Mga Kabataan
Pinamumunuan ng Isang Buhay na Propeta
Noong 16 na taong gulang ako, nagkaroon ako ng oportunidad na personal na dumalo sa pangkalahatang kumperensya sa unang pagkakataon. Nakatira ang pamilya ko sa kanlurang Oregon, USA, at nagbiyahe kami papuntang Utah para dumalo sa kumperensya at ihatid ang kuya ko sa missionary training center.
Nagpunta ako sa kumperensya na may hangaring maturuan ng Espiritu Santo. Dahil dito, tumanggap ako ng paramdam ng Espiritu na malamang na hindi ko natanggap kung hindi ko inihanda ang aking sarili.
Sa isa sa mga sesyon, lahat ay tumayo at kumanta ng himno ng kongregasyon na, “Gabayan Kami, O Jehova.” Habang kumakanta kami, may malinaw na impresyon sa akin na ilibot ko ang aking paningin sa Conference Center. Ginawa ko iyon at nagulat ako sa lakas ng pagkakaisa ng libu-libong taong naroon habang umaawit kami ng papuri sa Diyos.
Pagkatapos ay nadama ko na para akong si Nephi nang makita niya sa pangitain ang punungkahoy ng buhay, dahil sinabi sa akin ng Espiritu, “Tingnan [mo]” (tingnan sa 1 Nephi 11–8). Tiningnan ko si Pangulong Thomas S. Monson at nadama ko na may pagkakaisa sa Simbahan dahil tayo ay pinamumunuan ng isang buhay na propeta. Sa pamamagitan ng patotoo ng Banal na Espiritu, alam ko na si Pangulong Monson ay totoong propeta sa ating panahon, at alam ko na pinamumunuan ni Jesucristo ang Simbahang ito sa pamamagitan niya.