“Digmaan sa Pagitan ng Espanya at Amerika,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Digmaan sa Pagitan ng Espanya at Amerika”
Digmaan sa Pagitan ng Espanya at Amerika
Noong 1895 ay naglunsad ng paghihimagsik ang mga rebolusyonaryo sa Cuba laban sa Espanya, na siyang nagbunsod ng hidwaan na bagama’t naglalayong makamit ang pambansang kasarinlan ay lumala pa kalaunan at naging isang mas malaking digmaan.1 Nanatiling hati ang mga opinyon sa Estados Unidos at Europa hanggang sa biglang lumubog ang barko ng hukbong-dagat ng Amerika na USS Maine sa Havana Harbor noong 1898.2 Nabigo ang magkakaibang diplomatikong paraan na makamit ang kasarinlan ng Cuba, at noong ika-25 ng Abril ay nagdeklara ang Estados Unidos ng digmaan laban sa Espanya. Sa loob ng mahigit tatlong buwan, ang Estados Unidos at ang Espanya ay nagtuos sa isang digmaan na sa karagatan lamang halos isinagawa sa dalawang hemisphere o hati ng daigdig na malapit sa mga teritoryo na inangkin ng Espanya: Cuba at Puerto Rico sa Caribbean, at Pilipinas at Guam sa Pasipiko. Sumang-ayon ang pamahalaang Espanya sa isang protokol noong Agosto na humantong sa isang pormal na kasunduang tumapos sa digmaan nang sumunod na taon.3
Unang nagpadala ang Estados Unidos ng regular na hukbo na binubuo ng humigit-kumulang 28,000 mga sundalo ngunit kalaunan ay nagtipon ng malaking bilang ng hukbong boluntaryo na kinabibilangan ng daan-daang mga sundalong Banal sa mga Huling Araw.4 Dalawang taon pa lamang noon mula nang naging estado ang teritoryo ng Utah, at maraming mamamayan ang sabik na ipakita ang kanilang pagkamakabayan. Mula sa daan-daang sumama mula sa Utah, kaunti lamang ang namatay sa maikling digmaan.5
Lumikha ng mga bagong oportunidad para sa Simbahan ang Digmaan sa Pagitan ng Espanya at Amerika. Si Elias S. Kimball, na naglilingkod bilang Pangulo ng Southern States Mission, ay inanyayahan ng Unang Panguluhan na maging unang kapelyan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa hukbong sandatahan ng Estados Unidos. Naglingkod si Kimball bilang kapelyan sa Cuba noong 1898, ang una sa maraming sumunod na kapelyan ng mga Banal sa mga Huling Araw.6 Inangkin ng Estados Unidos ang Pilipinas, Guam, at Puerto Rico bilang mga teritoryo nito sa pagtatapos ng digmaan, na nagbigay sa mga Banal sa mga Huling Araw mula sa Hilagang Amerika ng mas maraming pagkakataong makapagmisyon sa mga bagong lugar.7 Kapansin-pansin na ang popular na debate sa panghihimasok ng Amerika sa Cuba at Pilipinas ay nagbunsod ng mga tugon mula sa ilang kilalang miyembro ng Simbahan na nagdiwang sa serbisyo militar at sa lumalaking pambansang katayuan ng Estados Unidos. Kung ang mga unang Banal sa mga Huling Araw sa buong ika-19 na siglo ay tumangging makipagtulungan sa militar ng Estados Unidos, nakita ng kanilang mga inapo ang Digmaan sa pagitan ng Espanya at Amerika bilang isang magandang pagkakataon upang ipakita ang pagkamakabayan at suportahan ang pambansang pamahalaan.8