Kasaysayan ng Simbahan
Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan [Family History at Genealogy]


“Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan [Family History at Genealogy],” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)

“Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan [Family History at Genealogy],” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan

Ang interes at sigasig ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pagsaliksik ng kasaysayan ng pamilya ay umusbong mula sa maraming mahahalagang pangyayari sa naunang kasaysayan ng Simbahan. Noong unang pagkikita ni Joseph Smith at ng anghel na si Moroni noong 1823, sinabi nito sa kanya na ang Panginoon ay “itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama.”1 Sa Nauvoo, Illinois, noong unang bahagi ng dekada ng 1840, itinuro ni Joseph na ang katuparan ng propesiyang ito ay nangangailangan ng pagsasagawa ng mga nakapagliligtas na ordenansa para sa mga pumanaw na kaanak.2 Kabilang dito ang binyag at kumpirmasyon para sa mga patay at ang pagbubuklod ng mga miyembro ng pamilya na nagpapanatili ng kanilang mga pinakamahalagang ugnayan sa kabilang buhay. Masigasig na sinimulan ng mga Banal na makibahagi sa mga ordenansang ito.3

Noong una, karaniwang ibinubuklod ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang pinakamalapit na ninuno o sa mga kilalang lider ng Simbahan bilang “inampong” kamag-anak.4 Noong 1894, inanunsiyo ni Pangulong Wilford Woodruff na dapat saliksikin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kasaysayan ng kanilang pamilya at dalhin ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno sa templo upang mabuklod ang mga pamilya. “Nais naming matunton ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito ang kanilang mga talaangkanan hanggang sa abot ng kanilang makakaya,” itinuro niya sa pangkalahatang kumperensya, “at mabuklod sa kanilang mga ama at ina. Ibuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang, at ipagpatuloy ang gawaing ito hanggang sa abot ng makakaya ninyo.”5 Ang mga templo ay naging mas prominente at regular na bahagi ng pagsamba ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pagpunta nila rito upang magsagawa ng mga ordenansa para sa kanilang mga kamag-anak na pumanaw na.6

Ang Genealogical Society

Noong 1895, inaprubahan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang pagtatag ng Genealogical Society of Utah (isang institusyon na kalaunang pinangalanan ng Simbahan bilang Family History Department noong 1987).7 Si Joseph Fielding Smith, isa sa mga naunang lider ng grupo at kalaunan ay naging pangulo nito, ay nagpatupad ng sistema ng pagtitipon at pag-archive base sa kanyang mga pagsasasaliksik sa mga silid-aklatan at mga samahan ng talaangkanan [genealogical society] sa hilagang-silangang Estados Unidos.8 Habang lumalawak ang mga gawain ng Genealogical Society, ang dedikadong genealogist na si Susa Young Gates ay nag-organisa ng isang sistema ng katalogo upang subaybayan ang mga tala sa bawat templo. Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, nagsikap siyang isulong ang talaangkanan sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga artikulo, pagtuturo ng mga klase, paghihikayat na isama ang pagtuturo ng talaangkanan sa Relief Society, at paglilingkod bilang pangulo ng Daughters of the Utah Pioneers.9 Nakipagtulungan sina Susa Young Gates at Joseph Fielding Smith sa mga komite na nagbigay ng mga magasin at klase upang turuan ang pangkalahatang publiko sa pagtitipon ng talaan ng mga ninuno at paggamit ng mga koleksyon ng mga silid-aklatan.10

gusali ng opisina

Tanggapan ng Genealogical Society ng Utah bago ang taong 1917.

Mula sa Talaangkanan hanggang sa Kasaysayan ng Pamilya

Noong ika-20 siglo, pinalawak ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pagkuha ng datos sa mga tala ng talaangkanan. Noong 1938, isa sila sa mga naunang gumamit ng teknolohiya ng microfilm upang ingatan ang mga talaan. Ang mga kawani ng Genealogical Society at kalaunan ay ng Family History Department ay nakipagtulungan sa mga nag-iingat ng mga archive, simbahan, mga pamahalaan ng estado at county, at iba pang mga institusyon upang kunan ng litrato ang mga tala at ilagay ang mga ito sa microfilm, kung saan nakuhanan nila ang humigit-kumulang 150 milyong pahina ng mga talaan pagsapit ng 1954 at napabilis pa ang gawaing ito sa 130 milyong litrato kada taon pagdating ng 1992.11 Noong 1969, idinaos ng Simbahan ang una nitong pandaigdigang kumperensya sa talaangkanan sa Lunsod ng Salt Lake na may layuning turuan ang mga baguhang mananaliksik at mapagsama-sama ang mga institusyon para magtulungan sa pag-iingat at pagkuha ng mga talaan.12 Ang dami ng mga dumalo sa ikalawang Pandaigdigan Kumperesnsya ng mga Talaan [World Conference on Records] noong 1980 ay higit pa sa doble, dahil na rin sa nadagdagang interes ng publiko sa talaangkanan matapos unang ipalabas ang serye sa telebisyon noong 1977 na Roots, batay sa aklat ni Alex Haley na may parehong pamagat. Tumanggap si Haley ng honorary doctorate mula sa Brigham Young University at nakipagtulungan sa mga lider ng Simbahan upang ipakilala sa publiko ang World Conference on Records at kasaysayan ng pamilya.13

loob ng vault na may lamang mga microfilm ng mga talaan

Loob ng Granite Mountain Records Vault, kung saan ilang milyong talaan na naka-microfilm ang pinag-iingatan.

Noong dekada ng 1980, nagsagawa ang mga miyembro ng Simbahan ng malawakang pagsisikap na tipunin at itala ang kasaysayan ng kanilang mga pamilya na umaabot nang hindi bababa sa tatlong henerasyon.14 Ang lumalawak na interes sa mga kasaysayan ng pamilya ay nagbigay-inspirasyon sa pag-iingat ng mga talaan nang higit pa sa impormasyon lamang sa talaangkanan. Noong 1987, binago ng mga lider ng Simbahan ang pangalan ng Genealogical Department sa Family History Department, isang pangalang naglalayong hikayatin ang lahat na makilahok. “Ang ipinalit na ‘family history,’” sabi ni Pangulong Boyd K. Packer, “ay magpapabawas sa pagiging teknikal ng gawain at gagawin itong mas kaaya-aya pakinggan. … Ang gayong banal na kasaysayan ng pamilya ay napakahalaga sa mga ordenansa sa templo.”15

Mga Pagbabago sa Teknolohiya at Pakikipagtulungan

Noong 1999, inilunsad ng Simbahan ang FamilySearch.org, isang website at database para sa pagsaliksik ng kasaysayan ng pamilya na sumusubaybay din sa paggawa ng ordenansa para sa mga patay. Gamit bilang pundasyon ang mahigit 60 taong karanasan sa pag-microfilm ng mga talaan, nagbigay ang FamilySearch.org ng paraan upang makakuha ng higit dalawang bilyong litrato sa loob ng dalawang dekadang magmula noong magsimula ito.16 Nagsimula ang FamilySearch Indexing noong 2006, at dahil dito makikita at makokopya na ng mga boluntaryo ang mga talaang pangkasaysayan upang tulungan ang mga mananaliksik.17 Ang iba pang mga pagsisikap para mapaunlad ang pagsasaliksik sa family history para sa pangkalahatang publiko ay humantong sa pagbuo ng libo-libong family history center, pakikipagtulungan sa mga panrehiyon at pambansang archive upang palawakin ang pagkuha sa mga talaan, at noong 2011, ang unang RootsTech—ang pinakamalaking kumbensyon sa kasaysayan ng pamilya sa buong mundo.18

bulwagan para sa kumbensyon

Bulwagan para sa kumbensyon ng RootsTech noong Pebrero 2021.

Nananatili ang Simbahan sa pangunguna sa pananaliksik tungkol sa kasaysayan ng pamilya. Sa pagsisikap ng mga miyembro ng Simbahan na makilahok sa proyekto ng pagtatala ng tatlong henerasyon ng pamilya at magsagawa ng mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno, kasama ang matagal nang pagsisikap ng Simbahan na pag-ingatan at ibahagi ang mga talaan mula sa buong mundo, nabuo nito ang Family Tree mula sa tulung-tulong na pagtitipon ng mga talaan sa FamilySearch.org noong 2013. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na ang mga pinagsamang gawain ay pinalawig ang mithiin na mabuo ang family tree para sa lahat ng anak ng Diyos.”19

Mga Kaugnay na Paksa: Binyag para sa Patay, Pagbubuklod, Pagtatayo ng Templo, Nauvoo Temple, Salt Lake Temple

  1. Joseph Smith—Kasaysayan 1:39. Tingnan sa Paksa: Anghel Moroni.

  2. Richard E. Turley Jr., “Latter-day Saint Doctrine of Baptism for the Dead,” BYU Family Historian, tomo 1, blg. 1 (Taglagas 2002), 23–39; Alexander L. Baugh, “‘For Their Salvation Is Necessary and Essential to Our Salvation’: Joseph Smith and the Practice of Baptism and Confirmation for the Dead,” sa Scott C. Esplin, pat., Raising the Standard of Truth: Exploring the History and Teachings of the Early Restoration (Provo, Utah: Religious Studies Center, 2020), 253–70.

  3. Tingnan sa Mga Paksa: Temple Endowment; Binyag para sa Patay.

  4. Tingnan sa Paksa: Pagbubuklod.

  5. Wilford Woodruff, Discourse, April 8, 1894, sa The Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 56, blg. 22 (Mayo 28, 1894), 339.

  6. Richard E. Bennett, “‘Line upon Line, Precept upon Precept’: Reflections on the 1877 Commencement of the Performance of Endowments and Sealings for the Dead,” BYU Studies, tomo 44, blg. 3 (2005), 38–77; James B. Allen at Jessie L. Embry, “‘Provoking the Brethren to Do Good Works’: Susa Young Gates, the Relief Society, and Genealogy,” BYU Studies, tomo 31, blg. 2 (Tagsibol 1991), 117–18, 121–26; Richard E. Bennett, “Wilford Woodruff and the Rise of Temple Consciousness among the Latter-day Saints, 1877–1894,” sa Alexander L. Baugh at Susan Easton Black, mga pat., Banner of the Gospel: Wilford Woodruff (Provo: Religious Studies Center, 2010), 233–50.

  7. Kip Sperry, “Genealogy: 1894–Present,” sa Brandon S. Plewe, pat., Mapping Mormonism: An Atlas of Latter-day Saint History (Provo: Brigham Young University Press, 2012), 152–53.

  8. James B. Allen, Jessie L. Embry, at Kahlile B. Mehr, Hearts Turned to the Fathers: A History of the Genealogical Society of Utah, 1894–1994 (Provo: BYU Studies, 1995), 71–74.

  9. Miranda Wilcox, “Sacralizing the Secular in Latter-day Saint Salvation Histories, 1890–1930,” Journal of Mormon History, tomo 46, blg. 3 (July 2020), 23–59; François Weil, Family Trees: A History of Genealogy in America (Cambridge, MA: Harvard University Press, 2013), 174–76. Tingnan din sa Paksa: Susa Young Gates.

  10. Allen, Embry, at Mehr, Hearts Turned to the Fathers, 77–80.

  11. Allen, Embry, at Mehr, Hearts Turned to the Fathers, 217, 230–31.

  12. “World Conference on Records,” Church News, Ago. 2, 1969, 3.

  13. Jack Emmerson, “Haley Talks of ‘Roots’ Phenomenon in Interview after BYU Exercises,” The Daily Herald [Provo], Ago. 21, 1977, 4; Matthew F. Delmont, Making Roots: A Nation Captivated (Berkeley: University of California Press, 2016), 175; Henry Louis Gates Jr., “Foreword,” sa Erica L. Ball at Kellie Carter Jackson, mga pat., Reconsidering Roots: Race, Politics, and Memory (Athens: University of Georgia Press, 2017), xi; “World Conference on Records,” 3; Jim Boardman, “Author Encourages Histories, Reunions,” Church News, Ago. 9, 1980.

  14. Allen, Embry, at Mehr, Hearts Turned to the Fathers, 202–3, 274–77.

  15. Family History Department Is New Name for Genealogical Department,” Ensign, Okt. 1987, https://www.churchofjesuschrist.org/study/ensign/1987/10/news-of-the-church/family-history-department-is-new-name-for-genealogical-department.

  16. FamilySearch Digital Records Access Replacing Microfilm,” Hunyo 26, 2017, https://media.familysearch.org/familysearch-digital-records-access-replacing-microfilm; “FamilySearch Adds 2 Billionth Image of Genealogy Records,” Abr. 23, 2018, https://media.familysearch.org/familysearch-adds-2-billionth-image-of-genealogy-records.

  17. Heather F. Christensen, “Isang Panawagan para sa Mga Indexer sa Buong Mund,” Liahona, Mar. 2012, https://www.churchofjesuschrist.org/study/liahona/2012/03/a-call-for-indexers-worldwide.

  18. Completed Freedmen’s Bureau Project Indexed Nearly 2 Million Records of Freed Slaves,” Hunyo 22, 2016, https://www.churchofjesuschrist.org/church/news/completed-freedmens-bureau-project-indexed-nearly-2-million-records-of-freed-slaves; Steve Anderson, “Senior Missionary Couples Serve to Preserve Genealogical Records in Lima, Peru,” FamilySearch, https://www.familysearch.org/blog/en/senior-missionary-couples-serve-preserve-genealogical-records-lima-peru-2.

  19. Steve Anderson, “FamilySearch.org Launches Family Tree for All Users,” FamilySearch, https://www.familysearch.org/blog/en/familysearchorg-launches-family-tree-users; Russell M. Nelson, “Mga Henerasyong Nabigkis ng Pagmamahal,” Liahona, Mayo 2010, 91–94.