang Book of Commandments sa ilang paraan: isinama ng komite ang ilang mga paghahayag na hindi kasama noon sa Book of Commandments, inihanda at idinagdag ang mga sermon tungkol sa teolohiya, at gumawa ng maraming mumunting pagwawasto sa teksto. Ang pamagat, Doktrina at mga Tipan, ay inilarawan ang dalawang pagkakahati ng aklat. Ang una, na “tungkol sa doktrina ng simbahan,” ay naglaman ng mga sermon ukol sa teolohiya na kalaunan ay nakilala bilang “Lectures on Faith.”4 Ang ikalawa, “Covenants and Commandments of the Lord,” ay naglaman ng mga paghahayag. Ang mga ito ay lumaki mula sa 65 na “mga kabanata” sa Book of Commandments at naging 103 na “mga bahagi” sa Doktrina at mga Tipan.5
Sumunod ang iba pang mga edisyon, bawat isa ay nagpapakilala ng ilang pagbabago sa ayos ng tomo at nagsama ng karagdagang mga paghahayag. Sa Nauvoo, pinangasiwaan ni Joseph Smith ang isang edisyon na nagdagdag ng ilang mga bagong bahagi at inilathala kaagad matapos ang kanyang pagpanaw noong 1844.6 Nakita ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Britain na kailangan ng mga Banal na British na magkaroon ng paraan upang magkaroon ng kopya ng mga paghahayag at inihanda ang isang edisyong galing Europa upang magamit sa ibayong dagat batay sa 1844 Nauvoo edition. Ang mga muling pag-imprenta ng mga edisyon mula sa Nauvoo at Europa ay nagsuplay ng mga kopya sa mga miyembro sa paglaki ng Simbahan, ngunit noong dekada ng 1870, inatasan ni Pangulong Brigham Young si Orson Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol na i-update ang Doktrina at mga Tipan. Hinati-hati ng 1876 na edisyon ang bawat bahagi sa mga talata at nagdagdag ng 26 na bagong mga bahagi, kabilang ang isang paghahayag tungkol sa selestiyal na kasal, isang salaysay ng pangitain nina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol kay Elijah sa Kirtland Temple, ang propesiya ni Joseph tungkol sa digmaan, at mga halaw mula sa kanyang mga liham mula sa Piitan ng Liberty.7
In-update at pinaigi ng tatlong edisyon sa ika-20 siglo ang Doktrina at mga Tipan. Inalis ng 1921 na bersyon ang Lectures on Faith.8 Isinunod sa pamantayan ng 1981 na edisyon ang mga pamagat ng mga bahagi, naglaan ng malawakang mga cross-reference sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan, at nagdagdag ng mga bagong aytem, kabilang na ang pangitain ni Joseph F. Smith noong 1918 tungkol sa daigdig ng mga espiritu at ang katatanggap lamang noon na paghahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa paggagawad ng priesthood sa lahat ng karapat-dapat na mga lalaking Banal sa mga Huling Araw, anuman ang kanilang lahi.9 Sa paglipas ng panahon, nakakuha ng karagdagang mga dokumentasyon, at noong 2013, inilathala ng Simbahan ang isang bagong edisyon ng Doktrina at mga Tipan na nagtataglay ng mas tumpak na mga pambungad sa kasaysayan para sa marami sa mga bahagi.10
Mga Kaugnay na Paksa: Book of Commandments, Lectures on Theology (“Lectures on Faith”), Mga Paghahayag ni Joseph Smith