2012
Maaari bang makibahagi sa sakramento ang mga hindi miyembro?
Marso 2012


Maaari bang makibahagi sa sakramento ang mga hindi miyembro?

Tulad ng alam ninyo, ang tinapay at tubig ng sakramento ay para sa mga miyembro ng Simbahan upang mapanibago natin ang ating mga tipan sa binyag. Gayunman, hindi tayo dapat gumawa ng anuman sa oras ng sacrament meeting para hadlangan ang mga hindi miyembro na makibahagi sa sakramento.

Makabubuting anyayahan ang mga di-miyembrong kaibigan at kapamilya sa simbahan, at nais nating ipadama na tanggap sila at mapapanatag sa ating mga pulong. Makakatulong na ihanda sila para sa sacrament meeting sa pagpapaliwanag ng layunin ng sakramento at ng mangyayari sa oras ng pulong. Kung itanong nila kung dapat silang makibahagi sa sakramento, sabihin lamang na maaari nilang piliing gawin iyon bagama’t ito ay para sa mga miyembro ng Simbahan, na nagpapanibago ng kanilang mga tipan sa binyag.

Tulad ng sabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang ordenansa ng sakrament ang nagpapabanal at nagpapahalaga nang lubos sa sakrament miting sa Simbahan” (“Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Liahona, Nob. 2008, 17). Dapat nating tulungan ang mga hindi miyembro na maunawaan ang mahalagang ordenansang ito, na tinitiyak na panatag din sila sa ating mga pulong.