2012
Isang Panawagan para sa mga Indexer sa Buong Mundo
Marso 2012


Isang Panawagan para sa Mga Indexer sa Buong Mundo

Simula nang ilunsad ang FamilySearch indexing noong 2006, mahigit 800 milyong talaan na ang nai-digitize. Ngunit hindi pa tapos ang gawain, at lumalaki ang pangangailangan sa mga indexer sa buong mundo.

Nang umuwi si Hilary Lemon ng Utah, USA, mula sa kanyang misyon, may ilang buwan pa bago siya muling pumasok sa paaralan. Sa paghahanap kung paano magagamit nang makabuluhan ang kanyang oras, nagsimula siyang tumulong sa online FamilySearch indexing. Sinimulan niyang mag-index sa Ingles ngunit hindi naglaon ay nalaman niya na may mga pagkakataon siyang mag-index sa ibang mga wika—kabilang na ang Portuges, ang wikang natutuhan niya sa misyon.

“Simula nang magmisyon ako sa Portugal, naging interesado na ako sa indexing ng mga proyektong nakalista para sa Brazil at Portugal. Lumaki ang interes ko nang makita ko ang isang proyekto mula sa Setúbal, Portugal, isa sa mga lugar na pinaglingkuran ko,” sabi ni Hilary.

Si Hilary ay isang boluntaryong tumutulong na matugunan ang lumalaking pangangailangan ng FamilySearch na i-index ang mga talaan sa mga wikang hindi Ingles. Tulad ng iba pang 127,000 aktibong boluntaryo, ine-extract ni Hilary ang mga pangalan at kaganapan sa buhay ng mga yaong pumanaw na para matagpuan ng mga miyembro ang impormasyong hinahanap nila at makumpleto ang mga ordenansa sa templo para sa kanilang mga ninuno.

Ano ang Indexing?

Ang FamilySearch indexing ay proseso ng pagbabasa ng mga digitized version ng mga talaan—tulad ng census; mga sertipiko ng kapanganakan, kasal, at kamatayan; mga testamento; at mga rekord ng simbahan—at pagta-type ng impormasyong nilalaman nito sa isang online searchable database. Sa pamamagitan nito, pinadadali ng mga boluntaryo sa indexing na matagpuan ng mga miyembro at iba pang nagsasaliksik sa family history ang impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno sa Internet.

Pinasimple at pinadali ng indexing ang gawain sa family history. “Dati-rati kung hinahanap ninyo ang mga kamag-anak ninyo, kailangan ninyong ikut-ikutin ang microfilm. Kapag natagpuan ninyo ang isang kapamilyang inyong hinahanap, maaari ninyong mahanap pa ang iba pang pangalang nakaugnay sa kanya. Kaya paulit-ulit ninyong iikutin ang microfilm,” sabi ni József Szabadkai, isang indexer sa Hungary.

Ngayon ay patuloy na nagtitipon ng mga talaan ng kasaysayan ang FamilySearch mula sa mga pamahalaan at record custodian sa buong mundo. Ngunit sa halip na basta kunan ng retrato ang mga talaan at gumawa ng mga film na matitingnan ng mga nagsasaliksik, ini-scan ng mga empleyado sa FamilySearch ang mga ito sa indexing program. Inilalagay ng mga boluntaryo ang mga imaheng ito sa kanilang computer at itina-type ang impormasyon ayon sa pagkabasa nila. Sa ganitong paraan, nadi-digitize ang impormasyon at matatagpuan ito sa pamamagitan ng search function sa FamilySearch.org habang maginhawang nakaupo ang mga nagsasaliksik sa sarili nilang tahanan.

Gaano na Karami ang Na-index?

Simula nang ilunsad ang FamilySearch indexing noong 2006, marami nang nagawa ang mga boluntaryong indexer—mga 800 milyong talaan na ang naipasok nila. Ngunit hindi pa tapos ang gawain. Ang Granite Mountain Records Vault sa Salt Lake City, kung saan nakatago at protektado ang naka-film na mga talaan, ay naglalaman ng mga 15 bilyong talaan—at marami pang talaan ang patuloy na idinaragdag. Ang mga talaang ito ay may impormasyon tungkol sa bilyun-bilyong tao mula sa mahigit 100 bansa at mahigit 170 wika ang kabilang dito.

Si Robert Magnuski, isang Church-service missionary at aktibong indexer mula sa Poland, ay naranasan mismo ang malaking pangangailangan sa mas maraming boluntaryong hindi Ingles ang wika. “Dahil sa pagkahati ng bansa mula 1772 hanggang 1918, nasa apat na wika ang mga talaan sa Poland: Russian, German, Latin, at Polish,” paliwanag niya. Dahil karamihan sa mga indexer sa Poland ay nagsasalita ng Polish, nagsimula sila sa pag-iindex ng mga talaang Polish. Kailangang gawin din ang mga talaan sa wikang Russian, German, at Latin. Sa tulong ng mga boluntaryo sa buong mundo na may karanasan sa iba’t ibang wika, matatagpuan ng mga gumagawa ng family history sa buong mundo ang kanilang mga ninuno—saanmang wika nakatala ang kanilang mahalagang impormasyon.

Para ma-access ang mga talaang ito, may indexing program na online sa 11 wika: Dutch, English, French, German, Italian, Japanese, Polish, Portuguese, Russian, Spanish, at Swedish. Ang mga taong nagsasalita ng anuman sa mga wikang ito—katutubong wika man ito o natutuhan sa pagmimisyon, pag-aaral, o iba pang pagsasanay—ay hinihikayat na magrehistro at magsimulang mag-index ng mga talaan.

Paano Ako Magsisimula?

Mabilis at madaling magsimula bilang boluntaryong indexer. Sundin ang mga tagubilin sa indexing.familysearch.org para i-download ang program sa inyong computer. Pagkatapos, mag-set up ng account, at pagkatapos ay pumili ng grupo, o “batch,” ng mga talaang mai-index. Ang mga talaan ay naka-grupo sa maliliit na batch ng 20 hanggang 50 pangalan para makagugol ng oras ang mga boluntaryo sa pag-iindex ng mga pangalan hanggang gusto nila. Bawat batch ay umaabot ng mga 30 minuto para makumpleto, ngunit maaari kayong huminto sa kalagitnaan nito at balikan ito kalaunan dahil ise-save ng program ang nagawa na ninyo. Kung hindi ninyo matapos ang batch sa loob ng isang linggo, sadyang mapupunta na ito sa iba para kumpletuhin.

Ang mga batch mula sa mga bansa sa buong mundo ay inilalaan para sa indexing kapag nakuha na ng FamilySearch ang mga talaan sa mga bansang iyon. Si Brother Szabadkai ay taga-Hungary, ngunit sinimulan niyang mag-index ng mga talaan sa Ingles at Afrikaans hanggang sa magkaroon ng mga talaan mula sa sarili niyang bansa. “Isa iyon sa pinakamaliligayang sandali nang ibalita ang unang Hungarian batch sa simula ng 2011,” sabi ni Brother Szabadkai. “Maraming miyembrong Hungarian—bata at matanda—ang nagrehistro at naging ‘sabik’ na mga indexer simula noon.” Ang kasabikan ni Brother Szabadkai ay nagmula sa pag-asa na marami sa kanyang sariling ninuno ang matatagpuan kapag nailagay ang mga talaang ito. “Kapag napalaki natin ang napakagandang database na ito, mas marami tayong matatagpuang kamag-anak, na tipid sa oras at tutulong sa ating mga ninuno na mas mabilis na matanggap ang nakapagliligtas na mga ordenansa.”

Paano Kung Wala Akong Computer?

Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang pagkakaroon ng computer at Internet access ay isang hamon para sa ilang sabik mag-index. Ganito ang sitwasyong nakaharap ng mga pinuno sa Mexico City Zarahemla Stake nang ipasiya nilang ilahok ang mga kabataan sa indexing. Dahil hindi lahat ng kabataan ay may computer sa kanilang tahanan, ipinasiya ng mga pinuno ng stake na ireserba ang computer lab ng isang lokal na paaralan para magamit nila kapag wala nang klase.

Sa gayon ay na-index ng mga kabataan ang mga talaan ng Mexican census mula 1930. “Nang repasuhin ng mga kabataan ang mga dokumento,” sabi ni Bishop Darío Zapata Vivas, “naisip nila ang mga taong nagbahay-bahay para kolektahin ang lahat ng impormasyong ito nang hindi nalalaman na balang araw ay makakatulong ang kanilang mga pagsisikap sa gawain ng Panginoon na ‘isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’” (Moises 1:39).

Sa pagsusumigasig ng mga pinuno ng stake na makakuha ng kailangang teknolohiya, nakapag-index ang mga kabataan at iba pang mga miyembro ng stake ng mahigit 300,000 talaan sa loob ng isang buwan.

Tulad ng ipinakita ng mga kabataan ng Zarahemla stake, kung wala kayong sariling computer, makakalahok pa rin kayo. Ang indexing program ay maaaring gumana sa anumang computer na may Internet access, pati na sa tahanan ng iba pang mga miyembro, sa mga family history center, sa mga meetinghouse, at maging sa mga paaralan o aklatan kapag pinahintulutan.

Ang mga Pagpapala ng Indexing

Ang mga dokumentong Portuges na na-index ni Sister Hilary Lemon ay mga talaan ng binyag na mahigit dalawang siglo na ang nakararaan. Kupas na ang mga pahina at mahirap nang basahin ang maarteng sulat-kamay, ngunit nagtiyaga siya sa proyekto nang isipin niya na ang mga pangalan sa mga pahina ay mga taong naghihintay na maisagawa ang gawain para sa kanila sa templo.

“Nang mag-index ako, hindi lang minsan ko nadama ang masaya at malakas na impresyon na balang-araw ay mabubuksan ng isang Portuges na Banal sa mga Huling Araw ang talaang iyon sa binyag na na-index ko at matatagpuan niya ang kanyang ninuno,” sabi ni Hilary. “Ngayong may plano nang magtayo ng templo sa Lisbon, Portugal, alam ko na darating ang araw na matatagpuan ng mga miyembro doon ang kanilang mga ninuno dahil sa gawaing isinagawa sa pamamagitan ng FamilySearch indexing.”

Sa tulong ng mga boluntaryong tulad ni Sister Lemon, mas maraming talaang maiingatan at magbibigay-daan para makabahagi ang mga pumanaw na sa lubos na mga pagpapala ng ebanghelyo.

Tanawin ni Bradley Clark; mga larawan ng lapida na kuha ni David Stoker; kaliwa: paglalarawan ni Cody Bell; kanan: paglalarawan ni Robert Casey © 2005 IRI

Kaliwa: paglalarawan ni Welden C. Andersen