“Organikong Ebolusyon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
“Organikong Ebolusyon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Organikong Ebolusyon
Ang makabagong siyensiya ng ebolusyon ay matutunton sa gawain nina Charles Darwin at Gregor Mendel noong gitnang bahagi ng siglo ng 1800.1 Batay sa kanyang pag-aaral sa mga lahi ng hayop, napansin ni Darwin na ang mga kalagayan ng kapaligiran ay pabor sa ilang indibidwal sa loob ng isang populasyon kaysa sa iba. Ang mga kasapi ng isang klase ng hayop na nakabuo ng mga partikular na katangian ay mas kayang mabuhay at dumami sa maraming henerasyon. Sa paglipas ng mga henerasyon, katwiran niya, ang prosesong ito ng “natural selection” ay makapagbibigay-daan sa mga bagong lahi.2 Sa kabilang banda, tinunton ni Mendel ang mga pagkakaiba sa pamumunga ng mga halaman at ikinatwiran na ang ilan sa mga katangian nila ay ipinasa sa pamamagitan ng mga gene.
Habang nagtatalo ang mga siyentipiko sa mga teorya nina Darwin at Mendel sa pagdaan ng mga dekada, nahirapan ang mga mananampalataya sa implikasyon ng organikong ebolusyon sa pinagmulan ng tao, ang Pagkakalikha ng mundo, at ang kahulugan ng banal na kasulatan.3 Noong unang bahagi ng ika-20 na siglo, ang kontrobersya sa publiko ukol sa ebolusyon ay nakasentro sa “Darwinism,” o ang paliwanag ni Darwin sa natural selection sa pamamagitan ng random mutation. Nahahati ang mga teologo sa usapin kung ang mga natuklasan ng mga siyentipiko ay pinatotohanan ang malikhaing kapangyarihan ng Diyos o pinasinungalingan ang Kanyang papel na ginampanan sa Paglikha.4
Ang mga pinuno ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong panahong iyon ay hindi nagbigay ng opisyal na posisyon ukol sa teorya ng ebolusyon, subalit gumawa sila ng mga hakbang upang linawin ang mga turo ng Simbahan na may kinalaman sa pinagmulan ng tao. Noong 1909, inilathala ni Pangulong Joseph F. Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang isang opisyal na deklarasyon na pinamagatang “The Origin of Man.” Isinulat ni Elder Orson F. Whitney, pinagtibay ng deklarasyon ang ating banal na kalikasan bilang mga anak ng Diyos.5 Noong sumunod na taon, hinikayat ni Pangulong Smith ang mga lider ng Simbahan na huwag “sabihin kung gaano katotoo ang ebolusyon, o kung gaano karami ang hindi totoo rito.”6
Noong 1925, isang guro sa siyensiya sa mataas na paaralan na nagngangalang John Scopes ang sumailalim sa paglilitis sa timog Estados Unidos dahil sa kanyang pagtuturo ng ebolusyon ng tao na labag sa batas ng Tennessee na nagbabawal sa pagsusulong ng “anumang teorya na pinabubulaanan ang kuwento ng Banal na Paglikha ng tao ayon sa turo ng Biblia.”7 Noong paglilitis, ang mga pagtatalo sa hukuman ukol sa pagpapakahulugan ng siyensiya at banal na kasulatan ay umakit ng malaking atensyon, na nagpalawig ng debate ukol sa tala ng Biblia sa pinagmulan ng tao.8
Sa paglaki ng interes ng mundo sa paglilitis, maraming kilalang pahayagan ang nagtanong sa mga lider ng Simbahan ukol sa posisyon ng mga Banal sa mga Huling Araw hinggil sa ebolusyon. Naglathala ang Unang Panguluhan ng pinaikling bersyon ng “The Origin of Man” noong 1925 na nagbigay-diin na “Lahat ng lalaki at babae ay kawangis ng Ama at Ina ng lahat, at literal na mga anak ng Diyos.” Ang parehong bersyon ng pahayag na ito ay pinagtibay ang doktrina ng kabanalan ng tao, na sinuportahan ng sinauna at makabagong banal na kasulatan, at ginamit ang salitang “evolve” sa positibong punto, na tinutukoy ang mga “yugto at libu-libong taon” ng mga kawalang-hanggan kung saan maaaring ipagpatuloy ng mga tao ang pagsulong tungo sa pagkadiyos.9
Dahil sa naganap na paglilitis kay Scopes, lumalawak ang pagkakahati ng mga Kristiyano sa Estados Unidos ukol sa katanungan sa pinagmulan ng tao. Ang mga Kristiyanong “modernista” ay tinanggap ang mga tuklas at pangangatwiran batay sa siyensiya at bukas sa maraming paraan ng pagpapakahulugan sa Bibliya. Ang mga Kristiyanong tutol sa modernismo, na karaniwang tinatawag bilang mga “pundamentalista,” ay itinuring na kalapastanganan ang ideya na ang tao ay nagmula sa ibang hayop.10 Natagpuan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng kanilang mga lider ang kanilang sarili sa magkabilang panig ng isyung ito. Sina James E. Talmage at John A. Widtsoe, dalawang propesyonal na siyentipiko na naging mga Apostol, ay itinuring ang siyentipikong pagkakatuklas ng katotohanan bilang patunay ng paggamit ng Diyos ng mga likas na batas upang pamahalaan ang sansinukob.11 Samantala, ang Apostol at magiging Pangulo ng Simbahan na si Joseph Fielding Smith ay naniniwala na ang tala sa Biblia ng Paglikha ay hindi nagpahintulot ng mahabang panahon na kinakailangan ng mga hayop para dumami ayon sa ebolusyon.12 Tumutugon sa magkakaibang opinyong ito, ang Pangulo ng Simbahan na si Heber J. Grant at kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ay hinikayat ang mga lider na huwag kumiling sa isang panig ng isyu, hinihiling noong 1931 na kanilang “ipaubaya sa siyentipikong pananaliksik ang Heolohiya, Byolohiya, Arkeolohiya, at Antropolohiya, at wala sa mga ito ang may kinalaman sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng sangkatauhan, habang ating ginagampanan ang ating katungkulan sa kaharian ng Simbahan.”13
Sa paglipas ng panahon, patuloy ang magkakaibang pananaw ng mga Banal sa mga Huling Araw ukol sa paksa ng ebolusyon.14 Sa kanyang mga maimpluwensiyang akda ay pinanindigan ni Joseph Fielding Smith na maaasahan ang banal na kasulatan bilang gabay sa pagtatala ng panahong lumipas noong Paglikha. Si Henry Eyring, isang kilalang siyentipiko at pangkalahatang miyembro ng lupon ng Sunday School, ay bukas sa patunay ng pagbabagong dulot ng ebolusyon at muling binigyang-diin ang mga itinuro ni Brigham Young, na nagturo na saklaw ng ebanghelyo ang lahat ng katotohanan, sa siyensiya man o hindi.15 Noong 1965, ang Pangulo ng Simbahan na si David O. McKay ay nakipagtulungan kay Bertrand F. Harrison, isang propesor ng botanika sa Brigham Young University, upang pagyamanin ang unawaan sa pagitan ng mga Banal na may magkakaibang pananaw ukol sa ebolusyon.16
Noong huling bahagi ng ika-20 siglo, ang mga paaralang pinangangasiwaan ng Simbahan ay pinalawig ang kanilang mga kurso sa siyensiya. Noong 1992, ang Unang Panguluhan at ang lupon ng mga trustee sa Brigham Young University ay nagbigay ng pahintulot sa isang pakete ng mga babasahin na maaaring gamitin sa mga klase sa siyensiya na inilahad ang opisyal na pahayag noong 1909 at 1925 at iba pang mga pahayag mula sa mga miyembro ng Unang Panguluhan sa tumpak na pagsasagawa ng siyentipikong katotohanan.17 Kabilang din sa pakete ang isang sulatin mula sa publikasyon noong 1992 ng The Encyclopedia of Mormonism, na inilathala nang may pahintulot ng mga lider ng Simbahan, na nagpapaliwanag na “sinasabi ng mga banal na kasulatan kung bakit nilikha ang tao, ngunit hindi kung paano.”18 Noong 2016, naglathala ang magasin ng Simbahan para sa kabataan ukol sa siyentipikong katotohanan. Muling binigyang-diin ng mga artikulong ito na “ang Simbahan ay walang opisyal na posisyon ukol sa teorya ng ebolusyon” at inilarawan ito bilang “isang bagay para sa pag-aaral sa siyensiya.” Inuulit ang hindi mabilang na pahayag ng mga lider ng Simbahan, muling pinagtibay ng mga artikulo ang papel na ginagampanan ng Diyos sa paglikha at ang ating ugnayan sa Ama sa Langit bilang Kanyang mga anak.19
Mga Kaugnay na Paksa: Joseph F. Smith, Heber J. Grant, B. H. Roberts, Sina John at Leah Widtsoe