Hindi Ko Sila Pinansin
Shelli Proffitt Howells, California, USA
Habang binabasa ko kamakailan ang Aklat ni Mormon, nagawi ako sa sumusunod na payo: “Bakit ninyo … pinahihintulutan ang nagugutom, at ang nangangailangan, at ang hubad, at ang maykaramdaman at ang naghihirap na dumaraan sa harapan ninyo nang hindi sila pinapansin?” (Mormon 8:39).
Sa halip na madama ang kapayapaan at kapanatagang karaniwan kong nararanasan sa mga banal na kasulatan, nadaig ako ng matinding kalungkutan. Noon ko pa alam na hindi talaga ako mapagmasid na tao. Itinuon ko ang aking sarili sa aking buhay, mga tungkulin, at pamilya kaya hindi ko talaga napansin ang mga hirap na dinaranas ng ibang tao.
Alam ko na hindi ko ginagawa noon ang lahat ng magagawa ko para “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9). Nais kong magbago; nais kong maging mas mabuti. Hindi ko lang talaga alam kung paano. Ipinagdasal kong tulungan ako ng Panginoon.
Dumating ang sagot sa akin sa di-inaasahan at hindi ko gustong paraan nang magkaroon ako ng pabalik-balik na karamdaman. Unti-unti nitong inalis ang lahat ng pinagkakaabalahan ko noon. Nang lumala ang karamdaman ko, kinailangan kong itigil ang mga aktibidad ko sa labas ng bahay, mga tungkulin ko, at ang pagsisimba. Hindi ako makalabas ng bahay, malungkot ako, at pakiramdam ko ay walang pumapansin sa akin.
Sana ay pagalingin ako ng Panginoon balang araw. Kapag ginawa Niya iyon, ipinapangako ko sa sarili ko na hindi na ako muling magbubulag-bulagan kailanman. Pagdating ko sa simbahan, titingnan ko kung sino ang mag-isang nakaupo at sino ang wala sa araw na iyon. Mag-uukol ako ng oras bawat linggo na madaig ang aking pagkamahiyain at bibisitahin ang isang taong maysakit o may problema o nangangailangan ng isang kaibigan. Mamahalin ko ang aking mga kapatid araw-araw—hindi lang tuwing Linggo o sa mga aktibidad ng Simbahan.
Aalalahanin ko at, sana, maging karapat-dapat akong marinig na nalulugod ang Panginoon: “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).