Nakatutulong ang Pondo sa mga Miyembro sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo na Matanggap ang mga Pagpapala ng Templo
Magmula nang makapasok siya sa Manila Philippines Temple noong Hulyo 2001, bago siya umalis para magmisyon sa Singapore, alam ni Riaz Gill ng Pakistan na gusto niyang bumalik sa templo upang magkaroon siya ng pamilyang walang hanggan.
Noong 2007, ang kanyang asawang si Farah ay nabinyagan, ngunit kapos sila sa pera at hindi nila alam kung kailan sila makapupunta sa templo, na mahigit 3,500 milya (5,700 km) ang layo. Sa pagsilang ng kanilang anak na si Ammon Phinehas noong 2009, mas tumindi ang hangarin nilang mabuklod sa templo, at bago matapos ang 2010, sa tulong ng Temple Patron Assistance Fund ng Simbahan, nasagot ang kanilang mga panalangin.
“Ang pagpunta sa templo kasama ang aking pamilya ay nakatulong sa akin na magkaroon ng mas malakas na patotoo,” sabi ni Brother Gill. “Pagkatapos naming magpunta sa templo, para bang marami pa akong maibibigay sa Panginoon. … Ang pagpunta sa templo ay napakaganda at nagpapatibay ng pananampalataya, hindi ito kayang mailarawan sa salita.”
Habang naroon, naisagawa rin ni Brother Gill ang mga ordenansa para sa kanyang ama, lolo, at biyenang lalake, na mga yumao na. Ipinagawa rin niya ang ordenansa para sa kanyang ina, at siya ay nabuklod sa kanyang mga magulang.
“Napakalaking pribilehiyo sa amin ng pamilya ko ang pagpunta sa templo,” sabi niya. “Pinasasalamatan at ipinagdarasal ko lalo na ang mga lider na tumulong para makapunta kami sa templo.”
Magmula noong 1992 ang pondo, na 100 porsiyentong mula sa kontribusyon ng mga miyembro, ay tumutulong para makapunta sa templo sa unang pagkakataon ang mga miyembrong naninirahan sa labas ng Estados Unidos at Canada na hindi kayang makapunta roon. Isinusulat lamang ng mga miyembrong gustong magbigay ng donasyon sa pondo ang “Temple Patron Fund” sa bahaging “Other” ng contribution slip. Makapagbibigay rin ng donasyon ang mga indibiduwal sa pamamagitan ng LDS Philanthropies.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2011, hinikayat ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga miyembro na magbigay ng donasyon sa General Temple Patron Assistance Fund na nagsasabing, “May mga lugar pa rin na napakalalayo ng mga templo sa mga miyembro kaya’t hindi nila kayang matustusan ang pagpunta sa mga ito. Dahil diyan hindi nila makamit ang sagrado at walang hanggang pagpapala ng templo” (“Sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona at Ensign, Nob. 2011, 4–5).
“Ang layunin ng pondong ito ay tulungan ang mga nasa iba’t ibang panig ng mundo na hirap makapunta sa templo,” sabi ni Elder William R. Walker, Executive Director ng Temple Department. “Ang minsanang pagbibigay ng panustos ay tutulong sa isang tao na matanggap ang mga ordenansa para sa kanyang sarili.”
Ilan sa maraming humihingi ng tulong, sabi ni Elder Walker, ay mula sa Africa, sa Pacific, at Asia. Ang mga stake president at mission president ang nagrerekomenda sa kanilang Area Presidency, na siyang nangangasiwa sa pondo ayon sa bansang sakop nila.
Noong 2009 at 2010, tinatayang 4,000 mga miyembro ang nakagamit sa pondo para makapunta sa templo para sa una—at maaaring huling—pagkakataon.
Sinabi ni Elder Walker na upang mapagpala hangga’t maaari ang mas maraming tao, sila ay “naghahanap ng templo kung saan makatitipid sila sa pamasahe sa pagpunta roon. Ibig sabihin hindi palaging nakabatay sa lapit o kung nasa lugar nila o hindi ang templo.”
Bawat miyembrong gumagamit ng pondo ay inaasahang magsasakripisyo o magbibigay ng kontribusyon.
“Sa ilang lugar ang pagkuha lamang ng pasaporte ay napakamahal at napakahirap,” sabi ni Elder Walker. “Kaya sa ilang lugar, kung saan kailangang umalis sa kanilang bansa ang mga miyembro para makapunta sa templo, kailangang sila ang gumastos sa pasaporte para magamit ang pondo. Sa ilang bansa, ito ay takdang halaga ng pera lamang. Sa ilan ay tila hindi ito gaanong malaki, ngunit para sa kanila maaaring ito na ang lahat ng maiimpok nila sa loob ng anim na buwan.”
Sinabi ni Elder Walker na ang mga nagbibigay ng kontribusyon para sa mithiing ito ay karaniwang mas napahahalagahan ito. “Halos sa bawat pagkakataon ginagawa ng mga tao ang kanilang makakaya upang makapag-ambag at lalo silang pinagpapala, at pinahahalagahan nila ito,” sabi niya.
Bukod sa pagtulong na makapunta ang mga tao sa templo, ginagamit din ang pondo sa pagbili ng pitong pares na garment para sa bawat miyembro nang sa gayon ay matupad nila ang kanilang mga tipan kapag nakauwi na sila.
Ang pahayag ni Pangulong Monson sa kumperensya ay unang pagkakataong naibalita ng propeta sa pulpito ang tungkol sa pondo. Iyan, kalakip ang lumalaking pangangailangan sa pondo, ay malamang na magparami sa mga donasyon, sabi ni Elder Walker.
“Marami pa ring mga taong sumasapi sa Simbahan, at hindi pa natin gaanong natutugunan ang mga pangangailangan sa maraming lugar,” sabi niya. Sa pagbanggit sa payo ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–1995) noong 1994 na dapat may temple recommend ang lahat ng karapat-dapat na miyembro, (tingnan sa “The Great Symbol of Our Membership,” Tambuli, Nob. 1994, 6; Ensign, Okt. 1994, 2), sabi pa niya, “Marami tayong matatapat na miyembro sa Simbahan na may mga current temple recommend pero hindi pa nakapupunta sa templo at walang pagkakataong makapunta sa templo.”
Sinabi ni Elder Walker na ang pagbabalita ni Pangulong Monson tungkol sa pondo ay bunga ng kanyang pagmamahal sa mga templo at sa pagmamalasakit niya sa mga Banal na siyang unang makikinabang sa pondo.
“Kapag pumunta kayo sa malalayong lugar na ito, maaawa kayo sa mga tao at madarama ang mga paghihirap nila,” sabi ni Elder Walker. “Ang pondong ito ay para sa pagpapala ng maraming tao.”