“Hyrum Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Hyrum Smith
Hyrum Smith
Si Hyrum Smith ay ipinanganak noong Pebrero 9, 1800. Noong siya ay bata pa, kinakitaan na siya ng galing sa pag-aaral, at sa edad na 11 ay pumasok siya sa Moor’s Indian Charity School, kung saan tinanggap niya ang pinakapormal na edukasyon sa lahat ng anak ng mga Smith. Nang siya ay tumanda, naglingkod siya bilang trustee ng Palmyra school board at nag-interbyu ng mga nag-aaplay na guro, kabilang na ang naglalakbay na guro na si Oliver Cowdery.1
Nang mamatay ang kanyang kapatid na si Alvin, inako ni Hyrum ang malaking bahagi ng pantustos ng pamilya. Pinakasalan niya si Jerusha Barden noong Nobyembre 1826. Bilang isa sa Walong Saksi, nagpatotoo si Hyrum sa pagiging tunay ng mga lamina ng Aklat ni Mormon, at kalaunan ay tumulong siya sa paglilimbag ng Aklat ni Mormon. Pinamunuan niya ang unang branch ng Simbahan sa Colesville, New York, hanggang sa umalis ang grupo papuntang Ohio noong 1831.2
Sina Hyrum at Jerusha ay nagkaroon ng anim na anak. Naranasan nila ang mapait na pagkamatay ng kanilang dalawang taong gulang na anak na babae noong 1832. “Si Mary ay tinawag mula sa panahong ito patungo sa kawalang-hanggan,” pagsulat ni Hyrum sa kanyang journal. “Siya ay namatay sa aking mga bisig. Ito ay isang araw na hindi ko pa naranasan noon at O ipagkaloob nawa ng Diyos na magkita kaming muli sa dakilang araw ng pagtubos nang hindi na muling magkalayo pa.”3
Nakapaglingkod si Hyrum ng ilang misyon sa pagsisimula ng Simbahan at naging isa sa mga unang mataas na saserdote o high priest na inordenan sa Kirtland. Siya ay tumulong sa pag-organisa ng Paaralan ng mga Propeta (School of the Prophets) at naging bahagi ng isang komite na namahala sa pagtatayo ng Kirtland Temple. Noong 1834, sumapi si Hyrum sa Kampo ng Israel (Kampo ng Sion), at siya ay itinalaga sa Kirtland High Council.4
Si Jerusha ay agad na namatay noong 1836 matapos isilang ang isang babaeng sanggol, at si Hyrum ay nag-asawang muli pagkaraan ng ilang buwan.5 Bilang bagong tawag na Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, lumisan sila ng kanyang pangalawang asawang si Mary Fielding Smith patungo sa Far West, Missouri. Habang nasa Missouri, si Hyrum ay nabilanggo sa Liberty Jail kasama ng kanyang kapatid na si Joseph.6
Matapos lumipat ang mga Banal sa Nauvoo, Illinois, si Hyrum ay binigyan ng matataas na tungkulin. Siya ang pumalit sa kanyang amang si Joseph Smith Sr., bilang patriarch ng Simbahan noong 1841 at itinalaga sa tungkulin ng pagiging Assistant na Pangulo ng Simbahan, isang posisyon na iniwan ni Oliver Cowdery.7 Sa isang paghahayag na natanggap noong Enero 1841, sinabi ng Panginoon, “Pinagpala ang aking tagapaglingkod na si Hyrum Smith, sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagmamahal sa kanya dahil sa katapatan ng kanyang puso, at dahil kanyang minamahal ang yaong tama sa aking harapan.”8 Si Hyrum ay naglingkod bilang miyembro ng Nauvoo City Council, miyembro ng Nauvoo Legion, at vice mayor ng Nauvoo. Itinalaga rin siya sa Nauvoo Temple committee at sa Council of Fifty.9 Sa kabila ng pag-aatubili, tinanggap ni Hyrum ang doktrina ng maramihang pag-aasawa at noong 1843 ay ikinasal kay Catherine Phillips at sa balong kapatid ng kanyang pangalawang asawa na si Mercy Rachel Fielding Thompson.10
Nang sumang-ayon ang Nauvoo City Council na wasakin ang Nauvoo Expositor press noong Hunyo 1844, binalot sa kontrobersiya sina Joseph at Hyrum. Magkasamang inilagay ng magkapatid ang lungsod sa ilalim ng batas militar upang protektahan ang mga mamamayan mula sa banta ng mga mandurumog. Pareho silang ipinatawag ng korte sa kasong pagtataksil dahil sa pag-uutos na ipatupad ang batas militar at kinailangan nilang umalis at magpunta sa Carthage, Illinois para malitis.11 Habang sina Hyrum at Joseph ay naghihintay ng paglilitis, sumugod ang mga mandurumog sa Carthage Jail, na kumitil sa buhay ng magkapatid sa pamamagitan ng pagpapaulan ng mga bala. Mula noon ay inaalala na ng mga Banal sa mga Huling Araw si Hyrum bilang isang martir. Marami sa kanyang mga inapo ang naging mga lider ng Simbahan, kabilang na ang kanyang anak na si Joseph F. Smith at apo na si Joseph Fielding Smith, na kapwa naglingkod bilang mga Pangulo ng Simbahan.
Mga Kaugnay na Paksa: Pamilya nina Joseph Smith Sr. at Lucy Mack Smith, Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith