Kasaysayan ng Simbahan
Ikatlong Kumbensyon


Ikatlong Kumbensyon

Noong ika-19 na siglo at unang bahagi ng ika-20 siglo, ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mas maraming bansa sa mundo ay inorganisa sa ilalim ng pamumuno ng isang mission president mula sa Estados Unidos na itinalaga sa kanilang bansa.1 Mula 1936 hanggang 1946, halos isang-katlo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Mexico ay bumuo ng isang grupo na nakilala bilang Ikatlong Kumbensyon, na itinuro ang mga doktrina ng Simbahan habang itinatatwa ang awtoridad ng mga mission president na nakatalaga sa Mexico na hindi katutubong Mehikano. Noong 1946, ang Pangulo ng Simbahan na si George Albert Smith ay naglakbay patungong Mexico upang mamuno sa isang kumperensya ng muling pagsasama-sama, at ibinalik sa pakikipagkapatiran ang mga miyembro ng Ikatlong Kumbensyon sa iba pang mga miyembro ng Simbahan.2

Ilang natatanging kadahilanan ang humantong sa pagkakahati-hati na tumagal nang isang dekada. Bagama’t kung minsan ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ay nakakaranas ng pagkabigo sa mga lider ng mission mula sa Amerika noong unang bahagi ng ika-20 siglo, may mga natatanging sitwasyon sa Mexico na lumikha ng karagdagang tensyon. Isinara ng mga lider ng Simbahan ang Mexican Mission mula 1889 hanggang 1901 at pinauwi mula sa Mexico ang mga dayuhang misyonero mula 1912 hanggang 1917 noong panahon ng Rebolusyong Mehikano.3 Noong 1926, pinalayas ng pamahalaan ng Mexico ang mga banyagang pari bilang bahagi ng pakikibaka sa simbahang Katoliko. Ang mga pampublikong debate tungkol sa pangangailangan sa lokal na pamumuno sa relihiyon ay tumutugma sa nais ng maraming Mehikanong Banal sa mga Huling Araw. Dahil sa kasaysayan ng panghuhusga sa lahi laban sa mga katutubo sa Estados Unidos at Mexico, ang mga Mehikano na may katutubong ninuno ay nakatagpo ng lakas sa mga turo sa Aklat ni Mormon tungkol sa mga katutubong Amerikano bilang mga piling tao at inasam ang ipinangako sa kanilang pagpapanibago at tungkulin sa pamumuno.4

Noong 1931, matapos ang biglaang pagpanaw ni Rey L. Pratt, isang matagal nang mission president na nakamit ang paggalang ng mga Mehikanong miyembro, tinawag si Antoine R. Ivins upang mamuno sa Mexican Mission. Noong panahon ng Rebolusyon, pinalawak ang mission upang isama ang mga nagsasalita ng wikang Espanyol sa Estados Unidos, at sa halos isang taon ay nagtuon si Ivins sa mga branch na iyon nang hindi nakikipag-ugnayan o bumibisita sa mga miyembro sa Mexico. Noong panahong iyon, ang mga lokal na lider na kinabibilangan nina Isaías Juárez, Bernabé Parra, at Abel Páez ay nagsumamo nang dalawang ulit sa Unang Panguluhan para tumawag ng isang mission president na katutubong Mehikano na lubos na makakakilos sa ilalim ng mga batas ng bansa at tulungan ang mga lider ng Simbahan na maunawaan ang mga pangangailangan ng mga miyembrong Mehikano. Ang mga pulong kung saan nila inorganisa ang mga petisyong ito ay nakilala bilang una at pangalawang kumbensyon. Noong 1932, pinagsabihan ni Ivins ang mga kalahok sa paggamit ng proseso ng petisyon sa konteksto ng Simbahan ngunit binigyan sila ng katiyakan na ang kanilang mga alalahanin ay tatalakayin sa tamang panahon.5

Umasa ang ilang miyembrong Mehikano na dumating na ang panahong iyon noong 1936 nang likhain ang Spanish-American Mission para sa mga branch sa Estados Unidos, at hinahayaan ang Mexican Mission na magtuon sa Mexico. Nang si Harold W. Pratt na mula sa mga kolonya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa hilagang Mexico ay pinanatili bilang mission president, ang ilang lider ay sumulat ng ikatlong petisyon na nanawagan para sa mission president na Mehikano sa pamamagitan ng “raza y sangre” (lahi at dugo). Ang pagsisikap na ito ay humantong sa pagkakahati-hati ng mga lokal na lider at miyembro at humantong sa pagtitiwalag ng mga nangungunang tagapagtaguyod ng petisyon noong 1937. Ang mga sumuporta sa petisyon ay piniling magpulong nang hiwalay sa iba pang mga miyembro ng Simbahan, kung saan si Abel Páez ang kanilang lider.

Nang sumunod na dekada, ang mga sumama sa Ikatlong Kumbensyon ay nagdaos ng mga pulong, nagtayo ng mga chapel, naglathala ng isang pahayagan, tumawag ng mga misyonero, at nagsagawa rin ng mga programang may kaugnayan sa Simbahan. Sinalungat ni Páez ang mga pagsisikap na baguhin ang mga patakaran ng grupo at pinaalis si Margarito Bautista, isang lider sa Kumbensyon, na nagtangkang magsagawa ng poligamya.6 Noong mga unang taon ng dekada ng 1940, inuna ng mission president na si Arwell L. Pierce ang pakikinig sa mga miyembro ng Ikatlong Kumbensyon at unti-unting binago ang mga pag-uusap tungkol sa pamumuno ng mga katutubo mula sa kahilingan para sa isang Mehikanong mission president patungo sa posibilidad ng pagkakaroon ng mga stake sa Mexico. Kalaunan ay nahikayat si Páez ng mga argumento ni Pierce. Binaligtad ng Unang Panguluhan ang mga naunang pagdidisiplina laban sa mga lider ng Ikatlong Kumbensyon. Noong ika-20 ng Mayo 1946, dumating si Pangulong George Albert Smith sa Lunsod ng Mexico upang bisitahin ang mga miyembro at dumalo sa isang kumperensya ng muling pagsasama-sama.

Pangulong George Albert Smith

Nagsasalita si Pangulong George Albert Smith sa kumperensya ng muling pagsasama-sama sa meetinghouse ng Ermita Branch, Lunsod ng Mexico, Mayo 1946.

Malugod na tinanggap ng mga miyembro ng Ikatlong Kumbensyon si Pangulong Smith sa pamamagitan ng pag-awit ng himnong “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta.” Sa kumperensya, tinalakay ni Smith ang pangangailangan sa pagkakaisa at pagkakasundo. Nagsalita rin si Páez at ibinahagi ang kanyang kagalakan sa pagbalik sa Simbahan at sa kanyang kasabikan sa maaaring magawa sa hinaharap. Sa pagtatapos ng kumperensya, inanyayahan ni Pangulong Smith ang mga miyembro na tipunin ang kanilang mga anak upang mabigyan niya ng basbas ang mga ito.7

Matapos ang kumperensya, tinawag ni Pierce ang mga lokal na miyembro, kabilang na ang mga lider ng Ikatlong Kumbensyon, sa bagong tatag na konseho ng mga lider ng mission. Matapos magkaroon ng karanasan, ang mga lider at miyembro ng mission ay nakahanap ng bagong sistema para sa pagsulong nang magkasama.

Mga Kaugnay na Paksa: Mexico, Mga Kolonya sa Mexico, George Albert Smith, Pag-unlad ng Gawaing Misyonero

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Pag-unlad ng Gawaing Misyonero.

  2. Tingnan sa Mga Paksa: Mexico, George Albert Smith.

  3. F. LaMond Tullis, Mormons in Mexico: The Dynamics of Faith and Culture (Provo: Museo de Historia del Mormonismo en México A. C., 1997), 70, 74–75, 98, 110–11.

  4. Tingnan sa Paksa: Pagkatao ng mga Lamanita.

  5. Tullis, Mormons in Mexico, 116–18.

  6. Elisa Eastwood Pulido, The Spiritual Evolution of Margarito Bautista: Mexican Mormon Evangelizer, Polygamist Dissident, and Utopian Founder, 1878–1961 (New York: Oxford University Press, 2020), 159–81.

  7. Carmen Richardson, “1,200 Mexican Members Return to Church during Pres. Smith’s Visit,” Church News, Hunyo 15, 1946, 1, 4.