Kasaysayan ng Simbahan
Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia


“Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia”

Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia

Habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, nakita nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na magkaiba ang pananaw nila tungkol sa kahulugan ng isang talata sa Biblia. Sila ay “nagkasundong lutasin” ang tanong “sa pamamagitan ng Urim at [Tummim].” Bunga nito, natanggap ni Joseph ang isang paghahayag na nagbibigay ng salin ng salaysay ng sinaunang disipulong si Juan, na nakasulat sa parchment o balat ng hayop ngunit nawala sa kasaysayan. Ang maagang karanasan na ito ng paghahangad ng paghahayag na ito na nagpalawak sa teksto ng isang talata sa Biblia ay mahalaga. Makalipas ang mga isang taon, sa tag-init ng 1830, sina Joseph at Oliver ay tumanggap ng paghahayag tungkol sa pangitain ni Moises na hindi makikita sa Lumang Tipan. Ang paghahayag na ito ang nagpasimula sa mga pagsisikap ni Joseph Smith na ihanda ang isang inspiradong rebisyon o pagsasalin ng Biblia. Nang sumunod na tatlong taon, nagpatuloy si Joseph sa kanyang gawain ng “bagong pagsasalin ng Biblia,” itinuturing na ang proyekto ay “bahagi ng [kanyang] tungkulin” bilang propeta ng Diyos.1

ipinintang larawan ng dalawang tao na nagtutulungan sa mga papeles na nasa mesa

Paglalarawan ng pintor kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na gumagawa ng pagsasalin ng Biblia.

Si Joseph Smith ay hindi gumamit ng sources na Hebreo at Griyego, mga lexicon, o kaalaman sa mga wika sa Biblia para magawa ang bagong Ingles na teksto. Sa halip, gumamit siya ng kopya ng King James Bible sa pagsisimula ng kanyang pagsasalin, idinidikta ang inspiradong mga pagbabago at pagdaragdag sa mga eskriba na nagsulat muna nito sa papel at kalaunan ay bilang mga tala sa gilid mismo ng Biblia. Ang kanyang mga rebisyon ay nahahati sa ilang kategorya. Ang kanyang maagang gawa sa pagsasalin ay nagbunga ng matagal nang ipinahayag na mga talatang idinidikta ni Joseph sa kanyang mga eskriba o tagasulat, tulad ng ginawa niya nang tinatanggap niya ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan.2 Ang mga talatang ito kung minsan ay nagbunga ng malaking pagpapalawak sa teksto ng Biblia. Ang pinakamagandang halimbawa ng ganitong uri ng rebisyon ay matatagpuan ngayon sa Aklat ni Moises sa Mahalagang Perlas. Si Joseph Smith ay gumawa rin ng maraming mas maliliit na pagbabago na nagpaganda sa gramatika, nagpa-moderno sa wika, nagwasto sa mga paksa ng doktrina, o pumawi sa mga hindi pagtutugma. Habang ginagawa niya ang mga pagbabagong ito, lumilitaw na maraming beses siyang sumangguni sa respetadong mga komentaryo ng Biblia na gawa ng mga iskolar ng Biblia, pinag-aralan ang mga ito sa kanyang isipan bilang bahagi ng proseso ng paghahayag.3

Si Joseph ay nagsimula sa Genesis 1 at sa buong Lumang Tipan hanggang sa isang paghahayag noong 1831 ang gumabay sa kanyang lumipat sa Bagong Tipan. Nang matapos sa Bagong Tipan, nagsimula si Joseph kung saan siya tumigil sa Genesis at natapos ang kanyang gawain sa Lumang Tipan noong Hulyo 1833. Saglit na inisip ni Joseph na isalin ang Apocripa, isang seleksyon ng mga aklat na tinatanggap bilang banal na kasulatan ng Simbahang Katoliko at ng mga Orthodox Christian ngunit tinanggihan ng maraming Protestante. Isang paghahayag ang gumabay kay Joseph na huwag isalin ang mga nakasulat sa Apocripa kahit na ang mga panulat na iyon ay naglalaman ng “maraming bagay … na totoo.”4

Ang gawain ni Joseph Smith sa rebisyon ng Biblia ay humantong sa maraming paghahayag na ngayon ay nasa Doktrina at mga Tipan. Marahil ang pinakamalaki sa mga ito ay nangyari noong nag-isip sina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung paano ipapakahulugan ang Juan 5:29, isang talatang bumabanggit sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at biniyayaan ng isang paghahayag na pangitain ng mga antas ng kaluwalhatian sa kabilang-buhay (DT 76).5 Ilang katulad na yugto ang lumitaw sa proseso ng rebisyon ng Biblia, na nagpahiwatig ng mga paghahayag hinggil sa Mateo 13; I Mga Taga Corinto 7; at sa Aklat ng Apocalipsis.6

Nang mamatay si Joseph Smith, ang mga manuskrito ng pagsasalin ng Biblia ay naiwan sa kanyang asawang si Emma hanggang sa ibigay niya ito sa kanyang anak na si Joseph Smith III, na namuno sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints. Inilathala ng Reorganized Church (ngayon ay Community of Christ) ang mga rebisyon o pagbabago ni Joseph noong 1867 sa ilalim ng pamagat na The Holy Scriptures, Translated and Corrected by the Spirit of Revelation, pero ang tomo ay kaagad nakilala bilang “Inspired Version of the Bible.”7 Si Brigham Young, na noon ay Pangulo ng Simbahan, ay nagpahayag ng pagdududa sa katumpakan ng Inspired Version, dahil hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na marebyu ang manuskritong pinagmulan nito. Sa kabila ng pagkakaroon ng kopya ng sulat-kamay ng ilang rebisyon ng mga manuskrito, ang Simbahan sa pamumuno ni Pangulong Young at pagkatapos niyon ay hindi naglathala ng isang edisyon.8

Noong 1960s, ang RLDS scholar na si Richard P. Howard at ang LDS scholar na si Robert J. Matthews ay kapwa pinag-aralan ang mga manuskrito para mapatunayang tunay ang mga nailathalang edisyon gamit ang mga orihinal na teksto. Ginawang available ng Reorganized Church ang mga manuskrito at pinahintulutan ang LDS Church na ilathala ang mga sipi bilang mga footnote at endnote sa 1979 na LDS na edisyon ng Biblia. Ang patuloy na pananaliksik sa pagtutulungan na ito ay humantong sa paglalathala ng kumpletong rebisyon ng mga manuskrito ng Biblia noong 2004 at muli bilang bahagi ng Joseph Smith Papers.9

Mga Kaugnay na Paksa: The Vision (DC 76), Book of Mormon Translation, Book of Abraham Translation

  1. Joseph Smith, “History, 1838–1856, Volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 15, 175, josephsmithpapers.org; “Visions of Moses, June 1830 [Moses 1],” sa Old Testament Revision 1, josephsmithpapers.org.

  2. “Bible Used for Bible Revision,” Historical Introduction, josephsmithpapers.org. Ang mga eskriba o tagasulat na tumulong kay Joseph Smith sa rebisyon ng Biblia ay kinabibilangan nina Oliver Cowdery, John Whitmer, Emma Smith, Sidney Rigdon, Frederick G. Williams, at tila kasama si Jesse Gause. (“Revelation, 15 March 1832 [DC 81],” Historical Introduction, josephsmithpapers.org.)

  3. Haley Wilson at Thomas Wayment, “A Recently Recovered Source: Rethinking Joseph Smith’s Bible Translation,” Journal of Undergraduate Research, Mar. 2017, jur.byu.edu. Tingnan sa DT 9:7–9.

  4. “Revelation, 9 March 1833 [DC 91],” sa Revelation Book 2, 55, josephsmithpapers.org.

  5. Joseph Smith at Sidney Rigdon, “Vision, 16 February 1832 [DC 76],” sa Revelation Book 2, 1–10, josephsmithpapers.org.

  6. Robert J. Matthews, “Doctrinal Connections with the Joseph Smith Translation,” sa Leon R. Hartshorn, Dennis A. Wright, at Craig J. Ostler, eds., The Doctrine and Covenants: A Book of Answers (Salt Lake City: Deseret Book, 1996), 27–42; Kerry Muhlestein, “One Continuous Flow: Revelations Surrounding the ‘New Translation,’” sa Andrew H. Hedges, J. Spencer Fluhman, at Alonzo L. Gaskill, eds., The Doctrine and Covenants: Revelations in Context (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2008), 40–65.

  7. Robert J. Matthews, “A Plainer Translation”: Joseph Smith’s Translation of the Bible: A History and Commentary (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 1985), 168–69.

  8. Kinopya ng miyembro ng Simbahan na si John M. Bernhisel ang mga bahagi ng manuskrito ng Lumang Tipan at inihiwalay ang manuskrito ng Bagong Tipan mga isang taon matapos mamatay si Joseph Smith nang ipahiram ni Emma Smith kay Bernhisel ang mga manuskrito sa loob ng tatlong buwan. Ipinagpatuloy ng kopya ni Bernhisel, bagamat buong katapatang sinubukan, ang ilang pagkakamali sa transkripsyon (Matthews, “A Plainer Translation,” 117–40.)

  9. Tingnan sa Scott H. Faulring, Kent P. Jackson, and Robert J. Matthews, eds., Joseph Smith’s New Translation of the Bible: Original Manuscripts (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2004); “Bible Revision Manuscripts,” josephsmithpapers.org.