Harold B. Lee
Naglingkod si Harold B. Lee bilang ikalabing-isang Pangulo ng Simbahan mula Hulyo 1972 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Disyembre 1973. Isinilang siya sa mga magulang na sina Louisa Emeline Bingham Lee at Samuel Marion Lee noong 1899 at lumaki sa isang sakahan sa Clifton, Idaho. Maaga siyang nag-aral noong bata pa siya at nakakuha ng sertipiko sa pagtuturo mula sa Albion State Normal School sa edad na 17 taong gulang, kung saan siya ay naging punong guro sa Oxford, Idaho makalipas ang isang taon. Sa edad na 21 taong gulang, naglingkod siya sa isang misyon sa kanlurang Estados Unidos at sa kanyang pag-uwi ay nag-aral siya sa University of Utah upang ipagpatuloy ang kanyang karera sa kursong edukasyon. Pinakasalan ni Harold si Fern Lucinda Tanner noong 1923, at mayroon silang dalawang anak, sina Maurine na isinilang noong 1924 at si Helen naman noong 1925.1
Hinirang si Harold B. Lee bilang pangulo ng Pioneer Stake sa Lunsod ng Salt Lake noong 1930, habang naghahasik ang Great Depression ng malawakang kawalan ng trabaho at pagbagsak ng ekonomiya. Higit sa kalahati ng 7,500 na mga miyembro ng kanyang stake ang nangangailangan ng trabaho, at nagpasimula siya ng mga programa upang tulungan ang mga nagigipit na pamilya na makahanap ng trabaho at dagdagan ang imbentaryo ng kamalig ng mga bishop. Itinalaga ng Unang Panguluhan si Lee na pamunuan ang isang komite upang bumuo ng planong pangkapakanan para sa buong Simbahan. Inilunsad noong 1936, ang naging Church Security Program ay naglinang ng tugon ng mga lokal na stake sa mga emergency at pinangunahan ang mga bagong proyekto sa trabaho para sa mga walang hanapbuhay. Naglingkod si Lee bilang tagapamahalang direktor ng programa mula 1936 hanggang 1941.2
Noong 1941, sa edad na 42 taong gulang, inorden ni Pangulong Heber J. Grant si Lee bilang Apostol. Patuloy na pinangasiwaan ni Elder Lee ang programang pangkapakanan ng Simbahan at nilibot ang mga mission sa buong mundo. Sumabay sa kanyang paglilingkod bilang apostol ang kaguluhan sa mundo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang bagong kaayusan sa mundo na umusbong matapos ang digmaan. Bumilis ang paglago ng dami ng mga miyembro ng Simbahan at lumawak ang impluwensya nito sa ibayong dagat sa mga taon makalipas ang digmaan kung ihahambing sa mga nakaraang dekada, na siyang nagpahirap sa pagpapatupad ng mga programa ng Simbahan sa pare-parehong paraan. Inatasan ni Pangulong David O. McKay si Elder Lee na pamunuan ang pagsisikap ng Simbahan na pag-isahin ang pagpapalakad sa Simbahan at dalhin ang lahat ng mga organisasyon at programa sa ilalim ng pangangasiwa ng priesthood. Pinangasiwaan ni Elder Lee ang isang pinabilis na pagsisikap sa correlation at hindi nagtagal ay nasiyahan na makita na ang mga korum ng priesthood ay mas nakatuon sa paggabay sa gawain ng ebanghelyo at ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo ay nakikilahok sa magkakaparehong aralin at aktibidad.3
Sa loob ng tatlong taon mula noong 1962, naulila si Elder Lee sa kanyang asawang si Fern at anak na si Maurine dahil sa biglaang pagbagsak ng kanilang kalusugan, isang yugto na tinawag niyang “pinakamalungkot na karanasan” ng kanyang buhay. Noong 1963, pinakasalan niya si Freda Joan Jensen sa Salt Lake Temple, at madalas silang maglakbay para sa mga gawain ng Simbahan noong mga natitirang taon ni Elder Lee bilang Apostol at kalaunan ay bilang Pangulo ng Simbahan.4
Noong 1970, ang bagong orden na Pangulo ng Simbahan na si Joseph Fielding Smith ay hinirang si Harold B. Lee na maglingkod bilang tagapayo sa Unang Panguluhan, bukod pa sa bagong responsibilidad ni Elder Lee bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong pumanaw si Pangulong Smith makalipas ang 30 buwan, inorden si Pangulong Lee na maging Pangulo ng Simbahan. Halos agad siyang nagdusa sa matinding sakit mula sa mga pagbabara ng dugo sa ugat at sumailalim sa halos palagiang pagpapagamot sa kabuuan ng kanyang paglilingkod bilang pangulo. Naglakbay pa rin siya sa Lunsod ng Mexico para sa ikalawang kumperensya ng area sa kasaysayan ng Simbahan, na bumuo ng pinakamalaking pagtitipon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang pangkalahatan o rehiyunal na kumperensya hanggang sa panahong iyon. Naglakbay din siya sa Banal na Lupain, kung saan siya ang naging unang Pangulo ng Simbahan na bumisita sa Israel, at kanyang nilibot ang mga makasaysayang lugar na may kinalaman sa pagmiministro ni Jesucristo, nanguna sa mga biglaaang devotional service, at inorganisa ang unang branch ng Simbahan sa Jerusalem.5
Noong umaga matapos ang Araw ng Pasko ng taong 1973, isinugod sa ospital si Pangulong Lee dahil sa sobrang kapaguran at problema sa baga. Hindi inaasahang pumanaw siya kalaunan noong araw na iyon. “Si Pangulong Lee ay dakilang kaibigan ng mga naaapi,” isinulat ni Spencer W. Kimball, ang humalili sa kanya bilang Pangulo ng Simbahan. “Habang siya ay isang kahanga-hangang administrador at walang pagod na manggagawa, madalas ay humahanap siya ng oras para bisitahin ang maysakit at yaong lugmok sa kalungkutan. Kapag nananalangin si Pangulong Lee, tunay na nakikipag-usap siya sa kanyang Ama sa Langit.”6
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Harold B. Lee, tingnan ang mga video sa Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.
Mga Kaugnay na Paksa: Correlation, Mga Programang Pangkapakanan, Great Depression