Mensahe sa Visiting Teaching
Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian
Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang kababaihan sa inyong lugar at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Tayo ay mga anak na babae ng ating Ama sa Langit. Kilala Niya tayo, mahal Niya tayo, at may plano Siya para sa atin. Bahagi ng planong iyan ang pagparito sa lupa para matutong pumili ng mabuti sa masama. Kapag pinili nating sundin ang mga utos ng Diyos, iginagalang natin Siya at kinikilala natin ang ating pagkatao bilang mga anak ng Diyos. Tinutulutan tayo ng Relief Society na maalala ang banal na pamanang ito.
Ang Relief Society at ang kasaysayan nito ay nagpapalakas at sumusuporta sa atin. Sabi ni Julie B. Beck, Relief Society general president: “Bilang mga anak ng Diyos, kayo ay naghahanda para sa mga walang hanggang paghirang, at bawat isa sa inyo ay may pagkakakilanlan, likas na katangian, at responsibilidad. Ang tagumpay ng mga pamilya, ng komunidad, ng Simbahang ito, at ng mahalagang plano ng kaligtasan ay nakasalalay sa inyong katapatan. … Nilayon [ng ating Ama sa Langit na] tumulong ang Relief Society na mapatatag ang Kanyang mga tao at ihanda sila para sa mga pagpapala ng templo. Itinatag Niya ang [Relief Society] upang iayon ang Kanyang mga anak na babae sa Kanyang gawain at hingin ang kanilang tulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian at pagpapatatag ng mga tahanan sa Sion.”1
Binigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng partikular na gawaing tumulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Pinagkalooban din Niya tayo ng mga espirituwal na kaloob na kailangan natin upang maisakatuparan ang partikular na gawaing ito. Sa pamamagitan ng Relief Society, may mga pagkakataon tayong gamitin ang ating mga kaloob upang patatagin ang mga pamilya, tulungan ang mga nangangailangan, at matuto kung paano mamuhay bilang mga disipulo ni Jesucristo.
Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa pagkadisipulo: “Sa matiyagang pagtahak sa landas ng pagkadisipulo, ipinapakita natin sa ating sarili ang lakas ng ating pananampalataya at ang ating kahandaang tanggapin ang kalooban ng Diyos sa halip na ang sa atin.”2
Alalahanin natin na tayo ay mga anak ng Diyos at sikapin nating mamuhay bilang Kanyang mga disipulo. Kapag ginawa natin ito, makakatulong tayong maitayo ang kaharian ng Diyos dito sa lupa at magiging karapat-dapat tayong bumalik sa Kanyang kinaroroonan.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Zacarias 2:10; Doktrina at mga Tipan 25:1, 10, 16; 138:38–39, 56; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (Liahona, Nob. 2010, 129)
Mula sa Ating Kasaysayan
Noong Abril 28, 1842, sinabi ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society: “Nasa sitwasyon kayo ngayon na makakakilos kayo ayon sa pagdamay na iyon sa kapwa na itinanim ng Diyos sa [inyo]. … Kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo.”3
Sa pagkilala sa bisa ng Relief Society sa paglilingkod sa iba at pagtulong sa mga tao na mag-ibayo ang pananampalataya, ipinangako ni Zina D. H. Young, ikatlong Relief Society general president, sa kababaihan noong 1893, “Kung susuriin ninyo ang kaibuturan ng inyong puso matatagpuan ninyo, sa tulong ng Espiritu ng Panginoon, ang mahalagang perlas, ang patotoo sa gawaing ito.”4