Kasaysayan ng Simbahan
Genesis Group


Genesis Group

Maraming pamilyang Aprikanong Amerikano ang kabilang sa mga pinakaunang miyembro ng Simbahan at aktibo sa maraming kaganapan sa kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gayunpaman, sa loob ng maraming dekada, madalas matagpuan ng mga bagong miyembrong Itim ang kanilang sarili bilang tanging Itim na tao o pamilya sa kanilang mga lokal na ward at stake. Hinahangad na makabuo ng mas matibay na komunidad, noong 1971, ang mga Itim na miyembro sa Lungsod ng Salt Lake ay nakipagtulungan sa mga lider ng Simbahan upang iorganisa ang Genesis Group, isang grupo na buwanang nagtitipon at nagdaraos ng mga aktibidad sa ilalim ng pamamahala ng Salt Lake Liberty Stake na nagbibigay ng karagdagang suporta sa mga miyembro nito.

unang pulong ng Genesis Group

Mga tala ng pulong para iorganisa ang Genesis Group noong ika-19 ng Oktubre 1971.

Bago inorganisa ang Genesis Group, maraming miyembrong Itim sa Lungsod ng Salt Lake ang nagtitipon at nagpaplano ng mga aktibidad, bagama’t sila ay dumadalo sa magkakaibang ward. Noong dekada ng 1960, naging punong abala sina Eugene at Leitha Orr sa magiging taunang pagtitipon sa kanilang tahanan. Noong isang pagtitipon, tinanong ni Eugene sina Darius Gray at Ruffin Bridgeforth Jr. tungkol sa kung paano nila makokontra ang ilan sa mga panghihina ng loob na ipinahiwatig ng marami sa kanilang mga kaibigan at kapamilya na Itim habang dumadalo sa simbahan. Magkakasamang nag-ayuno at nanalangin ang tatlong lalaki para sa gabay mula sa langit. Para kay Gray, ito ang unang pagkakataong lumuhod siya upang manalangin kasama ang dalawa pang Itim na mga Banal sa mga Huling Araw mula nang naging miyembro siya ng Simbahan. Noong 1971, nilapitan nila ang mga lider ng Simbahan taglay ang mga tanong ukol sa restriksyon sa priesthood at templo na ipinapatupad noon sa mga miyembro na may lahing Itim na Aprikano at kung paano sila makakatulong sa Simbahan sa pagbigay ng suporta sa komunidad ng mga Itim. Inatasan ni Pangulong Joseph Fielding Smith sina Elder Gordon B. Hinckley, Thomas S. Monson, at Boyd K. Packer na makipagtulungan kina Bridgeforth, Gray, at Orr na bumuo ng solusyon.

Noong ika-19 ng Oktubre 1971, ang Genesis Group—pinangalanan nang ganito dahil kinakatawan ng kanilang organisasyon ang “bagong simula” para sa mga miyembrong Itim—ay nagdaos ng unang pulong nito. Itinalaga nina Elder Hinckley, Monson, at Packer si Bridgeforth bilang pangulo ng grupo habang si Gray ang unang tagapayo at si Orr naman bilang pangalawang tagapayo. Si Lucille Bankhead, isang inapo ng mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw na sina Jane Manning James at Green Flake, ay hinirang bilang Pangulo ng Relief Society ng grupo. Inanunsyo ng bagong panguluhan ang kanilang plano para sa mga Itim na miyembro na magtipon isang beses bawat buwan upang magbahagi ng patotoo, magtayo ng komunidad na nagbibigay ng suporta, at magbahagi ng mga karansang pangkultura. Patuloy na dumadalo rin ang mga miyembro ng Genesis Group sa kanilang mga home ward.

Naglingkod si Ruffin Bridgeforth bilang pangulo ng Genesis Group mula nang inorganisa ito noong 1971 hanggang sa pagpanaw niya noong 1997. Sa kanyang mensahe sa burol ni Bridgeforth, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley na si Bridgeforth ay “isang tao ng pananampalataya, isang lalaking malapit sa kanyang mga tao at minahal sila at pinayuhan sila at pinagpala sila at tinulungan sila sa kanilang mga paghihirap, mga problema, mga tanong, mga pagsisikap na maabot ang mga tao sa labas habang naglilingkod sila sa Simbahan. Nanatili siyang isang dakilang pioneer sa panahong ito kung kailan natin binibigyang-pugay ang mga pioneer.” Kabilang sa mga humaliling pangulo sina Darius Gray, Donald Harwell, at Davis Stovall.

Binigyang-diin ng mga pagtitipon ng Genesis Group ang musika, lalo na ang musika ng ebanghelyo, na may malalim na ugnayan sa pamana ng pagsamba at papuri sa Diyos ng mga miyembro ng grupo sa pamamagitan ng pag-awit sa mga kongegasyong Protestanteng African American bago sila sumapi sa Simbahan. Itinatag ng grupo ang Genesis Choir noong 1979 at kalaunang muling pinangalanan ito bilang Debra Bonner Unity Gospel Choir, kung saan ang mga pagtatanghal nito ay naging palagiang tampok sa mga pulong ng grupo sa Linggo ng ayuno. Sa 50 taong kasaysayan nito, ginunita ng Genesis Group ang mga kaganapan gaya noong ika-8 ng Hunyo 1978, kung saan winakasan ng paghahayag ang restriksyon sa priesthood at templo at ang ika-25 at ika-50 na anibersaryo ng grupo noong 1996 at 2021. Mula noong naorganisa ito, napanatili ng Genesis Group ang pormal na suporta mula sa Simbahan bilang isang grupo para sa pagdaraos ng mga aktibidad na sumasaklaw sa magkakaibang stake at nananatiling tapat sa layunin nitong bigyang-pagkakataon ang mga Itim na Banal sa mga Huling Araw na makipagkapatiran.

Mga Kaugnay na Paksa: Civil Rights Movement, Restriksyon sa Priesthood at Templo, Pagbubukod ng Lahi

  1. Darius Gray, “Remarks” (Genesis 50th anniversary devotional, Okt. 23, 2021), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org; Eugene Orr, interview by Clinton D. Christensen, Hunyo 3, 2013, 10–11, Church History Library, Salt Lake City.

  2. Orr, interview, 11–12.

  3. R. Scott Lloyd, “Ruffin Bridgeforth, First Black High Priest, Eulogized as a Pioneer,” Church News, Abr. 5, 1997, 7.

  4. Darius A. Gray, interview by Jed Woodworth and Angela Hallstrom, Nob. 28, 2017, 141–142, 155, Church History Library, Salt Lake City.

  5. Lloyd, “Ruffin Bridgeforth,” 7.

  6. Tad Walch, “LDS Church Reorganizes Genesis Group Leadership,” Deseret News, Ene. 8, 2018, deseret.com.

  7. R. Scott Lloyd, “Genesis Group Notes Silver Anniversary,” Church News, Okt. 26, 1996, 6; Tad Walch, “Genesis Group for Black Latter-day Saints Celebrates 50th Anniversary with Declarations of Hope,” Deseret News, Okt. 23, 2021, deseret.com.