Kasaysayan ng Simbahan
Mga Grupo ng mga Kariton


“Mga Grupo ng mga Kariton,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Grupo ng mga Kariton”

Mga Grupo ng mga Kariton

Ang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw ay naglakbay patungo sa Lambak ng Salt Lake na pangunahing gumagamit ng mga grupo ng bagon hanggang kalagitnaan ng dekada ng 1850, noong ang pangangailangan para sa isang paraan ng transportasyon na mas mababa ang gastos at mas mahusay na paraan ay humikayat kay Brigham Young na atasan ang mga lider na mag-organisa ng mga grupo ng kariton. Sa halip na gumamit ng mga bagon na karaniwang hila ng mga baka, ang mga pioneer ang mismong humihila ng mga karitong yari sa kahoy. Mas mura ang mga kariton, at makapaglalakbay nang higit na mabilis ang mga grupo ng kariton kaysa sa mga grupo ng bagon.

Mga Pinoneer na Gumagamit ng mga Kariton ni Minverva Teichert

Paglalarawan ni Minerva Teichert sa mga pioneer na gumagamit ng mga kariton.

Ang paglalakbay gamit ang kariton ay nagsimula noong 1856 at nagpatuloy hanggang 1860. Nagbigay ng pautang ang Perpetual Emigrating Fund Company (PEF) upang tulungan ang mga taong hindi kayang tustusan ang paglalakbay. Tanging 10 sa higit 350 grupo ng mga nandarayuhang Banal sa mga Huling Araw ang naglakbay gamit ang kariton.1

Karamihan sa mga grupo ng kariton ay nagawa ang paglalakbay nang walang malaking problema. Gayunman, ang dalawang grupo na pinamunuan nina James G. Willie at Edward Martin ay ginugunita ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa kanilang kalunus-lunos na huli-sa-panahong paglalakbay. Noong 1856 naipit sa mga unos ng taglamig ang mga Grupo nina Willie at Martin, pati na rin ang mga grupo ng bagon nina Hunt at Hodgetts, sa kapatagan ng kasalukuyang Wyoming. Halos 1,500 katao ang naipit sa daan, tinatayang 250 ang namatay dahil sa pagkakalantad, pagyeyelo, at gutom. Isang pagsisikap sa pagsagip ang humikayat sa libu-libong miyembro ng Simbahan sa Utah na maglaan ng pagkain at tulong, at mahigit 300 tagasagip ang itinaya ang kanilang sariling kaligtasan upang salubungin ang mga grupo habang naglalakbay at tulungan silang makarating sa Lambak ng Salt Lake, na nakapagligtas ng higit sa 1,200 buhay. Bagama’t ang ibang mga tala ng pagligtas at mga bunga nito ay nagpalaki ng ibang detalye ng kuwento,2 ang pagsagip na ito ay nagbigay-inspirasyon sa ilang henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa mabilis na pagtugon ng mga Banal, ang magiting na kahandaan ng mga tagasagip upang harapin ang personal na panganib, at ang suporta at pangangalaga ng komunidad sa mga nakaligtas.

Kung ihahambing sa paghihirap ng mga grupo nina Willie at Martin, ang dami ng mga pumanaw sa iba pang mga grupo ng kariton ay hindi hihigit sa mga pumanaw sa mga grupo ng bagon, at nagpatuloy ang mga tagapangasiwa ng PEF sa pagtulong sa paglalakbay gamit ang kariton. Pagsapit ng 1860 humigit-kumulang 3,000 mga pioneer na gumamit ng kariton ang matagumpay na naisagawa ang paglalakbay.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Full Company List,” Mormon Pioneer Overland Travel database, history.ChurchofJesusChrist.org. Tingnan sa Mga Paksa: Pandarayuhan, Paglalakbay ng mga Pioneer.

  2. Ang bantog na kuwento tungkol sa tatlong batang tagasagip na itinawid ang buong pangkat sa Ilog Sweetwater, na namatay dahil sa pagsasagwa ng pagsagip, at pinangakuan ng buhay na walang hanggan batay sa iisang gawaing ito, ay tila nadagdagan. Tingan sa Chad M. Orton, “The Martin Handcart Company at the Sweetwater: Another Look,” BYU Studies, tomo 45, blg. 3 (2006), 5–37.