Mensahe ng Unang Panguluhan
Bakit Natin Kailangan ng mga Propeta?
Dahil mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak, hindi Niya sila pinatahak sa mortal na buhay na ito nang walang direksyon at patnubay. Ang mga turo ng ating Ama sa Langit ay hindi ordinaryo, di-madaling unawain, at di-karaniwang klase na makukuha ninyo sa aklat na manipis ang pabalat sa bookstore sa inyong lugar. Ang mga ito ay karunungan ng isang selestiyal na Nilalang na makapangyarihan at nakaaalam sa lahat at nagmamahal sa Kanyang mga anak. Nababalot sa Kanyang mga salita ang pinakamalaking sikreto—ang susi sa kaligayahan sa buhay na ito at sa mundong darating.
Inihayag ng Ama sa Langit ang karunungang ito sa Kanyang mga anak sa lupa sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod na propeta (tingnan sa Amos 3:7). Mula pa noong panahon ni Adan, nangusap na ang Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng hinirang na mga propeta na inatasang ihayag ang Kanyang kalooban at payo sa iba. Ang mga propeta ay mga inspiradong guro at natatanging saksi ni Jesucristo sa tuwina (tingnan sa D at T 107:23). Hindi lamang nagsasalita ang mga propeta sa mga tao sa kanilang panahon, kundi maging sa mga tao sa lahat ng panahon. Umaalingawngaw ang kanilang mga tinig sa pagdaan ng mga siglo bilang habilin ng kalooban ng Diyos sa Kanyang mga anak.
Ang ngayon ay hindi naiiba sa mga nakaraang panahon. Mahal ng Panginoon ang mga tao sa ating panahon katulad noon. Ang isa sa maluluwalhating mensahe ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo ay na ang Diyos ay patuloy na nangungusap sa Kanyang mga anak! Hindi Siya nagtatago sa kalangitan kundi nangungusap ngayon katulad ng ginawa Niya noong unang panahon.
Karamihan sa inihahayag ng Panginoon sa Kanyang mga propeta ay nilayon na hindi tayo malungkot bilang mga tao at bilang mga lipunan. Kapag nangusap ang Diyos, ginagawa Niya ito upang turuan, bigyang-inspirasyon, patinuin, at balaan ang Kanyang mga anak. Kapag hindi pinansin ng mga tao at lipunan ang tagubilin ng kanilang Ama sa Langit, malamang na magkaroon sila ng pagsubok, paghihinagpis, at paghihirap.
Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak. Kaya nga Siya nagsusumamo sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Katulad ng nais natin ang pinakamainam para sa ating mga mahal sa buhay, nais din ng Ama sa Langit ang pinakamainam para sa atin. Kaya nga napakahalaga at kung minsan ay napakahigpit ng Kanyang mga tagubilin. Kaya nga hindi Niya tayo tinatalikuran ngayon kundi patuloy Niyang inihahayag ang Kanyang kalooban sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ang kapalaran natin at ng ating mundo ay nakasalalay sa ating pakikinig at pagsunod sa inihayag na salita ng Diyos sa Kanyang mga anak.
Ang walang-katumbas na mga tagubilin ng Diyos sa sangkatauhan ay matatagpuan sa Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Bukod pa rito, nangungusap sa atin ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, tulad ng gagawin Niyang muli sa darating na pangkalahatang kumperensya.
Sa lahat ng nag-iisip kung nangyayari nga ang gayon—na maaaring magtanong, “Posible bang mangusap sa atin ang Diyos ngayon?”—buong puso ko kayong inaanyayahan na “pumarito ka[yo] at tingnan [ninyo]” (Juan 1:46). Basahin ang salita ng Diyos na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Pakinggan ang pangkalahatang kumperensya na may taingang handang makinig sa tinig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta sa mga huling araw. Halina, makinig, at alamin nang buong-puso! Sapagkat kung maghahanap kayo “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, … ipaaalam [ng Diyos] ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4). Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, alam ko na si Jesucristo ay buhay at pinamamahalaan ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng isang buhay na propeta, maging si Pangulong Thomas S. Monson.
Mga kapatid, talagang nangungusap ang Diyos sa atin ngayon. At nais Niya na lahat ng Kanyang anak ay makinig at sumunod sa Kanyang tinig. Kung gagawin natin ito, labis tayong pagpapalain at tutulungan ng Panginoon, kapwa sa buhay na ito at sa mga daigdig na darating.