Kasaysayan ng Simbahan
Oliver Cowdery


“Oliver Cowdery,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Oliver Cowdery”

Oliver Cowdery

Isinilang sa Vermont noong 1806, si Oliver Cowdery ay ang ikawalo at bunsong anak nina William at Rebecca Fuller Cowdery. Lumaki siya sa isang relihiyosong pamilya na nagtiis ng maraming kahirapan noong kanyang kabataan, tulad ng mga kabiguan sa pananim at ilang beses na paglipat. Bago sumapit ang ikatlong kaarawan ni Cowdery, pumanaw ang kanyang ina dahil sa tuberkulosis, ang parehong sakit na kikitil kalaunan sa kanyang buhay. Nakasaad sa mga talaan na tumira nang matagal si Cowdery kasama ang kanyang mga kamag-anak noong siya ay bata pa, marahil dahil sa kahirapan. Noong kanyang kabataan, pumasok siya sa paaralan, nag-aral ng Biblia at nagtamo ng mga kasanayan sa pagsusulat at pananalita na gagamitin niya kalaunan sa buhay.1

Larawan ni Oliver Cowdery

Larawan ni Oliver Cowdery.

Noong 1828, nang nasa unang bahagi ng ikatlong dekada ng kanyang buhay, lumipat si Oliver Cowdery sa kanlurang New York, kung saan inalok siya ng posisyon bilang guro sa paaralan malapit sa Palmyra. Doon narinig niya ang mga usap-usapin tungkol kay Joseph Smith at sa mga laminang ginto. Nakatala sa mga pinakaunang nakasulat na kasaysayan ni Joseph Smith na ang Panginoon ay nagpakita kay Cowdery at “ipinakita sa kanya ang mga lamina sa isang pangitain at gayundin ang katotohanan ng gawain.”2 Pagkatapos umupa sa loob ng maikling panahon sa mga magulang ni Joseph Smith sa Manchester, ipinasiya niyang tumungo sa Harmony, Pennsylvania, upang makita nang personal si Joseph. Pagdating niya, halos agad nagsimulang magtrabaho si Cowdery bilang tagasulat ni Joseph sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Tumanggap si Cowdery ng awtoridad ng priesthood mula sa mga nagministeryong anghel, naging isa sa Tatlong Saksi ng mga lamina ng Aklat ni Mormon, tumulong sa pangangasiwa ng paglalathala ng Aklat ni Mormon, at isa sa mga nagtatag na miyembro ng Simbahan noong Abril 6, 1830. Sa kanyang pagiging kabilang sa mga mahimalang pangyayaring ito, isinulat kalaunan ni Cowdery, “Tatanawin ko lagi ang pagpapahiwatig na ito ng kabutihan ng Tagapagligtas nang may kamanghaan at pasasalamat habang ako ay pinahihintulutang mabuhay.”3

Panunumbalik ng Aaronic Priesthood

Ipinintang larawan na nagpapakita ng pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood ni Juan Bautista. Si Oliver Cowdery ay nakaluhod sa kanan.

Noong 1830, pinamunuan ni Cowdery ang isang grupo ng apat na misyonero sa pamayanan ng mga American Indian sa noon ay kanlurang hangganan ng Estados Unidos. Dumaan sila sa Ohio, kung saan ang kanilang pangangaral ay humantong sa maramihang pagbibinyag na tumulong mapasimulan ang Kirtland bilang isang sentro ng Simbahan.4 Dalawang taon kalaunan, ikinasal si Cowdery kay Elizabeth Ann Whitmer. Ang mag-asawa ay nagkaroon ng anim na anak, ngunit isang anak na babae lamang, si Maria Louise, ang nabuhay nang lampas sa pagkabata. Sina Elizabeth at Maria Louise ay namatay nang may dalawang araw na pagitan noong 1892 at inilibing na magkasama. Si Oliver Cowdery ay walang iba pang mga inapo.5

Sa mga unang taon ng Simbahan, si Cowdery ay nagsilbing Pangalawang Elder, Katuwang ng Pangulo ng Simbahan, at isang assistant na tagapayo sa Unang Panguluhan.6 Naging malaki rin ang kanyang papel sa paghahanda para sa paglalathala ng mga paghahayag ni Joseph Smith sa Book of Commandments at, kalaunan, sa Doktrina at mga Tipan. Kasama si Joseph Smith at Sidney Rigdon, binuksan ni Cowdery ang pintuan ng Bahay ng Panginoon sa Kirtland noong 1836 at malugod na tinanggap ang mga Banal sa mga Huling Araw sa sesyon ng paglalaan. Siya ang namuno sa mga kaganapan bilang isa sa mga pangulo ng mataas na pagkasaserdote at nakasaksi sa pagpapakita ni Jesucristo at ng mga nagministeryong anghel sa templo isang linggo matapos ang paglalaan.

Makalipas ang isang taon, ang mga pang-ekonomiyang suliranin sa Kirtland, kabilang na ang kabiguan ng bangkong Kirtland Safety Society, ay naging malaking dagok sa pananalapi ni Oliver Cowdery, at tumugon siya rito sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa kanyang sariling negosyo sa halip na patuloy na ilaan ang kanyang mga ari-arian sa Simbahan.7 Hinamon din ni Cowdery ang mga lider ng Simbahan nang paratangan niya sila ng maling paggamit sa pondo at pagkakalat ng sabi-sabi na si Joseph Smith ay nagkasala ng pakikiapid.8 Noong 1838, dumulog ni Joseph sa high council o mataas na kapulungan upang siyasatin ang mga paratang ni Cowdery. Kalaunan ay nagtipun-tipon ang kapulungan at pinag-aralan ang ilang mga paratang laban kay Cowdery, at sa huli ay nagkasundo na totoo ang karamihan sa mga ito at itiniwalag si Cowdery.9 Isang paghahayag kalaunan ang naglahad na si Hyrum Smith ay papalit kay Cowdery bilang Katuwang ng Pangulo ng Simbahan.10

Ginugol ni Cowdery ang mga sumunod na taon sa pag-aaral ng abogasya at pagtatrabaho bilang abugado sa Kirtland, na kalaunan ay napabilang sa Ohio Bar bilang abugado. Pagkatapos ay lumipat siya ng isang daang milya pakanluran patungong Tiffin, Ohio, kung saan nagpatuloy siyang maging abogado sa sumunod na pitong taon. Habang nasa Tiffin, sumulat siya sa mga Banal sa mga Huling Araw na inaasam na makabalik siyang muli sa Simbahan. Binisita ng kapatid ni Brigham Young (at bayaw ni Cowdery) na si Phineas Young si Cowdery at nalaman na ang “kanyang puso ay nasasa dati pa rin niyang mga kaibigan.”11 Nang marinig ito at ang iba pang mga ulat, hinikayat ni Joseph ang Korum ng Labindalawa na anyayahan si Cowdery pabalik sa Simbahan. Sinabi ni Cowdery sa mga miyembro ng Labindalawa na karamihan sa kanyang mga di-kaluguran ay nagmula sa mga pagbabanta sa kanya ng agresibong mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri at hindi dahil sa anumang personal na isyu sa mga Apostol o iba pang mga lider.12 Umasa si Cowdery na ang kanyang inilathalang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon ay hindi mahahadlangan ng kanyang sariling mga pagkukulang at reputasyon. Sa loob ng ilang panahon, ipinahiwatig nito na si Cowdery ay maaaring muling makapiling ang mga Banal sa Nauvoo. Si Joseph Smith ay nakatanggap at nakabasa ng isang liham mula kay Cowdery ilang oras bago siya pinatay sa Piitan ng Carthage.13

Noong 1847, lumipat si Cowdery sa Wisconsin, umaasa na ang pagbabago sa klima ay makabubuti sa kanyang kalusugan. Doon, tumakbo siya para sa kapulungan ng estado ngunit natalo sa halalan ng 40 boto at agad na pinag-isipan ang pagsali sa mga grupo ng mga Mormon pioneer na lumilipat sa Utah. Nagsalita si Cowdery sa isang kumperensya sa kalapit na Iowa at ipinangako ang kanyang suporta sa Korum ng Labindalawa. Pagkaraan ng ilang araw, bumoto ang Mataas na Kapulungan na muling gawing miyembro ng Simbahan si Cowdery. Si Orson Hyde ng Korum ng Labindalawang Apostol ay bininyagan, kinumpirma, at inordenang muli si Cowdery, na pagkatapos ay nagplanong makasamang muli ang mga Banal sa Utah. Gayunpaman, nagpatuloy ang paglala ng kanyang kalusugan, at pumanaw siya noong 1850 bago pa man makapaglakbay pakanluran.14