Kasaysayan ng Simbahan
Pagtatayo ng Templo


“Pagtatayo ng Templo,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pagtatayo ng Templo”

Pagtatayo ng Templo

Ang mga templo ay bahagi na ng karanasan ng mga Banal sa mga Huling Araw mula halos sa pagtatatag ng Simbahan. Ilang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith bago ang taong 1833 ang detalyadong nagsaad kung saan bibili ng lupa at kung paano magtatayo ng isang “bahay ng Panginoon” na kung saan mananahan ang kaluwalhatian ng Diyos. Tinutukoy ang mga paghahayag at hindi bababa sa isang pangitain, pinangunahan nina Joseph at kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang pagtatayo ng unang bahay ng Panginoon sa Kirtland, Ohio. Ito at ang iba pang mga nakaplanong templo sa Independence, Far West, at sa Adan-ondi-Ahman ay inilayon para sa pagsamba ng kongregasyon at iba pang mga gawain na kabilang sa lahat ng aspetong panrelihiyon at pangkomunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw. Habang itinatayo ang mga karagdagang templo, una sa Nauvoo at kalaunan sa Utah, unti-unting nagtuon ang mga ito sa pagsasagawa ng mga sagradong ordenansa kung saan kilala ang mga ito ngayon.

Binago ang mga floor plan ng templo sa paglipas ng bawat henerasyon, kapag nakakakita ang mga lider at mga miyembro ng Simbahan ng mga pagkakataon para sa pagbabago. Inaprubahan ng Pangulo ng Simbahan na si John Taylor ang muling pagdidisenyo ng floor plan ng Salt Lake Temple noong dekada ng 1880. Tinanggal ni Joseph F. Smith ang malalaking silid ng pagtitipon mula sa mga templo noong dekada ng 1910. Noong 1953 ay nilinang ni David O. McKay ang paggamit ng mga palabas na video upang gawing mas madali ang mga gawain sa templo para sa mga hindi nagsasalita ng Ingles. Dinadagdagan ni Spencer W. Kimball ang kahusayan sa paggawa at naibaba ang gastos sa pagpapatayo at pagpapanatili ng mga templo. Ang mga estilo ng arkitektura ng mga templo ay karaniwang nagpapakita sa mga kalakaran noong panahon na itinayo ang mga ito.

larawan ng silangang patsada ng Salt Lake Temple

larawang arkitekto ng silangang patsada ng Salt Lake Temple.

Pinamumunuan ng mga Pangulo ng Simbahan ang lahat ng mga aspeto ng pagdidisenyo, pagtatayo, at paggamit ng mga templo. Iba’t ibang Pangulo ang nagkaroon ng bahagi sa pagbuo ng mga detalye sa pagtatayo ng templo na karaniwang batay sa kanilang sariling pagsasanay at interes at sa bilang ng mga templong itinatayo. Malapitang nakipagtrabaho si Joseph Smith kay arkitekto William Weeks sa maraming detalye tungkol sa pagtatayo ng Nauvoo Temple. Sinunod ni Brigham Young ang huwaran ni Joseph sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga arkitekto sa mga templong itinayo sa Utah, kung saan makikita ang mga disenyo at floor plan ng Nauvoo Temple. Itinakda nina Joseph F. Smith at Heber J. Grant ang badyet para sa mga templong itinayo sa kanilang pamamahala at nagbigay ng pangkalahatang pag-apruba para sa kabuuang plano at disenyo. Humiling si Gordon B. Hinckley ng maraming mas maliliit na templo sa mga liblib na lugar sa mundo noong huling bahagi ng ika-20 siglo. Ayon sa inspirasyon, inilaan din niya ang ideya ng paunang floor plan na ipapatupad ng mga arkitekto para sa mga bagong templong ito.

pagtatayo ng Hawaii Temple

Ang Hawaii temple habang itinatayo, circa 1919.

Ang mga miyembro ng Simbahan na may karanasan at pagsasanay sa arkitektura at pagtatayo ay karaniwang namumuno sa pagdisenyo ng templo. Ginamit ng mga arkitekto ng templo noong ika-19 na siglo na tulad nina Truman O. Angell at William H. Folsom ang kanilang mga karanasan bilang karpintero. Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, nagtaguyod ang Simbahan ang mga paligsahan sa pagdidisenyo para sa mga templo sa Cardston, Laie, Mesa, at Idaho Falls. Ang lahat ng mga arkitekto na nanalo sa mga kompetisyon ay nagsanay sa mga paaralan para sa arkitektura. Sa huling kalahating bahagi ng ika-20 siglo, isang full-time na empleyado ng Simbahan ang namamahala sa disenyo ng templo at isang grupo ng mga empleyado ang naghahanda ng mga dokumento sa pagtatayo. Kamakailan lamang, ang mga nakakontratang kumpanya ng arkitekto ang naghanda ng mga dokumento ng pagtatayo sa ilalim ng pamamahala ng mga arkitekto ng Simbahan.

Simula noong dekada ng 1830, ang ikapu at iba pang mga donasyon ng mga miyembro ng Simbahan ay ipinangtutustos sa pagtatayo ng mga templo. Ang mga miyembro noong ika-19 na siglo ay nagbigay ng oras at mga kagamitan upang makapagtayo ng mga templo na kumakatawan sa kanilang lubos na sakripisyo at dedikasyon. Ang konsepto ng paggamit ng inambag na paggawa upang magtayo ng mga templo ay muling ginamit noong dekada ng 1950 gamit ang labor missionary program, na umupa sa mga lokal na miyembro bilang mga missionary sa pagtatayo ng mga meetinghouse, paaralan, at templo sa buong mundo. Noong huling bahagi ng ika-20 at unang bahagi ng ika-21 siglo, ang mga kumpanya ng konstruksyon ay karaniwang gumagawa sa pagtatayo, nagtatrabaho sa ilalim ng kontrata sa Simbahan at sa ilalim ng pamamahala ng Presiding Bishopric at mga empleyado ng Simbahan.

Maraming pagbabago sa estilo ng templo, disenyo, at pagtatayo ang naganap sa pagdami ng bilang ng mga templo. Noong 1980, 17 templo ang magagamit; ang mabilis na pagdami ng itinatayong templo noong dekada ng 1980 at muli sa pagitan ng 1998 at 2001 ang nagdulot na lumampas sa 100 ang bilang na ito, na ginawang posible para sa karamihan ng mga Banal na manirahan sa loob ng 200 milya (320 kilometro) mula sa isang templo. Pagsapit ng Abril 2019 sinuportahan ng Simbahan ang 162 magagamit na templo, na mayroon pang 47 na ipinahayag o kasalukuyang itinatayo.

Mga Kaugnay na Paksa: Kirtland Temple, Nauvoo Temple, Salt Lake Temple, Paglalaan ng Templo at Mga Panalangin Nito, Anghel Moroni

Mga Tala

  1. Temple,” Glossary, https://josephsmithpapers.org/topic/temple.

  2. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 36 (Dis. 1830), 42 (Peb. 1831), 84 (Set. 1832), 88 (Dis. 1832), 95 (Hun. 1833), at 94 (Ago. 1833).

  3. Tingnan sa Paksa: Kirtland Temple.

  4. Tingnan sa Paksa: Nauvoo Temple.

  5. C. Mark Hamilton, Nineteenth-Century Mormon Architecture and City Planning (New York: Oxford University Press, 1995), 39.

  6. Mga Turo ng Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley (2016), 114–115.