Kasaysayan ng Simbahan
Heber J. Grant


“Heber J. Grant,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Heber J. Grant”

Heber J. Grant

Si Heber J. Grant ang ikapitong Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isinilang sa Lunsod ng Salt Lake noong 1856, si Grant ay pinalaking mag-isa ng kanyang inang si Rachel Ridgeway Ivins Grant, matapos ang kanyang amang si Jedediah Grant (isang tagapayo ni Brigham Young) ay pumanaw noong si Heber ay ilang araw pa lamang ang edad. Hinirang si Heber bilang stake president sa edad na 23 at inorden bilang Apostol makaraan ang dalawang taon. Sa loob ng 36 na taon na paglilingkod bilang apostol, nakipagtulungan siya sa mga miyembro na Katutubong Amerikano, inordenan ang marami bilang mga lider ng priesthood; inorganisa at pinamunuan ang unang mission sa Japan; at pinamunuan ang mga mission sa Britanya at Europa. Isa sa mga pinakamahalagang pangyayari sa kanyang paglilingkod bilang apostol ay naganap noong 1893, nang hinangad niya ang tulong ng Diyos upang makalikom ng pautang para iligtas ang Simbahan. Noong panahong iyon, dumaranas pa rin ang Simbahan ng mga paghihirap sa pananalapi dala ng mga epekto ng batas laban sa poligamya at mga maling pamumuhunan; ang mga pagsisikap ni Grant ay pinrotektahan ang Simbahan mula sa pinansiyal na pagkalugi sa gitna ng pambansang krisis sa ekonomiya.1 Bilang Apostol at kalaunan bilang Pangulo ng Simbahan, binigyang-diin ni Grant ang pagsunod sa Word of Wisdom at ipinangako na ang tapat na pagsunod dito ay magdudulot sa mga Banal sa mga Huling Araw ng higit na kaalaman at patotoo.

larawan ni Elder Heber J. Grant

Larawan ni Elder Heber J. Grant.

Isang kakaibang katangian ng buhay at ministeryo ni Grant ay ang kanyang katapatan sa Word of Wisdom. Nagmula ang kanyang pananalig sa karanasan niya noong binata pa siya sa panahong ang Word of Wisdom ay hindi mahigpit na sinusunod sa Simbahan. Bumili ng polisiya ng life insurance si Heber upang matiyak na maalagaan ang kanyang ina kung siya ay mamamatay nang bata pa tulad ng kanyang ama. Nang ipagkait sa kanya ng mga taga-insurance ang polisiya dahil sa kanyang kapayatan, inireseta ng kanyang manggagamot ang “apat na baso ng serbesa araw-araw” upang tulungan siyang bumigat ang timbang. Hindi nagtagal ay nakaugalian na niya ang pag-inom. Determinadong sundin ang payo ng Word of Wisdom na “may insurance man o wala,” tumigil siya sa pag-inom at inihinto ang pakikipagkalakal sa mga saloon at serbeserya. Mula noon, itinaguyod niya ang Word of Wisdom sa mga kasamahan, kaibigan, at mga kapwa miyembro ng Simbahan. Noong panahon na ipinagbabawal ang alak, madalas niyang banggitin ang mga pagpapalang ipinangako sa Word of Wisdom at hinikayat ang iba na iwasan ang tabako at alak. Kalaunan, bilang Pangulo ng Simbahan, ginawa niyang bahagi ng pagkuha ng temple recommend ang pag-iwas sa pag-inom ng alak at nanghikayat na suportahan ang pagbabawal sa alak.2

Bilang Pangulo ng Simbahan mula 1918 hanggang 1945, pinangasiwaan ni Heber J. Grant ang pagpapalawak ng Simbahan sa labas ng mga lugar na karamihang sakop ng Banal sa mga Huling Araw sa kahabaan ng Rocky Mountains. Tiniyak niya sa mga Banal na ang paglipat mula sa sentro ng pagtitipon ng ika-19 na siglo ay tunay na alinsunod sa itinuturo ng Simbahan, at noong 1923 ay itinatag niya ang Los Angeles Stake, ang unang stake sa isang lunsod kung saan maliit na minorya lamang ang mga Banal sa mga Huling Araw. Inilaan ni Grant ang mga templo sa Laie, Hawaii; Cardston, Alberta, Canada; at Mesa, Arizona. Siya rin ang namahala sa paglikha ng mga institute of religion, isang programa ng edukasyong panrelihiyon para sa mga Banal sa mga Huling Araw na nag-aaral sa mga kolehiyo at unibersidad, at iba pang mga pagsisikap na palakasin ang mga miyembro ng Simbahan habang sila ay nag-aaral, nagtatrabaho, at nakatira sa buong mundo.

Habang pinamumunuan ni Grant ang Simbahan, maraming miyembro ang nagdusa sa pagbagsak ng ekonomiya dahil sa Great Depression. Matapos subukan ang iba’t ibang paraan sa pagtulong sa mga miyembro na malampasan ang mahabang krisis sa ekonomiya, itinatag ng Unang Panguluhan ang Church Security Plan, kalaunan ay tinawag bilang welfare program ng Simbahan, upang isulong ang mga pagsisikap ng Simbahan na pawiin ang pagdurusa sa ekonomiya.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga pangyayari at tema sa buhay ng Heber J. Grant, tingnan ang mga video ng Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.

Mga Kaugnay na Paksa: Word of Wisdom (D at T 89), Japan, Pagbabawal sa Alak

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Batas Laban sa Poligamya.

  2. Ronald W. Walker, Qualities That Count: Heber J. Grant as Businessman, Missionary, and Apostle (Provo: BYU Studies, 2004), 51–54. Tingnan sa Paksa: Pagbabawal ng Alak.