Kasaysayan ng Simbahan
High Council


“High Council,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“High Council”

High Council

Sa mga sumunod na buwan matapos maorganisa ang Simbahan noong Abril 1830, karamihan sa mga mayhawak ng priesthood ay maaaring magtipon upang mangasiwa sa mga gawain ng Simbahan sa mga kumperensya tuwing ikatlong buwan. Sa loob ng isang taon ng pagkakatatag ng Simbahan, ang mga pangangailangan sa pangangasiwa nito ay lalong naging kumplikado sa pagdami ng mga miyembro ng Simbahan, itinayo ang mga bagong pamayanan kapwa sa Ohio at Missouri, at inatasan ng Panginoon ang mga Banal na palawakin ang kanilang mga pagsisikap upang itatag ang Simbahan. Hindi naglaon ang paghahayag kay Joseph Smith ay tumawag ng pulong ng iba’t ibang konseho batay sa iba’t ibang pangangailangan.1 Ang mga konsehong ito ay nagtipon ayon sa pangangailangan upang pangasiwaan ang gawain simula noong 1832, kabilang na ang isang konsehong pinamunuan ni Joseph Smith at ng kanyang dalawang tagapayo.2 Ngunit upang makumpleto ang konseho, kinailangang tawagin ni Joseph ang mga high priest na maaaring makadalo sa tuwing kailangan nilang magpulong.3

Noong Pebrero 1834, nakipagpulong si Joseph Smith sa isang grupo ng mga high priest sa Kirtland at sinabing ituturo niya sa kanila “ang kaayusan ng mga konseho noong unang panahon … ayon sa ipinakita sa kanya sa pangitain.”4 Pagkatapos ay binuo niya ang unang standing high council, na binubuo ng 12 high priest, na mangangasiwa sa mga isyu ukol sa pamamahala at pagdisiplina na nakaaapekto sa Simbahan sa Kirtland.5 Noong tag-init na iyon, inorganisa ang pangalawang high council sa Missouri para sa layon na “maisaayos ang mahahalagang gawain na maaaring idulog sa kanila na hindi malutas ng Bishop at ng kanyang konseho.”6

Nang sumunod na tagsibol, tinawag ang Korum ng Labindalawang Apostol. Bagamat ang pangunahing tungkulin nila ay ipangaral ang ebanghelyo, nagsilbi rin silang high council na nagbibiyahe upang pangasiwaan ang gawain ng Simbahan sa maliliit na branch sa labas ng mga stake sa Kirtland at Missouri. Nang mailathala ang Doktrina at mga Tipan noong 1835, ang mga seleksyon mula sa katitikan ng unang pulong ng high council, na may karagdagan upang linawin ang papel na ginagampanan ng Labindalawang Apostol, ay isinama bilang isa sa mga mas naunang bahagi, na nagbibigay ng mga tagubilin tungkol sa mga paraan ng pangangasiwa ng mga konseho.7

Sa Nauvoo, binigyan ni Joseph Smith ang Labindalawang Apostol ng awtoridad na pamahalaan ang ilang gawain ng Simbahan sa mga stake gayundin sa mga malalayong branch.8 Matapos ang kanyang pagkamatay, ang Labindalawa ay nanungkulan bilang Mga General Authority sa Simbahan, samantalang ang mga high council ay patuloy na inorganisa sa mga stake. Ngayon, ang mga stake high council ay tumutulong sa pangangasiwa ng gawain ng Simbahan sa kanilang mga stake, nakikibahagi sa mga desisyon ukol sa pagdidisiplina, at sinusuportahan ang mga panguluhan ng stake sa kanilang paglilingkod.

Mga Kaugnay na Paksa: Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood, Korum ng Labindalawa