“Mga Organisasyon ng Young Women,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Organisasyon ng Young Women”
Mga Organisasyon ng Young Women
Noong Mayo 25, 1870, nakipagkita si Brigham Young sa kanyang mga anak na babae at iba pang miyembro ng kanyang malaking pamilya sa sala ng Lion House sa Lunsod ng Salt Lake. Sinabi niya sa kanyang pamilya na ang mga Banal ay naging masyadong mabilis sa pagsunod sa mga kalakaran ng mundo, at nais niyang ang kanyang mga anak na babae ay magpakita ng halimbawa sa ibang mga kabataang babae. Noong unang bahagi ng taong iyon, tumanggap si Mary Isabella Horne ng paghirang mula kay Pangulong Young na mag-organisa ng isang Ladies’ Cooperative Retrenchment Association na layong magbawas ng sobrang paggastos at maghimok ng higit na pagkakaisa sa ekonomiya.1 Ngayon, sinabi ni Brigham Young sa kanyang mga anak na babae na nais niyang magtatag sila ng Young Ladies Department ng samahan. Noong ika-27 ng Mayo ay pinagtibay ng mga anak ni Young ang mga pormal na resolusyon na nagtatatag ng bagong organisasyon, at si Ella Young Empey ay hinirang na pangulo ng unang lokal na grupo.2
Ang petsa na nakaugaliang ipagdiriwang bilang petsa ng pagkakatatag ng Young Ladies’ Department (at sa gayon, ang programa para sa Young Women ng Simbahan) ay Nobyembre 28, 1869. Ang petsang ito ay maling naibigay sa kasaysayan ayon kay Susa Young Gates na inilathala noong 1911.3 Ang tala ni Gates, na isinulat maraming taon matapos ang mga pangyayari, ay base sa mga alaala ni Bathsheba W. Smith, na naroon sa pulong ng pamilya Young. Lumalabas na maaaring napagsama ni Gates o ni Smith ang pulong noong Mayo 1870 sa ibang pulong na idinaos noong nakaraang Nobyembre.4 Noong Hunyo 1870, ilang linggo lamang matapos itatag ang Young Ladies’ Department, inilathala ng Deseret News ang mga resolusyon, nagpapatunay na ang petsa ng pagtatatag ay Mayo 27, 1870.
Unang nagtuon ang organisasyon sa pagbabago sa pananamit at pagkakaisa sa ekonomiya, hinihikayat ang mga kabataang babae na gumamit ng mas simple at mas murang estilo ng pananamit na yari sa lokal na materyal. Hindi nagtagal, ang mga katulad na mga retrenchment society (samahan sa pagtitipid) ay itinatag para sa mga kabataang babae sa buong Lunsod ng Salt Lake at iba pang mga pamayanan sa Utah.5 Noong una, ang kategorya ng “dalaga” ay hindi nagpapahiwatig ng partikular na edad, at kasama sa samahan ang mga dalagita pati na rin ang mga babae na nasa edad 20 pataas, kung saan ilan sa kanila ay may asawa.
Ang pagbibigay-diin sa “retrenchment o pagtitipid” ay mabilis na nagbigay-daan sa mas magandang tema ng “pag-unlad,” na sumasakop sa espirituwal, pang-edukasyon, pangkultura, at panlipunang pag-unlad.6 Noong 1877 ginamit ng mga samahan ang pangalang Young Ladies’ Mutual Improvement Association (YLMIA), itinatatag ang isang katulad na pagkakakilanlan sa Young Men’s Mutual Improvement Association (YMMIA) na itinatag noong 1875.7 Noong 1880 hinirang si Elmina Shepherd Taylor bilang unang Pangkalahatang Pangulo ng YLMIA, at sa mga sumunod na dekada, ang dalawang samahan ay nagtulungan sa mga aktibidad na pampanitikan, panteatro, pangmusika, at pangrelihiyon at ginaganap ang taunang magkakasamang kumperensya bawat Hunyo.
Mula noong dekada ng 1890 hanggang sa dekada ng 1920, sumunod ang YLMIA sa isang programa ng pagpapalawak na nagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataag babae para sa paglilibang, edukasyon, kasiyahan sa mga sining na pangkultura, at espirituwal na pag-unlad. Noong 1893 ay gumawa ng pamantayan para sa mga aralin at naglathala ng buwanang Young Woman’s Journal simula noong 1889. Noong 1903 hinati ng YLMIA ang mga kabataang babae ayon sa edad sa junior at senior na antas, at nagkaroon ng mga karagdagang pagkakahati noong mga sumunod na dekada.8 Noong 1934 ang edad ng pagsali ay ginawang 12 (na noon ay 14), kung saan pinalawig ang kapisanan ng mga kababaihan hanggang sa mga nasa edad na 39. Binago rin ang pangalan sa mas makabagong Young Women’s Mutual Improvement Association.
Noong dekada ng 1910, nagdaos ang ilang stake ng mga unang summer camp para sa young women. Noong 1929 inihayag ni Pangkalahatang Pangulong Ruth May Fox ang isang programa ng summer camp sa buong Simbahan, nagtatatag ng isang tradisyon na naging sagisag ng mga programa ng young women. Noong 1915, noong panahon ng pamumuno ni Marta Horne Tingey, ipinakilala ng YLMIA ang mga Beehive Girls, ang unang programa ng tagumpay ng organisasyon. Ito ay kinopya sa pambansang organisasyon ng Camp Fire Girls at katuwang ng paggamit ng YMMIA sa programa ng Boy Scouts of America. Sa mga sumunod na dekada, iba pang mga programa ng tagumpay ang ipinakilala para sa mga batang babae sa lahat ng pangkat ng edad. Mula sa dekada ng 1930 hanggang sa dekada ng 1960, lumago ang Mutual Improvement Association sa isang malakihan at masiglang programa na umakit ng pansin ng boung bansa. Sa isang kulturang Amerikano na mas nakatuon sa mga tinedyer, ang mga programa para sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw ay nag-aalok ng isang buong talaan ng mga aktibidad, kabilang ang mga kamping, sayawan, at pagdiriwang sa lugar, pati isang malaking pagpupulong ng MIA bawat Hunyo.
Habang lumalago ang Simbahan sa buong mundo, napansin ng mga lider na ang mga programa na dinisenyo para sa mga maykayang kabataan ng Hilagang Amerika ay hindi palaging umaayon nang maayos sa ibang lugar. Ang halaga ng mga gayong programa at ang pangangailangan sa mga bihasang lider ay nangangahulugan na ang mga bagong lugar ng Simbahan ay walang mga tauhan o iba pang kagamitan upang suportahan ang buong programa ng MIA. Noong 1971 ang mga lider ng Simbahan ay gumawa ng mga mahahalagang pagbabago sa mga programa ng tagumpay ng MIA upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataang babae sa buong mundo. Noong sumunod na taon, ipinahayag ng Unang Panguluhan na ang organisasyon ng young women ay pangangasiwaan lamang sa mga batang babae na edad 12 hanggang 17. Pagkatapos, noong 1974, ang organisasyon ng young women ay pinangalanan na lamang bilang Young Women, inihihinto ang paggamit sa pangalang MIA. Idinaos ng mga kabataang babae at kanilang mga lider ang kanilang huling kumperensya sa buong Simbahan noong Hunyo 1975.
Noong 1977 ipinakilala ng mga lider ng Young Women ang My Personal Progress, isang programa ng tagumpay batay sa mga aktibidad para sa espirituwal at personal na pag-unlad sa anim na “aspetong pagtutuunan.” Ang mga kabataang babae na nakatapos ng programa ay tumatanggap ng Young Womanhood Recognition. Noong 1980, bilang bahagi ng isang bagong pinagsamang iskedyul ng mga pulong sa araw ng Linggo, nagsimulang tumanggap ang mga kabataang babae ng pagtuturo tuwing Linggo, isang bagay na itinaguyod ng mga lider ng Young Women sa loob ng maraming taon.9 Noong 1985 ang Pangkalahatang Pangulo ng Young Women na si Ardeth G. Kapp at ang kanyang lupon ay binago ang programa ng Young Women ayon sa bagong tema at pitong espirituwal na pinahahalagahan.10 Ang bagong programa ay nakatuon sa paghahanda at pagiging karapat-dapat na makibahagi sa mga ordenansa sa templo, ang pokus na nagpapatuloy hanggang sa ika-21 siglo.
Mga Kaugnay na Paksa: Pagtitipid, Mga Organisasyon ng Young Men