“Mga Himno,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Himno”
Mga Himno
Ang pag-awit ng mga himno sa pribado at pampublikong pagsamba ay matagal nang ginagawa at isang mahalagang bahagi ng pagsamba ng Kristiyanong Amerikano noong panahon ni Joseph Smith. Tatlong buwan matapos maorganisa ang Simbahan, noong Hulyo 1830, nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag para sa kanyang asawang si Emma, na nag-aatas sa kanyang magtipon ng mga banal na himno para sa Simbahan ni Cristo. “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso,” sabi ng Panginoon “Oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin” (DT 25:12). Pinagtibay ng paghahayag na ito ang kahalagahan ng musika bilang bahagi ng pagsamba sa Simbahan, at ang pagtatalaga nito kay Emma Smith ay kakaiba dahil bibihirang mga babae ang nagtitipon ng mga himno.1
Ang unang mga himno ng mga Mormon ay lumabas noong 1832 sa pahayagang The Evening and the Morning Star na inilathala ni William W. Phelps at noong 1834 sa The Messenger and Advocate. Ilan sa mga himno na ito ay naging kabilang sa himnaryo ni Emma, A Collection of Sacred Hymns, for the Church of the Latter Day Saints. Ang himnaryo, na opisyal na inilathala noong 1835, ay inihanda para mailathala ni Phelps, at natapos ang paglilimbag nito noong unang bahagi ng 1836 sa Kirtland. Ang aklat na ito ay maliit at kasya sa bulsa at naglalaman ng 90 mga himno. Nasa pagitan ng 30 at 40 sa mga ito ay isinulat ng mga Banal sa mga Huling Araw; ang nalalabi ay popular na mga himnong Protestante. Ang ikalawang himnaryo ni Emma, na inilimbag sa Nauvoo noong 1841, ay naglaman ng 304 na mga himno.2 Ang himaryong ito at ang iba pang mga himnaryong nauna ay naglaman lamang ng mga titik ng mga himno at walang mga nota para sa musika. Ang mga Banal ay namili ng kilalang mga tono na sasaliw sa mga himno.
Ang mga himno ay mahalagang paraan sa pagtuturo at pagpapatibay ng mga doktrina ng Simbahan. Nabanggit sa paunang salita sa himnaryo ng 1835 na ang koleksyon ay naglalaman ng “‘Sagradong mga Himno’ na iniangkop sa kanilang pananampalataya at paniniwala sa ebanghelyo.” Maraming mga himnong Mormon noong una ang isinulat ng mga Banal sa mga Huling Araw, tulad nina Eliza R. Snow, Parley P. Pratt, at William W. Phelps. Ang iba pang mga himno na isinulat at inaawit ng mga tao sa ibang relihiyon ay isinama, at ang ilan sa mga ito ay binago ni Phelps upang maging akma sa mga turo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Simula sa unang 1835 na himnaryo, pinuno ng mga paksang tulad ng Sion, Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, Panunumbalik ng ebanghelyo, Aklat ni Mormon, at kalaunan ay buhay bago isilang, mga propeta sa mga huling araw, at karanasan ng mga pioneer ang mga pahina ng mga himnaryo at tinulutan ang mga Banal sa mga Huling Araw na magbigay ng tinig sa itinatanging mga paniniwala.
Bukod sa mga himnaryong tinipon ni Emma Smith, ang iba pang mga himnaryo ay tinipon sa iba’t ibang lugar at para sa partikular na paggamit. Isang unang himnaryo ang inilimbag sa Manchester, England noong 1840 sa ilalim ng pamamahala nina Brigham Young, Parley P. Pratt, at John Taylor.3 Nagdala ng kanilang mga himnaryo at pinahahalagahang mga himno ang mga banal na nandayuhan sa Utah mula sa England papunta sa Salt Lake Valley. Ang himnaryo ng Manchester ay patuloy na inilathala sa England hanggang 1890. Ang unang malaking koleksyon ng mga himno na may kasamang mga notasyon ng musika ay ang 1889 Latter-Day Saints’ Psalmody, na inilathala sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong John Taylor. Ang mga auxiliary organization tulad ng Sunday School, Relief Society, at Primary ay naglathala ng kanilang sariling himnaryo simula noong 1880.4 Ang Northern States Mission, na nakabase sa Chicago, ay naglimbag ng 11 edisyon ng Songs of Zion mula 1908 hanggang 1925. Ang aklat na ito ay naging himnaryo ng “mission field.”
Ang mga pinuno ng Simbahan ay bumuo ng Church Music Committee noong 1920 para mas mahusay na mapamahalaan ang musika at ang produksyon ng mga himnaryo. Noong 1927, pinagsama-sama ng komite ang mga himno mula sa iba’t ibang lathalain o publikasyon sa iisang aklat, ang Latter-Day Saint Hymns. Pagkatapos, noong 1948, naglathala ang Simbahan ng isang binagong himnaryo na pinamagatang Hymns: Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. Sa ika-150 anibersaryo ng unang himnaryo ni Emma Smith noong 1985, naglathala ang Simbahan ng isang bagong himnaryo, na ginagamit ngayon, kabilang na ang ilang kilalang mga himno mula sa tradisyon ng mga Banal sa mga Huling Araw, iba’t ibang mga himno na galing sa iba pang Kristiyanong tradisyon, at maraming bagong nilikha na mga himno. Ang Simbahan ay naglalathala ng mga himnaryo sa maraming wika, bawat isa ay naglalaman ng humigit-kumulang 200 himno na isinalin mula sa Ingles gayundin ang kilalang mga kultural at makasaysayang mga himno na partikular sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang himnaryo ng Simbahan para sa mga bata—Children’s Songbook of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, ay unang inilathala noong 1989—ay naisalin na rin sa maraming wika.
Ang nagbibigay-inspirasyong mga musika ay patuloy na mahalagang bahagi ng pagsamba ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinagkakaisa ng mga himno ng kongregasyon ang mga miyembro, nagpapatibay sa pagkakakilanlan, at nagtuturo ng doktrina. Noong 1985, hinikayat ng Unang Panguluhan ang paggamit ng mga himno hindi lamang sa kalidad ng musika, kundi para rin sa mga nilalamang doktrina ng mga himno: “Umaasa kami na ang mga pinuno, mga guro, at mga miyembro na tinatawag upang magsalita sa kongregasyon ay madalas babaling sa imnaryo upang makahanap ng mga sermon na nakalahad nang buong kapangyarihan at ganda sa berso. … Inaasahan namin na ang himnaryo ay magkakaroon sa prominenteng lugar kasama ng mga banal na kasulatan at iba pang mga aklat na pangrelihiyon sa ating mga tahanan.”5
Kaugnay na Paksa: Emma Hale Smith