Kasaysayan ng Simbahan
Ang Kampanya ni Joseph Smith noong 1844 Para sa Pagkapangulo ng Estados Unidos


“Ang Kampanya ni Joseph Smith noong 1844 Para sa Pagkapangulo ng Estados Unidos,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Ang Kampanya ni Joseph Smith noong 1844 Para sa Pagkapangulo ng Estados Unidos”

Ang Kampanya ni Joseph Smith noong 1844 Para sa Pagkapangulo ng Estados Unidos

Idineklara ni Joseph Smith ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng Estados Unidos noong Pebrero 1844. Personal na naranasan ni Joseph at gayundin ng mga Banal sa pangkalahatan ang ilang taon ng panliligalig at pang-uusig sa Missouri at sa Illinois. Sumulat si Joseph sa limang lalaki na inaasahang magiging kandidato para sa pagkapangulo sa halalan ng 1844, hinihiling sa bawat isa kung ano ang maaari nitong gawin kung ito ay mahahalal upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang mga mamamayan. Tatlo sa mga lalaki ang tumugon, ngunit wala sa kanila ang nangako na tutulungan ang mga Banal. Bunga nito, hinirang ng Korum ng Labindalawang Apostol si Joseph Smith bilang isang kandidato. Tinanggap niya ang nominasyon at bumuo ng isang kampanya sa pulitika. Sa paglalarawan ng kanyang mga dahilan sa pagtanggap ng nominasyon, ipinahayag ni Joseph Smith sa publiko, “Hindi ko pahihintulutang gamitin ng aking mga kaibigan ang aking pangalan sa anumang paraan bilang Pangulo ng Estados Unidos o kandidato para sa katungkulang iyon kung ako at ang aking mga kaibigan ay mayroon ng pribilehiyo na matamasa ang aming karapatang pangrelihiyon at panlipunan bilang mga mamamayan ng Amerika.”1

Ang plataporma sa kampanya ni Joseph ay ibinuod sa isang polyeto na pinamagatang General Smith’s Views on the Power and Policy of Government [Pananaw ni Heneral Smith Tungkol sa Kapangyarihan at Patakaran ng Gobyerno]. Ang pagpapalakas sa pamahalaang pederal upang protektahan ang mga karapatan ng mga relihiyosong minorya ang pangunahing bahagi ng kanyang kampanya, subalit ipinaalam niya sa publiko ang kanyang pagpanig sa ilang mga kontrobersyal na isyu. Kasama sa kanyang plataporma ang isang panawagan para sa pagsasara ng lumalawak na sistema ng bilangguan ng bansa, pagbawas sa laki ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, pagpapasimula ng isang bagong pambansang bangko, at pagtataguyod ng pagpapalawak ng bansa na gagawin lamang kapag nagbigay ng pahintulot ang mga American Indian. Nanawagan din si Joseph para sa pagwawakas ng pamahalaan sa pang-aalipin sa Estados Unidos gamit ang mga kita mula sa pagbebenta ng mga pederal na lupain sa kanlurang Estados Unidos upang bilhin ang kalayaan ng mga inaliping kalalakihan at kababaihan.2

Polyeto ni Joseph Smith

Views of the Powers and Policy of the Government of the United States [Pananaw Tungkol sa mga Kapangyarihan at Patakaran ng Pamahalaan ng Estados Unidos] ni Joseph Smith.

Kinilala ng mga lider ng Simbahan ang kapangyarihan ng print media upang ipalaganap ang kanilang mensahe sa buong bansa, kung kaya inilimbag at ipinamahagi nila ang libu-libong kopya ng polyeto sa kampanya ng Joseph Smith. Sa Lunsod ng New York, gumawa ang mga lider ng Simbahan ng isang pahayagang tinatawag na Prophet, na inilaan sa pag-uulat sa kandidatura ni Joseph at sa paghahambing ng kanyang posisyon sa mga patakaran sa ibang mga kandidato sa halalan. Bukod pa sa nakalimbag na mensahe sa kampanya, mahigit 300 miyembro ng Simbahan ay nagmisyong nangangampanya sa buong bansa.

Ang kabiguan ni Pangulong John Tyler na makuha ang nominasyon ng kanyang partido ay nangangahulugang hindi siya muling makakatakbo sa pagkapangulo, kaya ang kandidatura sa pagkapangulo noong 1844 ay bukas na bukas. Gayunman, malamang na hindi manalo sa halalan ang isang kandidatong tumatakbo na hindi kabilang sa isa sa dalawang partido. Inakala ng ilan na ang kampanya ay hindi isang seryosong pagtatangka upang ihalal si Joseph Smith, kundi bagkus isang pagsisikap na idinisenyo upang taasan ang pampublikong kamalayan sa mahirap na kalagayan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa gitna ng lumalalang pag-uusig na sumisibol sa isang bansa na ipinagmamalaki ang pambihirang antas ng kalayaan nito. Bagamat kinikilala ng mga Banal na maging ang isang bigong kampanya sa pagkapangulo ay makapagtatanim ng mga kapaki-pakinabang na kamalayan, iginiit ng mga lider ng Simbahan na balak nila siyang ihalalal. Pumili sila ng mga elector mula sa bawat estado, isang pagkilos na halos walang kinalaman sa pakikipag-ugnayan sa publiko, kundi, sa halip ay magsisilbi upang ang mga popular na boto ay maging mga electoral vote sakaling magtagumpay ang kampanya sa paglikom ng sapat na suporta sa alinman sa 24 na estado na bumubuo noon sa Estados Unidos. Tila naniniwala ang mga lider ng Simbahan na maaaring manalo si Joseph Smith kung ito ang kalooban ng Diyos, ngunit hindi naman sila naniniwala na mananalo ito. Dahil dito, gumawa sila ng ibang mga plano upang maibsan ang mga pagsubok at pag-uusig na nararanasan ng mga Banal, kabilang na ang paghahain ng petisyon sa Kongreso ng Estados Unidos na gawing pederal na teritoryo ang lunsod ng Nauvoo, paghiling sa Kongreso na gawin si Joseph na heneral sa Hukbo ng Estados Unidos, at pag-aaral sa posibilidad na lubusang lisanin ang Estados Unidos. Ang kampanya ni Joseph para sa pagkapangulo ay, samakatwid, isa sa ilang posibleng oportunidad na sinuri ng mga lider ng Simbahan upang mabigyan ang mga Banal ng kapayapaan at proteksyon na mahalaga para sa kanila upang sambahin ang Diyos ayon sa dikta ng sarili nilang konsiyensya.3

Mga Tala

  1. Wilford Woodruff journal, Peb. 8, 1844, Church History Library, Salt Lake City; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay at paggamit ng malalaking titik.

  2. Joseph Smith, General Smith’s Views on the Power and Policy of Government of the United States (Nauvoo, Illinois: John Taylor, 1844).

  3. Spencer W. McBride, “The Council of Fifty and Joseph Smith’s Presidential Ambitions,” sa Matthew J. Grow at R. Eric Smith, mga pat., The Council of Fifty: What the Records Reveal about Mormon History (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2017), 21–30.