Kasaysayan ng Simbahan
Binyag para sa Patay


“Binyag para sa Patay,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Binyag para sa Patay”

Binyag para sa Patay

Ang mga paghahayag kay Joseph Smith ay nagpatibay ng kahalagahan ng binyag para sa kaligtasan at itinuro na ang ordenansang ito ay kailangang isagawa ng may ipinanumbalik na awtoridad ng priesthood. Ang mga miyembro ng Simbahan, kabilang na si Joseph at ang kanyang pamilya, ay sabik na malaman ang kalagayan ng mga miyembro ng kanilang pamilya na pumanaw nang hindi nabibinyagan.1 Pinagnilayan nilang mabuti ang mga talata sa Bagong Tipan tungkol kay Jesucristo na nangangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, at nagpanukala ang ilang mga Banal na ang mga elder na Banal sa mga Huling Araw ang magbibinyag sa mga “namatay sa ilalim ng nasirang tipan” sa panahon ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.2

Noong Agosto 15, 1840, hindi nagtagal matapos lumipat ang mga Banal sa lugar na pagtatayuan ng Nauvoo, Illinois, nangaral si Joseph Smith ng isang sermon sa libing ng miyembro ng Simbahan na si Seymour Brunson. Nang mapansin ang isang babaeng naroon na namatayan ng anak bago ito mabinyagan, inihayag ni Joseph na ang mga Banal “ay makakikilos ngayon para sa kanilang mga kaibigang pumanaw” sa pamamagitan ng pagpapabinyag para sa kanila. Binanggit niya ang sinaunang turo ni Apostol Pablo tungkol sa binyag para sa mga patay at hinikayat ang mga Banal para magalak “na binuo ang plano ng kaligtasan upang iligtas ang lahat ng handang sumunod sa mga hinihingi ng batas ng Diyos.”3

Masayang tinanggap ng mga Banal ang turo tungkol sa gawaing ito at nagsimulang magsagawa ng mga binyag sa mga kalapit na ilog at batis para sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan, at mga kilalang tao.4 Ang mga pagbibinyag ay isinagawa ng mga lalaking maytaglay ng Melchizedek Priesthood sa harap ng mga saksi.5 Isinagawa ni Harvey Olmstead ang unang naitalang pagbibinyag, na nagbinyag kay Jane Neyman para sa kanyang anak na si Cyrus, na kamakailan lamang ay pumanaw. Naganap ang binyag sa Ilog Mississippi at nasaksihan ni Vienna Jacques, na lumusong sa ilog sakay ng kabayo upang marinig ang panalangin.6

Noong Enero 1841, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na ang mga pagbibinyag para sa mga patay ay nilayong isagawa sa mga templo. Ipinaliwanag ng Panginoon na “ang ordenansang ito ay nabibilang sa aking bahay” at inatasan ang mga Banal na magtayo ng isang templo sa Nauvoo.7 Sa sumunod na kumperensya noong Oktubre, ibinalita ni Joseph Smith na walang iba pang binyag para sa mga patay ang bibigyang-pahintulot hanggang sa ang bautismuhan sa Nauvoo Temple ay matapos.8 Pagsapit ng Nobyembreng iyon, ikinabit ng mga Banal ang isang bautismuhan na yari sa kahoy sa silong ng templo, tinakpan ito ng pansamantalang bubong, at inilaan ito upang makapagpatuloy ang mga pagbibinyag.

Pinagninilayan ang mga paghahayag na natanggap niya, itinuro ni Joseph Smith sa isang liham sa Simbahan noong 1842 na ang mga pagbibinyag para sa mga patay ay dapat maingat na maidokumento, ipinapangako na anuman ang naitala ng mga Banal sa mga “[talaan] sa lupa ay maitatala sa Langit.”9 Dahil dito, ang mga klerk ay tinawag upang matiyak na lahat ng mga pagbibinyag para sa mga patay ay nakatala. Sa pagitan ng 1840 at 1845, sa kawalan ng mas detalyadong tagubilin, ang kalalakihan kung minsan ay kumakatwan para sa kababaihan, at ang kababaihan sa kalalakihan. Noong 1845, matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith, inihayag ni Brigham Young na mula sa panahong iyon ang mga Banal ay “hindi kailanman makikita ang isang lalaki na humayo upang magpabinyag para sa isang babae, ni ang babae para sa isang lalaki.” Ipinaliwanag niya na “si Joseph sa buong buhay niya ay hindi nakatanggap ng lahat ng bagay na nauugnay sa doktrina ng pagtubos” ngunit ang Panginoon ay patuloy na pinamumunuan ang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag, “nagbibigay sa kanila ng kaunti rito at kaunti roon.”10 Ang pagbabagong ito ay ginawa sa panahon na ang mga Banal ay nagsimulang magsagawa ng iba pang mga ordenansa para sa mga patay, pati na rin ang mga ordinasyon sa priesthood at pagbubuklod ng kasal.11

Ang mga bagong teknolohiya, mas malawak na organisasyon, at higit na pagbibigay-diin sa regular na pagdalo sa templo ay humantong sa higit na pakikibahagi sa mga pagbibinyag para sa mga patay sa ika-20 siglo. Bukod pa sa pagsasagawa ng mga binyag para sa mga yumaong kamag-anak, sinimulan ng mga Banal sa mga Huling Araw na isagawa ang ordenansang ito para sa ibang mga tao, na ang mga impormasyon ay nakuha nila sa mga talaang mayroon noong panahong iyon. Sa ilang pagkakataon, kabilang dito ang mga artista at mga indibidwal na naging bahagi ng mga makasaysayang pangyayari tulad ng Holocaust. Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang mga pagbibinyag para sa mga patay ay hindi ginagawang miyembro ng Simbahan ang mga yumao. Hinahayaan lamang nila na maging abot-kamay ang ordenansa sa mga espiritu ng mga taong yumao na at pinipiling tanggapin ito. Gayunman, noong dekada ng 1990, ilang hindi miyembro ng Simbahan ang nagpabatid ng kanilang pag-aalala tungkol sa gawaing ito. Bilang pagpapakita ng paggalang at kabutihang-loob, inalis ng mga lider ng Simbahan ang mga pangalan ng mga taong ito mula sa database ng Simbahan, nagpalabas ng mga alituntuning nilayon upang maiwasan ang patuloy na pagsusumite ng mga pangalan ng mga yumao sa Holocaust para sa pagbibinyag, at hinikayat ang mga miyembro ng Simbahan na magtuon sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanilang sariling mga ninuno.12

Ang binyag para sa mga patay ay matagal nang pinaka-karaniwan at pinaka-dinadaluhan na aspeto ng pagsamba sa templo ng Banal sa Huling Araw. Sa Nauvoo, noong panahong ang temple endowment ay ipinakilala lamang sa isang maliit na grupo, ang mga kalalakihan at kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay nagsagawa ng sampu-sampung libong mga pagbibinyag para sa mga patay. Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, ang mga itim na miyembro ng Simbahan na may lahing Aprikano ay nagsagawa ng mga pagbibinyag para sa kanilang mga kamag-anak sa Endowment House at sa Salt Lake Temple at Logan Utah Temple, bagamat hindi nila matatanggap ang iba pang mga ordenansa sa templo hanggang 1978.13 Simula noong dekada ng 1920, ang mga grupo ng kabataan sa ward ay regular na bumibisita sa mga templo upang magpabinyag para sa mga patay, na nakapagbibigay sa mga bata pang miyembro ng Simbahan ng pagkakataong makapunta sa templo ilang taon bago sila tumanggap ng endowment.14 Hinihikayat ang mga kabataan sa Simbahan ngayon na saliksikin ang kanilang mga ninuno at regular na magpunta sa templo upang magpabinyag para sa mga patay. Noong 2017, ipinahayag ng mga lider ng Simbahan na ang mga kabataang lalaki na mayhawak ng Aaronic Priesthood sa katungkulan ng priest ay maaaring magsagawa ng binyag para sa mga patay.15

Mga Kaugnay na Paksa: Nauvoo Temple

Mga Tala

  1. Nag-alala ang pamilya Smith para sa kuya ni Joseph na si Alvin, na pumanaw ilang taon bago maorganisa ang Simbahan. Tingnan sa Larry C. Porter, “Alvin Smith: Reminder of the Fairness of God,” Ensign, Set. 1978, 65–67.

  2. Joseph Fielding letter, Dis. 28, 1841, sa “Communications,” Times and Seasons, tomo 3, blg. 5 (Ene. 1, 1842), 649; tingnan din sa Warren Cowdery, “Love to God,” Messenger and Advocate, tomo 3 (Mar. 1837), 471; Hindi pinangalangang artikulo, Elders’ Journal of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tomo 1 (Hulyo 1838), 43.

  3. Simon Baker statement, sa Journal History, Ago. 15, 1840.

  4. Alexander L. Baugh, “‘For This Ordinance Belongeth to My House’: The Practice of Baptism for the Dead Outside the Nauvoo Temple,” Mormon Historical Studies, tomo 3, blg. 1 (Tagsibol 2002), 47–58.

  5. Matthew McBride, A House for the Most High: The Story of the Original Nauvoo Temple (Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2007), 34.

  6. Jane Neyman statement, ibinigay noong Nob. 29, 1854, sa Journal History, Ago. 15, 1840.

  7. Revelation, 19 January 1841 [DC 124],” sa Book of the Law of the Lord, 5, josephsmithpapers.org; Doktrina at Mga Tipan 124:30.

  8. “Minutes of a Conference,” Times and Seasons, tomo 2, blg. 24 (Okt. 1841), 578.

  9. Letter to ‘The Church of Jesus Christ of Latter Day Saints,’ 6 September 1842 [DC 128],” 3, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doctrine and Covenants 128:7–8.

  10. Brigham Young, “Speech,” Times and Seasons, tomo 6, blg. 12 (Hulyo 1, 1845), 954–55, iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay.

  11. Kalaunan lahat ng nakapagliligtas na mga ordenansa, kabilang na ang mga kumpirmasyon, ay isinagawa para sa mga patay sa mga templo. Ang mga endowment para sa mga patay ay unang isinagawa noong 1877 sa St. George Utah Temple.

  12. Background Explanation of Temple Baptism,” mormonnewsroom.org; “Church and Jewish Leaders Resolve Concerns over Baptisms,” Set. 1, 2010, mormonnewsroom.org.

  13. Tonya Reiter, “Black Saviors on Mount Zion: Proxy Baptisms and Latter-day Saints of African Descent,” Journal of Mormon History, tomo 43, blg. 4 (Okt. 2017), 100–123. Ang Endowment House ay isang gusali sa Lunsod ng Salt Lake, na inilaan para maisagawa ang ilang ordenansa sa templo (kabilang na ang binyag at ang mga endowment para sa mga buhay) bago matapos ang Salt Lake Temple. Tingnan din sa Paksa: Lahi at ang Priesthood.

  14. Tingnan sa Ogden Stake Historical Record, 1912–1921, Mar. 21, 1921, Ago. 22, 1921, Hunyo 12, 1922, Church History Library, Salt Lake City; “M.I.A. Notes: Junior Girls,” Young Woman’s Journal, tomo 34, blg. 1 (Ene. 1923), 39.

  15. Camille West, “Church Adds New Opportunities for Youth and Children to Prepare for and Participate in Temples,” Dis. 17, 2017, news.lds.org.