“Mga Organisasyon ng Young Men,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Mga Organisasyon ng Young Men
Mga Organisasyon ng Young Men
Sa isang pagtitipon kasama ang mga kabataan sa Nauvoo, Illinois, noong 1843, nagmungkahi si Elder Heber C. Kimball na bumuo sila ng isang grupo para sa espirituwal na pag-aaral. Inirekomenda pa ni Joseph Smith na kanilang iorganisa ang kanilang sarili sa “isang samahan para sa kaginhawahan ng mga maralita.” Sinunod ng grupo ang payo ni Joseph at inilunsad ang Young Gentlemen and Ladies’ Relief Society of Nauvoo para sa mga kabataang lalaki at babae na walang asawa na wala pang 30 taong gulang.1 Gayunman, ang samahang ito ay hindi nagtagal, dahil ang kamatayan ni Joseph Smith noong 1844 at ang paglisan sa Nauvoo noong 1846 ang umagaw sa pansin ng mga Banal.
Halos isang dekada kalaunan sa Lunsod ng Salt Lake, nanawagan si Heber C. Kimball sa lahat ng kabataang lalaki sa mga kalapit na pamayanan na magtipon para sa espesyal na mga testimony meeting. Ang iba pang hiwalay na mga grupo ay nabuo na may katulad na hangarin na makihalubilo, magdebate, maglibang, at ihanda ang mga binatilyo para sa paglilingkod sa priesthood at magmisyon. Pagdating noong dekada ng 1870, maraming ward ang nagtaguyod ng mga katulad na grupo, na tulad ng mga retrenchment association ng mga young women ay naghangad na magkaroon ng “pag-unlad” ng mga kabataan ng Simbahan.2 Noong 1875, inatasan ni Brigham Young si Junius F. Wells na mag-organisa at mangasiwa sa kalaunang nakilala bilang Young Men’s Mutual Improvement Association (YMMIA). “Nais namin na ang ating mga binata ay magpatala at ma-organisa sa buong Simbahan,” inatas ni Young kay Wells, “upang atin silang matawag sa anumang oras sa anumang paglilingkod na kailangan.”3 Ang gayong samahan ay lubos na kailangan sa panahon na ang karamihan sa mga kabataang lalaki ay hindi inorden sa mga katungkulan sa Aaronic Priesthood. Si Wells at iba pang mga lider ay nagbigay-diin sa pagpapabuti ng pag-uugali at pagtulong sa isa’t isa na labanan ang mga bisyo at katamaran sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga katotohanan ng ebanghelyo at pagsali sa mga aktibidad.
Simula noong 1877, hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga bishop na mag-orden ng karamihan sa mga kabataang lalaki sa Simbahan sa mga katungkulan sa Aaronic Priesthood. Gayunman, dahil ang mga korum ng Aaronic Priesthood ay ayon sa kaugalian na binubuo ng mga adult na lalaki na tumutok sa pagsasagawa ng mga tungkulin sa priesthood, karamihan sa mga kabataang lalaki ay nanatiling hindi sumasali sa kanilang mga korum. Ang mga pinuno ng Simbahan ay nag-aalala na ang mga Sunday School at mga YMMIA ay “ginagawa ang gawain na dapat gawin ng mga korum.” Noong 1908 ay hinirang ng Unang Panguluhan ang isang komite upang muling magpasigla ng gawain ng mga korum ng priesthood. Inirekomenda ng komite ang ilang pagbabago, kabilang na ang pagkakaroon ng pag-unlad mula sa isang katungkulan patungo sa isa pang katungkulan sa itinakdang edad at pagdidisenyo ng kurikulum na angkop sa bawat edad. Samantala, ang YMMIA ay patuloy na kumilos nang nakahiwalay.4
Noong 1913 ay nakakuha ang YMMIA ng isang pambansang charter sa Boy Scouts of America. Ang pakikipagtulungan sa mga Scout ay naghikayat sa pamunuan ng YMMIA na ayusin ang mga programa ng Mutual ayon sa edad: ang mga lalaki na edad 12 hanggang 16 ay itinalaga bilang mga junior (o MIA Scouts), ang mga lalaki na edad 17 hanggang 21 ay mga senior (na kung minsan ay tinatawag na M Men), at ang mga yaong 22 at pataas ay mga advanced senior. Ang mga hatian ng edad ay nagbago sa paglipas ng panahon at kalaunang iniayon sa mga edad ng pagsulong sa Aaronic Priesthood, ang mga pangalan ng grupo ay pinalitan ng pangalan ng mga katungkulan sa priesthood. Nakibahagi ang mga kasapi ng YMMIA sa iba’t ibang aktibidad sa pamamagitan ng Scouting. Nakibahagi rin sila sa mga taunang kumperensya at iba pang mga aktibidad sa Young Women’s Mutual Improvement Association.
Noong 1931, sa pag-asang madagdagan ang kabuuang partisipasyon ng mga kabataang lalaki sa Simbahan, ipinahayag ng mga General Authority ang Aaronic Priesthood Correlation Plan upang mapalakas ang ugnayan sa pagitan ng mga korum, YMMIA, Boy Scouts, at mga seminary. Ito ang simula ng pangmatagalang pagsisikap na pagsamahin ang mga programa ng Simbahan para sa mga kabataang lalaki at iugnay ang mga ito sa priesthood.5
Noong dekada ng 1970, ipinakilala nina Pangulong Harold B. Lee at Spencer W. Kimball ang isang serye ng mga pagbabago upang gawing mas mahusay ang mga programa ng Simbahan para sa mga kabataang lalaki at iugnay ang mga ito “sa ilalim ng priesthood.”6 Ang YMMIA general board, stake board, at mga katungkulan sa ward na nauukol sa YMMIA itinigil, at ang programa para sa mga kabataang lalaki sa edad na higit sa 18 ay inihiwalay mula sa programa para sa mga kabataang lalaki. Sa ilang panahon, pinamahalaan ng Presiding Bishopric ang bagong pinangalanang Aaronic Priesthood MIA, na kinabibilangan ng mga programa para sa mga kabataang lalaki at babae. Noong 1974 ay itinigil na ang paggamit sa pangalang Mutual Improvement Association, at noong 1977 ang mga programa ay lalo pang pinagsama sa iba pang mga programa at pinalitan ang pangalan at ginawang Young Men at Young Women, at ang mga General Presidency at general board ay muling itinatag.
Sa loob ng maraming taon ay pinanatili ng Simbahan ang kasunduan nito sa Boy Scouts of America sa Estados Unidos at nag-alok ng mga alternatibo sa ibang bansa. Noong 2018 ay inilahad ng Simbahan ang mga plano na humiwalay mula sa Scouting at magpatupad ng bagong programa para sa mga kabataan simula sa 2020.7
Mga Kaugnay na Paksa: Pagtitipid; Mga Organisasyon ng Young Women; Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Priesthood