2012
Ayaw Kong Maglingkod
Marso 2012


Ayaw Kong Maglingkod

Neville Smeda, California, USA

Noong 11 taong gulang ako, sa isang regional conference sa Johannesburg, South Africa, kinamayan ako ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) at sinabing, “Magmimisyon ka at magiging mahusay na misyonero balang araw.”

Itatangi ng halos lahat ng binata ang mga salitang iyon magpakailanman. Hindi ako. Sa sumunod na 10 taon wala akong hangaring magmisyon. Mas ginusto kong magtagumpay sa isports at sa buhay. Inisip ko na masasayang ang lahat ng iyon sa dalawang taong pagmimisyon. Sa mga interbyu sa akin ng branch at stake president, nagdadahilan ako kung bakit ayaw kong maglingkod.

Sa edad na 21, na wala pa ring hangaring magmisyon, binisita ko ang pamilya ko sa Estados Unidos, sa Iowa. Isang taon na silang nakalipat doon. Habang nasa Iowa nagkaroon ako ng pagkakataong magpunta sa Winter Quarters Nebraska Temple kasama ang singles branch sa lugar na iyon. Hindi pa ako na-endow, kaya naisip ko na magpapabinyag ako para sa mga patay.

Pagdating sa templo, natuklasan ko na walang nakaiskedyul na sesyon sa binyag sa hapon. Naisip ko, “Wow, ano ang gagawin ko sa susunod na dalawa’t kalahating oras?”

Ipinasiya kong magpunta sa Mormon Trail visitors’ center sa tapat. Matapos manood ng isang 15-minutong video tungkol sa mga pioneer, binati ako ng dalawang misyonerang maglilibot sa akin. Matapos malaman ang ilang bagay tungkol sa akin, itinanong ni Sister Cusick kung bakit hindi pa ako nakapagmisyon. Naglabasan ang mga karaniwang dahilan ko. Pagkatapos ay nagpatotoo sa akin si Sister Cusick hindi lamang tungkol sa mga pioneer kundi pati na sa gawaing misyonero.

Pagkatapos ng paglilibot umupo ako sa silid-hintayan ng templo, na nag-iisip. Bigla, ang mga katwiran ko sa hindi pagmimisyon ay naging pagkatuliro ng isipan. Malakas na pinatotohanan ng Espiritu na dapat akong magmisyon. Mula nang kausapin ko ang mga misyonera, nagbago ang lahat sa aking kalooban. Pinatotohanan ng Espiritu sa puso ko ang kailangan kong gawin.

Makalipas ang ilang buwan, nalaman ko na sinabi ng marahan at banayad na tinig kay Sister Cusick na kinakailangan kong maglakbay. Hindi niya alam kung bakit, ngunit may mga plano ang Panginoon para sa akin.

Naglingkod ako sa California Ventura Mission—ang pinakamagandang misyon sa mundo—at nagkaroon ako ng ilang mababait na kaibigan na sana’y magtagal hanggang sa mga kawalang-hanggan. Hindi ako naniwala kay Pangulong Hunter sa loob ng 10 taon, ngunit alam niya talaga ang sinasabi niya.

Lubusang nagbago ang buhay ko, lahat ng ito ay dahil sa isang misyonerang kumilos ayon sa mga paramdam ng Espiritu Santo.