2012
Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa sa Mundo Ngayon?
Marso 2012


Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa sa Mundo Ngayon?

Mga Karanasan sa Buhay ni Pangulong Thomas S. Monson

Naglilingkod kami ng asawa ko, na noon ay pangulo ng England London South Mission, nang tumunog ang telepono noong Hunyo 18, 2008. Si Pangulong Thomas S. Monson iyon. Nagsalita siya sa karaniwan niyang magiliw na paraan, na isa sa mga katangian ng kanyang paglilingkod: “Kumusta na ang misyon? Kumusta na ang pamilya mo? Kumusta na ang masayang England?” At pagkatapos ay tumigil siya at nagsabing, “Nagkausap na kami ni Frances, ipinagdasal ko na ito, at gusto kong isulat mo ang talambuhay ko.”

Hindi na kailangang sabihin pa na karangalan ko iyon at agad akong nag-alala. Pagkatapos ay iminungkahi niya na kung masimulan ko iyon kinabukasan ng umaga, mangangalahati na ako pag-uwi namin. May isang taon pa kami sa tatlong-taon naming tungkulin.

Itinuro ni Pangulong Monson, “Sinuman ang tawagin ng Panginoon, ginagawa Niyang karapat-dapat.”1 Pinasasalamatan ko ang pangakong iyon.

Paano ninyo isusulat ang buhay ng isang propeta? Magsisimula kayo sa pagluhod at hindi sa keyboard.

Maaga kong nalaman na hindi ito isang karaniwang talambuhay na nagbabalangkas ng mga petsa, oras, lugar, at paglalakbay. Salaysay iyon tungkol sa isang taong inihanda bago pa nilikha ang mundo at tinawag ng Diyos “upang patnubayan tayo sa mga huling araw na ito.”2 Nakapagpapakumbaba ang pinakamagandang paglalarawan dito. Nakakatakot, mahirap, at nakakapagod ang kasunod nito.

Sabi ng Panginoon, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38). Sinimulan ko iyon sa pakikinig sa pagsasalita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta mula nang matawag si Thomas S. Monson sa banal na pagka-apostol noong 1963. Gumugol ako ng ilang buwan sa pagbabasa ng daan-daang mensahe ni Pangulong Monson sa iba’t ibang lugar. Binasa ko ang mga talambuhay ng lahat ng Pangulo ng Simbahan at ng maraming kilalang pinuno ng relihiyon. Pinag-aralan ko ang sinaunang Simbahan sa Scotland, Sweden, at England, kung saan nagmula ang mga ninuno ni Pangulong Monson; ang panahon ng Depression na lubhang nakaimpluwensya sa kanyang kabataan; at ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at mga bunga nito sa nahating Germany. (Gumugol ng 20 taon si Pangulong Monson sa pamamahala sa lugar na ito ng Simbahan.) Binasa ko ang kanyang sariling talambuhay na inihanda noong 1985 para lamang sa kanyang pamilya at kalaunan ay ang pang-araw-araw niyang journal na isinulat sa loob ng 47 taon. Ininterbyu ko ang mga pinuno ng Simbahan na nakatrabaho niya sa maraming bahagi ng mundo at mga miyembrong lubos na naantig ng kanyang paglilingkod. Pinatulong ko ang isang mahal na kaibigan at history scholar na si Tricia H. Stoker sa pagsasaliksik. Nakapaglingkod na siya sa mga komite sa pagsusulat ng ilang manwal na Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan at naunawaan niya kung paano magsaliksik tungkol sa buhay ng isang propeta.

Ininterbyu ko si Pangulong Monson sa buwanang mga video conference mula sa England at nang personal, pag-uwi ko sa Utah, habang nagtatrabaho siya sa kanyang tanggapan sa loob ng 14 na buwan. Sa bawat pagkakataon nadama ko ang kanyang pagmamahal, na para bang nakaupo kami sa mesa sa kusina. Ikinuwento niya ang kanyang kabataan at pamilya, ang pagtawag sa kanya ni Pangulong David O. McKay (1873–1970), at ang impluwensya ng mga tagapagturong gaya nina Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961); Pangulong Harold B. Lee (1899–1973); at Elder Mark E. Petersen (1900–84), na ilan lang sa kanila.

Natuto siyang mamuhay na katulad ni Cristo sa loob ng tahanan, kung saan pag-ibig sa kapwa—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—habag, at hangaring pasiglahin at pagpalain ang buhay ng iba ang pamantayan at kung saan, hindi man siya binasahan ng mga banal na kasulatan ng kanyang mga magulang, ay ipinamuhay naman nila ito.

Ang pagtutuon niya sa paglilingkod sa kapwa ay nagsimula noon pa mang lumalaki siya sa kanlurang panig ng Salt Lake City, “sa tabi ng riles ng tren,” tulad ng gusto niyang sabihin, sa simula ng panahon ng Depression. Kapos ang kanyang mga kapitbahay at kaibigan sa mga materyal na bagay, ngunit magkakasama sila, at sapat na iyon. Maraming malapit sa kanya, pati na ang ilan sa kanyang mga paboritong tiyuhin, na hindi miyembro ng Simbahan. Hindi naging hadlang ang relihiyon; nagawa niyang mahalin ang lahat ng tao. Tinanggap ng kanyang mga magulang ang lahat ng tao. Hindi kailanman kinalimutan ni Pangulong Monson ang pundasyong iyon.

Isa siyang pambihirang taong may pagpipitagan sa lahat ng nakikilala niya at interesado siya sa kanilang buhay, problema, at mga pagsubok. Pinakikitunguhan niya ang isang bumibisitang opisyal mula sa ibang bansa na tulad ng pakikitungo niya sa taong naglilinis ng kanyang mesa sa gabi. Malinaw na ang isa sa mga panukat ng kanyang kadakilaan ay na kaya niyang makitungo kaninuman at alam niya na may matututuhan siya sa bawat taong nakikilala niya.

Kung ang isang organisasyon, sabi nga ni Pangulong Monson, ay nagpapakita ng layon ng pinuno nito,3 sa gayon ang naising isa-isang pasiglahin, hikayatin, ibilang, isali, at sagipin ang iba ang utos sa atin. Mababanaag sa paraang ito ng pamumuhay ang halimbawa ng Tagapagligtas, na “naglilibot na gumagawa ng mabuti, … sapagka’t sumasa kaniya ang Dios” (Mga Gawa 10:38).

Noon pa man ay nananawagan na sa atin si Pangulong Monson na maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Nang interbyuhin ko si Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, pinagtibay niya ang naunawaan ko. Si Pangulong Monson, wika niya, “ay higit na katulad ni Cristo kaysa ating lahat.”4

Sa loob ng mahigit kalahating siglo, nakapagbigay si Pangulong Monson ng kanyang mga damit sa mga dukha. Nakaupo na siya sa tabi ng kama ng may karamdaman at matanda. Nakapagbigay na siya ng napakaraming pagpapala sa mga tao sa mga ospital at sa kanilang mga tahanan. Nakapagbago na siya ng plano para lang mabisita ang isang kaibigan at nakapagmadali nang umalis ng mga pulong para magsalita sa burol ng ibang kaibigan. (Kung tatanungin ninyo siya kung ilan ang kaibigan niya, sasabihin niyang, “Hindi kukulangin sa 14 na milyon.”) Pupuntahan niya ang isang taong naka-wheelchair na nahihirapang lumapit sa kanya, magha-“high-five” sa isang grupo ng mga tinedyer, at pagagalawin ang kanyang mga tainga sa mga deacon na nakaupo sa harapan. Nagpapakita siya ng malaking pagpipitagan sa buhay ng mga yaong inilalarawan niya na “hindi napapansin at kinikilala,” na iilan ang nakakakilala maliban sa kanilang Ama sa Langit.

Sa madaling salita, ginagawa ni Pangulong Monson ang iniisip lamang gawin ng karamihan.

Ang kanyang mga mensahe ay puno ng mga tunay na salaysay (kailanman ay hindi niya ito tinatawag na “mga kuwento”) na nagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ipinaliwanag Niya: “Ang mga kilos na nagpapakita na mahal talaga natin ang Diyos at ang ating kapwa tulad ng ating sarili ay bihirang pagtuunan ng pansin at hangaan ng mundo. Kadalasan ay makikita ang ating pagmamahal sa araw-araw nating pakikihalubilo sa isa’t isa.”5

Sa buong paglilingkod niya sa iba’t ibang panig ng mundo, marahil ang ilan sa pinaka-nakaaantig na mga karanasan ay ang mga taon na pinamahalaan niya ang Simbahan sa mga bansang komunista. Nang matapos naming mag-asawa ang aming misyon noong 2009, nagtungo kami sa Germany upang tahakin ang landas na tinahak ni Pangulong Monson, kausapin ang mga miyembrong lubos niyang minahal, at damhin ang impluwensya ng mga taon ng kanyang paglilingkod. Ang natagpuan namin ay matatapat na maytaglay ng priesthood na naiyak nang banggitin nila ang kanyang palagiang pagbisita, pagmamahal kay Jesucristo, at paghihikayat at malasakit. Tumayo kami sa abandonado at sira-sira nang pabrika sa Görlitz kung saan tumayo sa pulpito si Pangulong Monson noong 1968 at ipinangako sa pagod nang mga Banal sa mga Huling Araw sa East Germany ang lahat ng pagpapalang laan ng Panginoon sa Kanyang mga anak—kung sila ay tapat. Sa araw na iyon masigla silang umawit: “Kung maraming pagsubok, Huwag mapagod! … Hindi tayo pababayaan ni Jesus, Huwag mapagod.”6 Dumating siya sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan upang sagipin ang mga Banal. Pagkaraan ng dalawang dekada, habang nakatayo pa rin ang pader ng Berlin, ang mga Banal sa mga Huling Araw ng East Germany ay nagkaroon ng mga stake, meetinghouse, patriarch, misyonero, at isang templo. At pagkatapos ay bumagsak ang pader, at muling nakasama ng mga Banal ang kanilang mga pamilya at naging isang bansa.

Madalas sabihin ni Pangulong Monson, “Walang nagkataon lamang” kapag binibigyang-diin niya na ang mga karanasan niya sa buhay ay nakapagturo sa kanya na laging hangarin ang tulong ng Panginoon.7

Isa sa mga dakilang pinuno ng East Germany si Henry Burkhardt, na nakatulong at nakasama ni Pangulong Monson nang dalawang dekada sa pinangyarihan ng lahat ng mahalagang pangyayari sa bansang iyon. Si Brother Burkhardt ay isang lalaking naglingkod nang napakatapat at sa gitna ng napakalaking panganib sa lahat ng taon na iyon sa bansang komunista bilang kinatawan ng Simbahan sa pamahalaan. Naglingkod siya, bukod sa iba pang mga katungkulan, bilang isang pinuno ng Simbahan at bilang pangulo ng Freiberg Temple.

Tinanong ko siya kung ano ang bukod-tanging sandali sa kanyang isipan tungkol sa paglilingkod ni Pangulong Monson. Inasahan ko na babanggitin niya ang pulong sa Görlitz, ang paglalaan ng bansa noong 1975, ang organisasyon ng unang stake, ang paglalaan ng Freiberg Temple, o ang pakikipagpulong kay Herr Honecker, ang pinakamataas na Komunistang opisyal sa East Germany, nang humingi ng pahintulot si Pangulong Monson na makapasok ang mga misyonero sa bansa at makaalis ng bansa ang iba pang mga misyonero para maglingkod sa ibang lupain. Sa mga death squad na nakabantay sa pader, parang katawa-tawa ang tanong, ngunit sumagot si Herr Honecker, “Matagal na namin kayong pinagmamasdan, at may tiwala kami sa inyo. Pinahihintulutan namin kayo.” Alin sa mga pangyayaring ito ang pipiliin ni Brother Burkhardt?

Nagsimulang dumaloy ang mga luha sa kanyang pisngi nang tumugon siya: “Disyembre 2, 1979, iyon.” Wala akong matandaang mahalagang kaganapan sa petsang iyon. “Ikuwento mo nga sa akin,” sabi ko.

“Sa araw na iyon dumating si Pangulong Monson sa East Germany para basbasan ang asawa kong si Inge.” Katapusan ng linggo iyon na walang gagawin si Pangulong Monson, at lumipad siya patungong Germany mula sa Estados Unidos para doon lang. Siyam na linggo nang nasa ospital si Sister Burkhardt na may mga kumplikasyon mula sa operasyon, at lumalala pa ang kanyang kalagayan. Itinala ni Pangulong Monson sa kanyang journal, “Nagsama-sama kami sa pananampalataya at mga panalangin sa pagbibigay sa kanya ng basbas.”8 Libu-libong milya ang nilakbay niya sa tanging libreng oras niya sa loob ng ilang buwan—para sumagip.

“Itanong natin sa ating sarili,” sabi niya, “‘May nagawa ba akong mabuti sa mundo ngayon? Nakatulong ba ako sa iba?’ Napakagandang pormula para lumigaya! Napakagandang [payo] para mapanatag, mapayapa ang kalooban. … May mga pusong pasasayahin. May mabubuting salitang sasambitin. May mga regalong ibibigay. May mga gawaing isasakatuparan. May mga kaluluwang ililigtas.”9

Ganyang maglingkod si Pangulong Monson. Lagi siyang tumutulong sa napapagod, nalulungkot, pinanghihinaan ng loob. Sabi nga ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kinailangang palakihin ng Panginoon si Thomas Monson dahil sa laki ng puso niya.”10

Nang ilaan ng propeta ang Curitiba Brazil Temple noong Hunyo 1, 2008, pinaakyat niya ang isang batang lalaki para tulungan siya sa seremonya ng paglalagak ng batong-panulok. Iminungkahi ng photographer sa isang tao na alisin ang sumbrero ng bata para makunan ng retrato. Walang buhok ang bata at halatang ginagamot sa sakit na kanser. Mapagmahal itong inakbayan ni Pangulong Monson at tinulungan itong maglapat ng semento sa pader. Binanggit ng isa sa mga kasama ng Pangulo na oras na upang bumalik sa loob ng templo para matapos ang paglalaan sa takdang oras. Umiling si Pangulong Monson. “Hindi,” wika niya, “gusto kong magpaakyat ng isa pa.” Nang tingnan niya ang mga tao, napako ang tingin niya sa isang babae sa likuran, at nang magtagpo ang kanilang mga mata, pinalapit niya ito. Inakbayan niya ito at magiliw na sinamahan sa pader upang tapusin ang pagtatakip sa batong-panulok.

Kinabukasan pagkatapos ng paglalaan, itinanong ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, na dumalo rin sa paglalaan, si Pangulong Monson kung paano niya nalaman na ang babae ang ina ng bata.

“Hindi ko alam,” sagot niya, “ngunit alam ng Panginoon.”

Ilang buwan lang ang lumipas at pumanaw na ang bata. Sabi ni Elder Nelson: “Mawawari ba ninyo ang kahalagahan [ng karanasan sa paglalaan] sa ina ng pamilyang iyon. Iyon ang paraan ng pagsasabi ng Panginoon na, ‘Kilala kita, nag-aalala ako sa iyo, at nais kitang tulungan.’ Iyan ang klase ng lalaki na nakikita natin sa propetang ito ng Diyos.”11

Nang mapalitan ng pagte-text at pag-e-mail ang harapang pag-uusap, lagi tayong pinaaalalahanan ni Pangulong Monson na tulungan ang isa’t isa. Ibinahagi niya ang mensaheng ito sa pamamagitan ng mga salita ng isang miyembrong lumiham sa kanya: “Ang mga dalangin ng mga tao ay halos laging sinasagot sa pamamagitan ng pagkilos ng iba.”12 Madalas niyang ituro ang payo ng Panginoon: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88). Nagpapasalamat si Pangulong Monson na madalas ay tayo ang mga anghel na iyon para sa isa’t isa. Pinagawa ni Alma ng tipan ang mga Banal sa mga Tubig ng Mormon na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan” (Mosias 18:8); nananawagan sa atin si Pangulong Monson na ipamuhay ang tipang iyon.

Naranasan ko ang pagtulong niya. May pagkakataong nakikita niya na nabibigatan ako sa responsibilidad na isulat ang kanyang talambuhay. Inimbitahan niya ako sa kanyang tanggapan at sa napakagiliw at napakabait na tinig ay sinabing, “Paano ako makakatulong?”

Hindi ko matanggihan ang kanyang alok, at ibinuhos ko ang nadarama kong kakulangan, ang nakakatakot na gawain, at ang dami ng materyal na kakalapin, bubuuin, at pagsasama-samahin. Desperado akong magawa iyon nang tama—para sa kanya. Ang pag-uusap namin ang isa sa pinakamahahalaga kong karanasan sa buhay. Para akong nasa Tangke ng Betesda at iniangat ng Tagapagligtas ang takip at inabot ako para iahon. Nauunawaan ni Pangulong Monson ang nakapagliligtas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at itinuturing na pribilehiyo ang maisugo ng Panginoon para sagipin ang iba.

“Tumulong na sagipin ang matanda, ang balo, ang may sakit, ang may kapansanan, ang di-gaanong aktibo,” sabi niya, at nanguna siya sa paggawa nito. “Iabot sa kanila ang kamay na tumutulong at ang pusong may habag.”13

Ang paggalang at interes niya sa iba ay nagpapakita ng kanyang patotoo sa Tagapagligtas na si Jesucristo: “Sa pag-aaral sa Kanya, sa paniniwala sa Kanya, sa pagsunod sa Kanya, maaari tayong maging katulad Niya. Maaaring [magbago ang ekspresyon ng mukha]; lumambot ang puso; [bumilis] ang mga hakbang; [gumanda] ang pananaw. Ang buhay ay magiging gaya ng dapat mangyari.”14

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Duty Calls,” Ensign, Mayo 1996, 44.

  2. “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,” Mga Himno, blg. 15.

  3. Tingnan sa Kellene Ricks, “BYU Leader Begins ‘Lord’s Errand,’” Church News, Nob. 4, 1989, 3.

  4. Boyd K. Packer, sa Heidi S. Swinton, To the Rescue (2010), 1.

  5. Thomas S. Monson, “To Love as Jesus Loves,” Instructor, Set. 1965, 349.

  6. “If the Way Be Full of Trial, Weary Not,” Deseret Sunday School Songs (1909), blg. 158; tingnan din sa Thomas S. Monson, “Pagtitiis—Isang Banal na Katangian,” Liahona, Set. 2002, 7; Ensign, Nob. 1995, 61.

  7. Thomas S. Monson, sa To the Rescue, 60.

  8. Thomas S. Monson, sa To the Rescue, 1.

  9. Thomas S. Monson, “Panahon Na,” Liahona, Ene. 2002, 69; Ensign, Nob. 2001, 60.

  10. Richard G. Scott, sa To the Rescue, 162.

  11. Tingnan sa To the Rescue, 521.

  12. Sa Thomas S. Monson, “Be Thou an Example,” Ensign, Nob. 1996, 45.

  13. Thomas S. Monson, Salt Lake City South Stake Conference Broadcast, Okt. 18, 2009, hindi nakalathala.

  14. Thomas S. Monson, “Ang Paraan ng Guro,” Liahona, Ene. 2003, 4.

Kaliwa: Si Pangulong Monson—na noon ay Elder Monson—sa hagdan ng Church Administration Building noong 1967. Ibabaw, mula itaas: Sa kanyang tanggapan noong 2011; kasama si Elder M. Russell Ballard sa groundbreaking ng Joseph F. Smith Building sa Brigham Young University noong 2002; sa muling paglalaan ng Laie Hawaii Temple noong 2010; kasama ang asawa niyang si Frances, pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Abril 2008.

Itaas: Isang larawan ni Pangulong Monson noong 1960s. Ibabaw: Kasama ang mga miyembro at misyonero sa Germany. Ibaba, mula kaliwa: Bilang bishop ng Sixth–Seventh Ward kasama ang kanyang mga tagapayo; kausap ang Boy Scouts; bumibisita sa Tongan Mission noong 1965.

Kanan: Sina Pangulo at Sister Monson sa paglalaan ng Nauvoo Illinois Temple noong 2002; nagsasalita si Pangulong Monson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2008, nang sang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan; sa seremonya ng paglalagak ng batong-panulok para sa Oquirrh Mountain Utah Temple noong 2009; kasama ang isang matagal nang kaibigan sa Ontario, Canada, noong Hunyo 2011.

Kaliwa: larawan sa kagandahang-loob ng LDS Church Archives; kanan: mga larawang kuha nina Tom Smart, Stuart Johnson, at Gerry Avant, sa kagandahang-loob ng Deseret News; larawan sa pangkalahatang kumperensya na kuha ni Craig Dimond

Mga larawan sa kagandahang-loob ni Pangulong Monson

Mula kaliwa: mga larawang kuha nina Craig Dimond, Leslie Nilsson, Matthew Reier, at Gerry Avant