Ang Kultura ng Ebanghelyo
Ang artikulong ito ay hinango sa isang mensaheng ibinigay sa regional district conference broadcast sa Africa noong Nobyembre 21, 2010.
Ang kultura ng ebanghelyong ito ay mula sa plano ng kaligtasan, mga utos ng Diyos, at mga turo ng mga buhay na propeta. Para matulungan ang mga miyembro nito sa lahat ng panig ng mundo, itinuturo sa atin ng Simbahan na iwaksi ang anumang tradisyon o gawain natin o ng ating pamilya na salungat sa kultura ng ebanghelyong ito.
Sa bantog na pelikulang The African Queen, dalawang refugee mula sa karahasan sa East Africa noong Unang Digmaang Pandaigdig ang nagsisikap makarating sa ligtas na lugar na Lake Victoria. Matapos maligtasan ang maraming muntikang kapahamakan, nabalaho ang kanilang barkong The African Queen sa latian. Hindi masabi kung saan ang direksyon ng agos at naliligiran ng matataas na talahib, hindi malaman ng dalawang refugee kung saan pupunta at pinanghinaan sila ng loob. Nang maubos na ang kanilang lakas at pananampalataya, susuko na sana sila at mamamatay.
Pagkatapos, sa isang madamdaming sandali, tumaas ang kamerang nagpapakita sa panganib na kanilang sinusuong, at sa bagong pananaw na ito ay nakita natin ang talagang kinaroroonan nila. Hindi nila nakikita, ngunit ilang metro na lang ang layo, ay naroon ang matagal na nilang hinahanap na mga tubig ng Lake Victoria na daan patungo sa kaligtasan.
Ipinaliliwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo ang ating paglalakbay sa mortalidad at ipinakikita sa atin ang ating patutunguhan sa kawalang-hanggan. Tulad ng mga refugee sa The African Queen, tinatakasan natin ang kasamaan at kapahamakan. May mga balakid sa paligid natin. Nagsisikap tayong makamtan ang ating mga mithiin. Kung minsan wala tayong makitang palatandaan ng pag-unlad. Maaari tayong mapagod at panghinaan ng loob. Maaaring hindi natin matanaw ang ating patutunguhan. Ngunit hindi tayo dapat sumuko. Kung matatanaw lang natin ang kabila ng kasalukuyan nating sitwasyon at malalaman ang talagang kinaroroonan natin sa paglalakbay patungo sa buhay na walang hanggan, malalaman natin na malaki na ang iniunlad natin.
Pag-asa sa Espiritu Santo
Mabuti na lang at nabigyan tayo ng ating Tagapagligtas ng patnubay at gabay na tutulong sa atin sa kabila ng mga balakid na nakapagpapahina sa atin. Ang tinutukoy ko ay ang kaloob na Espiritu Santo. Ngunit kailangan tayong maging handang gamitin at asahan ang banal na kaloob na ito, at dapat tayong maging karapat-dapat upang manatili ito sa atin.
Ganito ang itinuro ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98), na naglingkod bilang Pangulo ng Simbahan noong ilang panahon na dumaranas ang Simbahan ng matinding pagsubok, tungkol sa kahalagahan ng Espiritu Santo: “Ang bawat lalaki o babae na pumasok sa simbahan ng Diyos at nabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan [at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo] ay may karapatan sa paghahayag, karapatan sa Espiritu ng Diyos, na tutulong sa kanilang mga gawain.”1
Ipinaliwanag ni Pangulong Woodruff na “ipinahahayag ng Espiritung ito, araw-araw, sa bawat taong nananampalataya, ang mga bagay para sa kanyang kapakanan.”2 Ito ang kaloob na ibinigay ng Diyos upang tulungan tayo sa mahirap nating paglalakbay sa mortalidad kapag namuhay tayo nang may pananampalataya.
Kung gusto nating mapasaatin ang mahalagang patnubay na ito, dapat nating sundin ang mga utos. Itinuro ni Pangulong Woodruff: “Ang Espiritu Santo ay hindi mananahan sa maruming tabernakulo. Kung nais ninyong matamasa ang buong kapangyarihan at mga kaloob ng inyong relihiyon, dapat kayong maging dalisay. Kung nakokonsyensya kayo sa mga kahinaan, kalokohan, at mga kasalanan ninyo, kailangang pagsisihan ninyo ang mga ito; dapat ninyo itong lubos na iwaksi.”3
Iniutos ng Panginoon na dumalo tayo sa sacrament meeting linggu-linggo upang makibahagi sa sakramento (tingnan sa D at T 59:9–12). Kapag ginawa natin iyon, na nagsisisi sa ating mga kasalanan at nagpapanibago ng ating mga pangakong paglilingkuran ang Panginoon at lagi Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga kautusan, may mahalagang pangako sa atin na “mapapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (D at T 20:77). Sa ganitong paraan natin malalagpasan ang mga balakid at kalungkutan sa buhay na ito na gagabay sa atin pabalik sa ating tahanan sa langit.
Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson: “Napaliligiran tayo ng imoralidad, pornograpiya, karahasan, mga droga, at iba pang talamak na kasamaang umaalipin sa makabagong lipunan. Atin ang hamon, maging ang responsibilidad, [na] hindi lamang manatiling ‘walang dungis … sa sanglibutan’ (Santiago 1:27) kundi gabayan din ang ating mga anak at ang iba pa nating pananagutan na maligtasan ang karagatan ng kasalanan sa ating paligid, upang makabalik tayo balang-araw sa piling ng ating Ama sa Langit.”4
Tunay ngang kailangan natin ang patnubay ng Espiritu, at dapat tayong maging masigasig sa paggawa ng mga bagay na kailangan upang mapasaatin ang Espiritung iyon. Lalo na, kailangan nating sundin ang mga kautusan, manalangin, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at magsisi linggu-linggo kapag nakibahagi tayo sa sakramento.
Isang Natatanging Pamumuhay
Para matulungan tayong sundin ang mga utos ng Diyos, nasa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tinatawag nating kultura ng ebanghelyo. Ito ay isang natatanging pamumuhay, isang grupo ng mga pinahahalagahan at inaasahan at gawain na karaniwan sa lahat ng miyembro. Ang kultura ng ebanghelyong ito ay mula sa plano ng kaligtasan, mga utos ng Diyos, at mga turo ng mga buhay na propeta. Ginagabayan tayo nito sa pagpapalaki ng ating pamilya at sa ating sariling pamumuhay. Ang mga alituntuning nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay isang magandang pagpapahayag ng kulturang ito ng ebanghelyo.5
Para matulungan ang mga miyembro nito sa lahat ng panig ng mundo, itinuturo sa atin ng Simbahan na iwaksi ang anumang tradisyon o gawain natin o ng ating pamilya na salungat sa mga turo ng Simbahan ni Jesucristo at sa kultura ng ebanghelyong ito. Sinusunod natin dito ang babala ni Apostol Pablo, na nagsabing hindi natin dapat hayaang “may bumihag [sa atin] sa pamamagitan ng kaniyang pilosopia … ayon sa sali’t saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo” (Mga Taga Colosas 2:8).
Pagdating sa pagwawaksi ng mga tradisyon at kultura, pinupuri namin ang ating mga kabataan sa mabilis nilang pag-akma at pag-unlad, at nakikiusap kami sa nakatatanda nating mga miyembro na iwaksi ang mga tradisyon at kultura o gawain ng angkan na naglalayo sa kanila sa landas ng paglago at pag-unlad. Hinihiling namin sa lahat na paghusayin ang kanilang sarili sa kultura ng ebanghelyo, sa mga gawain at tradisyon na nakabatay sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Maraming tradisyon sa Africa na tumutugma sa kultura ng ebanghelyo at tumutulong sa ating mga miyembro na sundin ang mga utos ng Diyos. Ang matibay na kultura ng pamilya sa Africa ay nakahihigit sa maraming bansa sa Kanluran, kung saan nawawala na ang mga pinahahalagahan ng pamilya. Sana’y makatulong sa atin ang mga halimbawa ng pagmamahal at katapatan ng mga miyembro ng pamilya sa Africa na maituro sa iba ang mahahalagang tradisyong ito sa kultura ng ebanghelyo. Ang kababaang-loob ay isa pang magandang katangian sa Africa. Ipinakikiusap namin sa mga kabataan saanman na maging mababa ang loob na tulad ng karamihan sa mga kabataang nakikita natin sa Africa.
Sa kabilang banda, hindi maganda ang ilang tradisyon ng kultura sa Africa kapag inihambing sa kultura at mga pinahahalagahan ng ebanghelyo. Ang ilan dito ay patungkol sa relasyon ng pamilya—ang ginagawa kapag nanganak, nag-asawa, at namatay. Halimbawa, may maling ideya ang ilang asawang lalaki sa Africa na nagpapahinga ang lalaki habang nagtatrabaho sa bahay ang babae o mga alipin lang ng lalaki ang kanyang asawa’t mga anak. Hindi ito nakalulugod sa Panginoon dahil hadlang ito sa uri ng relasyon ng pamilya na dapat manaig sa kawalang-hanggan at pinipigilan nito ang uri ng pag-unlad na dapat mangyari dito sa lupa kung nais nating maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng kawalang-hanggan. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at makikita ninyo na sina Adan at Eva, ang una nating mga magulang, ang huwaran nating lahat, ay magkasamang nanalangin at nagtrabaho (tingnan sa Moises 5:1, 4, 10–12, 16, 27). Iyan dapat ang maging huwaran ng buhay natin sa pamilya—iginagalang ang isa’t isa at magkasamang nagtatrabaho nang may pagmamahal.
Ang isa pang hindi magandang tradisyon ng kultura ay ang lobola, o pambayad sa mapapangasawang babae, na malaking hadlang sa mga kabataang lalaki at babaeng sumusunod sa mga utos ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag kailangang bilhin ng isang binatang returned missionary ang kanyang mapapangasawa mula sa ama nito sa napakalaking halaga na maraming taon niyang pag-iipunan, hindi niya kayang mag-asawa o hindi siya makapag-aasawa hangga’t wala pa siyang 40 anyos. Salungat ito sa plano ng ebanghelyo para sa kadalisayan ng puri bago ikasal, para sa pag-aasawa, at para sa pagpapalaki ng anak. Dapat ituro ng mga lider ng priesthood sa mga magulang na itigil na ang gawaing ito, at dapat sundin ng mga kabataan ang huwaran ng Panginoon tungkol sa pagpapakasal sa banal na templo nang hindi na naghihintay na mabayaran ang mapapangasawa.
Ang ilang iba pang gawain o tradisyon ng kultura na maaaring salungat sa kultura ng ebanghelyo ay ang mga kasal at libing. Ipinakikiusap ko na huwag kayong gumawa ng mga plano sa kasal at libing na magpapalubog sa inyo sa utang. Umiwas sa malayuang paglalakbay at magarbong paghahanda. Ang sobra-sobrang utang ay magpapahina o hahadlang sa kakayahan ninyong magbayad ng ikapu, dumalo sa templo, at ipadala sa misyon ang inyong mga anak. Gumawa ng mga planong magpapalakas—hindi magpapahina—sa pagkaaktibo ninyo sa Simbahan sa hinaharap.
Ang Kahalagahan ng Kasal
Nabubuhay tayo sa isang masamang mundo. Sinasabi ko ito dahil una kong naiisip ang sadyang pagkitil ng buhay, na napakadalas mangyari sa labanan ng mga angkan at bansa sa Africa at saanman. Iniutos din ng Diyos na huwag tayong magnakaw o manloko para makuha ang pag-aari ng ibang tao. Ang isa pang malaking kasamaan ay ang pagsuway sa utos na “Huwag kang mangangalunya” (Exodo 20:14) at lahat ng utos na may kaugnay rito kung saan inihayag ng Diyos na ang dakilang kapangyarihang lumikha—na ibinigay para sa Kanyang mga layunin—ay dapat lamang gamitin pagkatapos ng kasal. Kasalanan ang magkaroon ng seksuwal na pakikipagrelasyon sa hindi ninyo asawa.
Nabubuhay tayo sa panahon na ang kasal ay itinuturing na isang opsiyon, hindi isang pangangailangan. Halimbawa, isinisilang sa mga inang walang asawa ang 40 porsiyento ng lahat ng anak na isinilang ngayon sa Estados Unidos. Maraming tao ang nagsasama nang hindi kasal. Ang mga batang isinilang mula sa gayong mga relasyon ay walang seguridad ng mga magulang na tapat sa isa’t isa sa pamamagitan ng kasal na inorden ng Diyos para sa una nating mga magulang sa Halamanan ng Eden.6
Mahalaga ang kasal, ngunit sa Africa at sa iba pang mga bansa, dapat nating itanong, anong uri ng kasal? May mga pormal na kasal na awtorisado ng batas, at may iba’t ibang kaugalian o kasal ng angkan na maisasagawa at maititigil nang walang pormalidad. Ang pamantayan ng Panginoon—na ginawang pormal sa mga kinakailangan natin para sa pagbubuklod ng kasal sa templo—ay isang kasal na permanente tulad ng magagawa ng mga batas ng tao.
Muli kong pinagtitibay ang payo ng mga pinuno ng Simbahan na hindi dapat malayo sa isa’t isa ang mga mag-asawa, tulad ng pagtatrabaho sa ibang bansa o sa malayong lugar. Sa napakaraming kaso, nagbubunga ng mabigat na pagkakasala ang gayong pagkakalayo. Ang pagkakalayo ay humahantong sa paglabag sa mga walang-hanggang tipan, na nagdudulot ng paghihinagpis at pagkawala ng mga pagpapala. Sa makabagong paghahayag iniutos ng Panginoon, “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” (D at T 42:22). Kapag sinunod natin ang mga utos ng Panginoon at ang payo ng Kanyang mga pinuno tungkol sa kasal, mahihiling natin sa Kanya na basbasan tayo sa lahat ng iba pang bagay.
Ang mga Pagpapala ng Ikapu
Ang ikapu ay isang utos na may pangako. Ang mga salita ni Malakias, na pinagtibay ng Tagapagligtas, ay nangangako sa mga naghahatid ng kanilang ikapu sa imbakan na “bubuksan [ng Panginoon] ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog … sa [kanila] ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.” Ang ipinangakong pagpapala ay temporal at espirituwal. Para sa mga nagbabayad ng ikapu, nangako ang Panginoon na Kanyang “sasawayin ang mananakmal” at “tatawagin kayo ng lahat ng bansa na mapalad: sapagka’t kayo’y magiging maligayang lupain” (Malakias 3:10–12; tingnan din sa 3 Nephi 24:10–12).
Naniniwala ako na angkop ang mga pangakong ito sa mga bansang tinitirhan natin. Nang ipagkait ng mga tao ng Diyos ang kanilang ikapu at mga handog, isinumpa ng Diyos ang “buong bansa” (Malakias 3:9). Gayon din, naniniwala ako na kapag maraming mamamayan sa isang bansa na tapat magbayad ng ikapu, nag-aanyaya sila ng mga pagpapala ng langit para sa buong bansa nila. Itinuturo sa Biblia na “ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak” (Galacia 5:9; tingnan din sa Mateo 13:33) at na “ang katuwiran ay nagbubunyi ng bansa” (Mga Kawikaan 14:34). Ang kailangang-kailangang pagpapalang ito ay mahihiling sa pamamagitan ng katapatan sa pagbabayad ng ikapu.
Ang pagbabayad ng ikapu ay naghahatid din ng kakaibang espirituwal gayundin ng temporal na mga pagpapala sa taong nagbabayad ng ikapu. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig binuhay ng balo kong ina ang tatlong maliliit pa niyang mga anak sa kakatiting na suweldo ng isang guro sa paaralan. Nang mapansin kong lumalaki kaming salat sa ilang magagandang bagay dahil kapos kami sa pera, itinanong ko kay Inay kung bakit malaki ang ibinabayad niyang ikapu mula sa kanyang suweldo. Hindi ko nalimutan ang paliwanag niya: “Dallin, maaaring may ilang taong nakakaraos nang hindi nagbabayad ng ikapu, pero hindi natin ito kaya dahil mahirap tayo. Pinili ng Panginoon na kunin na ang iyong ama at iwanan ako para palakihin kayong magkakapatid. Hindi ko magagawa iyan kung wala ang mga pagpapala ng Panginoon, at natatamo ko ang mga biyayang iyon sa tapat na pagbabayad ng ikapu. Kapag nagbabayad ako ng ikapu, nasa akin ang pangakong biyaya ng Panginoon, at kailangang mapasaatin ang mga biyayang iyon kung gusto nating makaraos.”
Dahil buong buhay akong tumatanggap ng mga pagpapalang ito, pinatototohanan ko ang kabutihan ng ating Diyos at ang masagana Niyang pagpapala sa mga anak Niyang nagbabayad ng ikapu.
Pagtatatag ng Simbahan
Kung hangad nating itatag ang Simbahan sa Africa at ibang mga bansa, dapat ay may ikatlo at ikaapat na henerasyon tayo ng matatapat na pamilyang Banal sa mga Huling Araw sa ating pamunuan at mga miyembro. Ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw na lumilipat ng ibang bansa ay nagpapahina sa Simbahan sa kanilang bayang tinubuan. Hindi naman ipinagbabawal ng Simbahan ang paglipat ng mga miyembro nito sa iba-ibang lugar para umasenso, ngunit maraming taon na ang lumipas mula nang hikayatin ng Simbahan ang pandarayuhang iyon.
Noong araw, hinihikayat ang mga Banal sa mga Huling Araw na magtipon sa Sion sa Amerika upang itatag ang Simbahan at magtayo ng mga templo roon. Ngayong matatag na ang Simbahan sa mga stake center nito, pinapayuhan namin ang mga miyembro na manatili sa kanilang sariling bansa, upang patatagin ang Simbahan doon. Hinihikayat namin ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga templo sa buong mundo.
Hindi madaling sundin ang paraan ng Panginoon. Paulit-ulit tayong binalaan ng Panginoon, nang tuwiran at sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, na kamumuhian tayo ng mundo sa naiibang paraan natin ng paggawa ng mga bagay-bagay—sa paraan ng Panginoon (tingnan sa Juan 15:19).
Ang magandang balita ay nakatitiyak tayo na kapag ginawa natin ang gawain ng Panginoon sa paraan ng Panginoon, tayo ay Kanyang pagpapalain na makakatulong sa atin. “Ako ay magpapauna sa inyong harapan,” wika Niya. “Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).
Pagmamahalan
Lubos tayong nagpapasalamat sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sinasabi nito sa atin kung sino tayo. Kapag naunawaan natin ang ating kaugnayan sa Diyos, nauunawaan din natin ang ating kaugnayan sa isa’t isa. Kasama na rito ang kaugnayan natin sa ating asawa at mga anak—mga walang-hanggang kaugnayan kung susundin natin ang mga utos at gagawin at tutupdin natin ang mga sagradong tipan sa templo.
Lahat ng lalaki at babae sa mundong ito ay mga anak ng Diyos, magkakapatid sa espiritu, anuman ang kanilang kulay o bansa. Kaya nga iniutos sa atin ng Bugtong na Anak ng Diyos na magmahalan tayo. Kaylaking kaibhan sa mundo kung lalaganap ang pagmamahalan at di-sakim na pagtutulungan sa lahat ng angkan, bansa, relihiyon, at lahi. Hindi mabubura ng gayong pagmamahal ang lahat ng pagkakaiba ng opinyon at gawain, ngunit hihikayatin at gagabayan nito ang bawat isa sa atin na magtuon sa mga pagsisikap nating makipagtulungan sa ating kapwa sa halip na kamuhian o apihin sila.
Pinagtitibay ko ang dakilang katotohanan na mahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng anak Niya. Ito ay isang matindi at nakaaantig na ideya na mauunawaan ng mga bata sa pamamagitan ng pagmamahal at sakripisyo ng kanilang mga magulang sa lupa. Pag-ibig ang pinakamakapangyarihang puwersa sa mundo. Dalangin ko na bawat magulang nawa ay naglalaan ng mapagmahal na halimbawa na maghihikayat sa susunod na henerasyon na maunawaan ang pag-ibig ng Diyos sa kanila at ang dakilang hangarin ng ating Ama sa Langit na magawa ng lahat ng anak Niya sa lupa ang kailangan para maging karapat-dapat sa pinakapiling mga pagpapala ng kawalang-hanggan.
Nasa atin ang Kanyang ebanghelyo, at kailangan nating sundin ang mga utos upang matamasa ang Kanyang pinakapiling mga pagpapala. Pinatototohanan ko ito at hinihiling ko ang mga pagpapala ng ating Ama sa Langit sa bawat isa sa inyo.