Ang Mga Pamemeke ni Hofmann
Si MarkW. Hofmann ay isang mangangalakal ng mga bihirang dokumento at bihasang mamemeke na nagsamantala sa interes ng publiko sa kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng Amerika sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga tunay, binago, at pinekeng dokumento ng kasaysayan noong mga unang taon ng dekada ng 1980. Noong 1985, dahil tila nag-aalala na maaaring matuklasan ang kanyang panlilinlang, gumamit si Hofmann ng mga gawang-bahay na bomba upang paslangin ang dalawang tao, kabilang na ang isa sa kanyang mga kliyente.
Marami sa mga pamemeke ni Hofmann ay nakatuon sa kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Si Hofmann ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na palihim na tumigil sa paniniwala sa Diyos. Sa pagsapit ng edad 24 hanggang 26, naging interesado siya sa mga makasaysayang gawain tungkol sa kasaysayan ng Simbahan at pamilyar siya sa mga dokumentong binanggit sa mga tala ng kasaysayan ngunit hindi pa natatagpuan, tulad ng mga titik at simbolo sa Aklat ni Mormon na dinala ni Martin Harris sa klasikong iskolar na si Charles Anthon.1 Noong 1980 ay sinabi ni Hofmann na nakatagpo siya ng kopya ng talang ito na nakatupi at inilagay sa pagitan ng mga pahina ng 17-siglo na Biblia na bersyon ni King James. Naniniwala ang mga iskolar na sumuri sa dokumento na ito ay totoo batay sa pagkakapare-pareho ng katangian sa sulat-kamay sa iba pang mga kumpirmadong halimbawa ng pagsulat ni Joseph Smith at sa mga paglalarawan ni Anthon sa mga titik. Ang pagtanggap sa pamemekeng ito ay naging simula ng propesyon ni Hofmann bilang isang mangangalakal ng mga bibihirang aklat at manuskrito.
Nakatulong kay Hofmann ang magkakaibang pamamaraan upang kumbinsihin ang mga iskolar na tunay ang kanyang mga pamemeke. Maingat siyang pumili ng mga proyekto upang pagtuunan ang mga dokumento na marahil ay mayroon na dati-rati pa, at kanyang pinag-aralan nang husto ang konteksto ng mga ito. Nagnakaw siya ng papel na nilikha ng panahong iyon at iba pang mga materyal mula sa mga archive, gumawa ng sarili niyang tinta at artipisyal na pinatanda ito, at maingat na inulit ang mga tatak-selyo upang makalusot ang kanyang mga pamemeke sa pagsusuri ng mga tagapagpatunay ng mga dokumento. Pinag-aralan niya ang mga kakaibang gawi ng sulat-kamay ng mga may-akda at nagawa niya itong kopyahin nang may kagila-gilalas na katumpakan. Ang kanyang mga kakayahan sa pagsasaliksik sa kasaysayan at panitikan ay nagtulot sa kanya na lumikha ng mga dokumento na sumasalamin sa mga huwaran ng estilo, tono, at nilalaman. Gumawa siya ng mga kapani-paniwalang kuwento tungkol sa pinagmulan at mga nagmay-ari ng mga dokumento, kung minsan ay lihim na nagpaplanta ng isang di-kahina-hinalang pamemeke nang mas maaga upang gawing kapani-paniwala ang kasunod na mas malaking pamemeke. Nakakuha siya ng tunay na mga bihirang dokumento sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga ito bilang bayad sa kalakalan at pagkatapos ay ibinebenta kapwa ang mga tunay at pinekeng materyal. Kung minsan ay gagawa siya ng maliliit na pagbabago sa mga tunay na dokumento o materyal na magpapataas sa halaga ng mga ito. Maraming iskolar mula sa iba’t ibang larangan ang hindi sinasadyang kinilalang totoo ang mga pamemeke ni Hofmann.
Kabilang sa mga pineke ni Hofmann ay mga dokumento mula sa mga naunang personalidad sa pulitika at panitikang Amerikano, mula sa mga karaniwang dokumento na may mga pinekeng lagda hanggang sa maiikling akdang pampanitikan. Nameke si Hofmann ng ilang dokumento na may kaugnayan sa Simbahan, kabilang na ang mga liham nina Joseph Smith, Lucy Mack Smith, at David Whitmer, bukod sa marami pang iba. Gumawa siya ng maraming pamemeke na nakatuon sa mga kontrobersyal na aspeto ng kasaysayan ng Simbahan, umaasang makapukaw ng kontrobersiya. Pineke niya ang basbas ni Joseph Smith na diumano ay ibinigay sa kanyang anak na si Joseph SmithIII na nagtatalaga dito bilang kahalili ng kanyang ama. Nameke rin siya ng isang liham na kunwari ay mula kay Martin Harris na isinulat noong 1830 (na kilala bilang “salamander letter”), na naglalarawan kay Joseph Smith na nagsasagawa ng mga mahiko.2 Nilinlang ni Hofmann hindi lamang ang mga lider at mananalaysay ng Simbahan gamit ang kanyang mga pamemeke kundi maging ang kanyang pamilya at mga kaibigan, arkiwista at katiwala ng aklatan, at iba pang mga eksperto. Bumili ang Simbahan ng ilang dokumento mula sa kanya, at ang kanyang mga pamemeke ay naging paksa kapwa ng akademikong pananaliksik at talakayan sa publiko.
Noong 1985 ay nagsimulang makipagnegosasyon si Hofmann sa Library of Congress para sa $1.5milyong pagbebenta ng isang pinekeng dokumento. Noong panahong iyon, ang mga gastusin ni Hofmann sa paglalakbay, mga luho, bihirang aklat, at mga materyal sa pamemeke ay mas higit na sa kanyang malaking kita. May iba pang mga kliyente na nagsimula nang hingin kay Hofmann ang mga bagay na nabayaran na nila ngunit hindi pa nagagawa. Dahil natatakot na matiktikan, nag-iwan si Hofmann ng isang pakete na may lamang gawang-bahay na bomba na pumatay sa kolektor na si StevenF. Christensen. Nangako si Hofmann kay Christensen ng isang koleksyon ng mga dokumento mula sa tumiwalag na Apostol na si William McLellin ngunit nabigo siyang isagawa ito. Upang mailayo ang pansin ng mga imbestigador mula sa kanyang sarili at sa iba pang mga aktibidad ng negosyo ni Christensen, naghatid si Hofmann ng pangalawang bomba sa tahanan ni J.Gary Sheets, ang kasosyo sa negosyo ni Christensen, na pumatay sa asawa ni Sheets na si Kathy. Kinabukasan, malapit sa Temple Square, sumabog ang ikatlong bomba sa kotse ni Hofmann bago niya ito naihatid sa isang biktima na hindi matukoy. Ang pagsabog na iyon ay mabilis na nakatulong sa mga pulis na iugnay kay Hofmann ang malakas na katibayan sa mga pambobomba. Sinuri ng mga eksperto sa forensic ang mga pamemeke ni Hofmann at natuklasan ang katibayan na artipisyal niyang pinatanda ang tinta. Sa huli ay inamin niya ang mga pagpaslang at mga pamemeke at hinatulan ng limang taon hanggang habambuhay na pagkakakulong, na may rekomendasyon ng hukom na huwag siyang pakawalan kailanman.
Ang pinakamalalaking trahedyang kaugnay ng mga pamemeke ni Hofmann ay ang pagkamatay nina Kathy Sheets at Steven Christensen. Ang mga pamemeke ay nagdulot din ng mga hamon sa gawain ng manuskrito at mga kolektor ng aklat at mga mangangalakal, mananalaysay, at mga arkiwista. Habang iniuugnay ng pagsisiyasat ng pulis si Hofmann sa maraming pamemeke, naging mahirap na matunton ang lawak at lokasyon ng kanyang trabaho dahil sa kanyang mga network ng kalakalan. Labindalawang taon matapos ang mga pambobomba, halimbawa, isang dokumentong pinaniniwalaan ng mga eksperto bilang tunay na tula ni Emily Dickinson ay naiugnay kay Hofmann. Ang mga maling palagay na likha ng mga dokumento o pagsipi ni Hofmann na kalaunang humantong sa kanyang pinekeng katibayan ay patuloy pa ring binabaluktot ang ilang paglalarawan ng kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Simula noong dekada ng 1980, malawakang inilathala ng Simbahan ang naunang kasaysayan nito, tumutulong na mas maunawaan ang ilan sa mga di-kilalang pangyayari sa kasaysayan na sinamantala ni Hofmann sa kanyang mga pamemeke upang lumikha ng negatibong pananaw sa Simbahan. Naging mas maingat din ang mga mananalaysay at arkiwista ng Simbahan sa pagtugma ng mga pahayag ng mga nagmay-ari ng dokumento at konteksto ng kasaysayan sa iba pang katibayan. Ang paglalathala at digitalisasyon ng mga papel ni Joseph Smith at maraming iba pang mahahalagang koleksyon ng dokumento ay nakatulong para mapalawak ang batayan kung saan masusuri ang mga bagong tuklas.