2012
Sinasang-ayunan Natin ang Ating mga Pinuno
Marso 2012


Ang Ating Paniniwala

Sinasang-ayunan Natin ang Ating mga Pinuno

Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na si Jesucristo ang pinuno ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa pamamagitan ng inspirasyon, tinatawag Niya ang mga propeta at apostol na mamuno sa Kanyang Simbahan. Binigyan ng Panginoon ng awtoridad ang mga pinunong ito na tumawag ng iba na maglilingkod sa Simbahan, tulad ng mga miyembro ng Pitumpu. Tumatawag ang mga Apostol at Pitumpu ng mga stake president, na tumatawag naman ng mga bishop, na tumatawag ng mga miyembrong maglilingkod sa iba’t ibang tungkulin sa kanilang ward. Sa gayon ginagabayan ng awtoridad ng priesthood at ng paghahayag ang pagtawag mula sa mamumuno sa buong Simbahan hanggang sa mga lokal na kongregasyon.

May pagkakataon tayong sang-ayunan—suportahan, tulungan, ipagdasal—ang bawat isa sa mga taong ito sa kanilang mga tungkulin. Ipinahihiwatig natin ang ating kahandaang gawin ito sa pamamagitan ng pagtataas ng ating kanang kamay kapag binasa sa atin ang kanilang mga pangalan sa pangkalahatang kumperensya, stake conference, ward conference, o sacrament meeting. Ang pagtataas ng ating kamay ay isang tanda sa atin, sa kanila, at sa Panginoon na susuportahan natin sila.

Ang pagtataas ng ating kamay para sang-ayunan ang isang tao ay hindi kagaya ng pagboto sa taong iyon sa katungkulan. Tinawag na siya ng Panginoon na maglingkod sa tungkuling iyon sa pamamagitan ng isang taong may awtoridad ng priesthood na magbigay ng gayong tungkulin. Ang pagsang-ayon natin ay pagbibigay ng tiwala sa taong iyon, dahil kinikilala natin na siya ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng mga lider ng priesthood na sinasang-ayunan natin.

Maaari nating suportahan ang mga General Authority at ang ating mga lokal na pinuno at opisyal sa ilang paraan:

  • Sa pamamagitan ng ating pananampalataya at mga panalangin para sa kanila.

  • Sa pagsunod sa kanilang payo.

  • Sa pagtulong kapag hinilingan nila tayo.

  • Sa pagtanggap ng mga tungkuling ibinibigay nila sa atin.

Ang pagsuporta sa ating mga pinuno ay katibayan ng ating kabutihan, pananampalataya, at pakikipagkapatiran.

  1. Sinusuportahan natin ang mga General Authority ng Simbahan.

  2. Maipapakita natin, sa pagtataas ng ating kamay, na susuportahan natin ang ating mga lokal na pinuno at iba pang tinawag na maglingkod sa atin.

  3. Sinusuportahan natin ang ating mga pinuno sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang payo.

  4. Sinusuportahan natin ang ating mga pinuno sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga tungkulin, dahil ang mga tungkulin ay ibinibigay sa atin “ng mga yaong may karapatan” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).

  5. Sinusuportahan natin ang ating mga pinuno sa pamamagitan ng pagdarasal para sa kanila (tingnan sa D at T 107:22).

Ibaba: larawang kuha ni John Luke; kanan: larawang kuha ni Leslie Nilsson; mga paglalarawan nina Craig Dimond at Welden C. Andersen