Visiting Teaching
Pag-unawa sa Kapangyarihan ng Paglilingkod
Nais ng ating Ama sa Langit na sundin natin ang mas mataas na landas at ipakita ang ating pagkadisipulo sa pamamagitan ng taos-pusong pangangalaga sa Kanyang mga anak.
Noong nabubuhay si Cristo sa lupa, naglingkod Siya sa Kanyang kapwa. Kapag hangad nating maging mga disipulo Niya, dapat natin Siyang gawing halimbawa. Itinuro Niya, “Yaong nakita ninyong ginawa ko ay gayon din ang nararapat ninyong gawin” (3 Nephi 27:21). Ang Bagong Tipan ay puno ng mga halimbawa ng paglilingkod ni Cristo. Inihayag Niya sa babae sa Samaria na Siya ang Mesiyas. Pinagaling Niya ang biyenang babae ni Pedro. Binuhay Niya ang dalagitang anak ni Jairo para sa mga magulang nito at si Lazaro para sa mga kapatid na babae nitong nagdadalamhati. Kahit sa napakatinding paghihirap sa krus, “nagpakita ang Tagapagligtas ng malasakit sa Kanyang ina, na noon ay malamang na balo na at kailangang pangalagaan.”1 Sa krus, ipinagbilin Niya kay Juan na pangalagaan ang Kanyang ina.
Sabi ni Julie B. Beck, Relief Society general president: “Sa pamamagitan ng Relief Society [at visiting teaching] natututo tayong maging mga disipulo ni Cristo. Pinag-aaralan natin ang gusto Niyang matutuhan natin, ginagawa ang gusto Niyang gawin natin, at nagiging kung ano ang gusto Niyang marating natin.”2
Pag-unawa sa Kapangyarihan ng Paglilingkod
Ang paglilingkod at pagpapaginhawa sa kapwa ay lagi nang nasa puso ng Relief Society. “Sa paglipas ng mga taon, ang kababaihan at mga pinuno ng Relief Society ay unti-unting natuto at napagbuti ang kanilang kakayahang pangalagaan ang iba,” sabi ni Sister Beck. “May mga pagkakataon na mas nagtuon ang kababaihan sa pagbisita, pagtuturo ng mga aralin, at pag-iiwan ng maiikling sulat sa pintuan ng mga miyembro. Ang mga gawing ito ay nakatulong sa kababaihan na matuto ng mga huwaran sa pangangalaga. Tulad ng mga tao noong panahon ni Moises na nakatuon sa pagsunod sa mahahabang listahan ng mga patakaran, ang kababaihan ng Relief Society kung minsan ay sapilitan ding sumusunod sa maraming nakasulat at di-nakasulat na mga patakaran sa hangarin nilang maunawaan kung paano palakasin ang isa’t isa.
“Sa dami ng kailangang tulong at pagsagip sa buhay ng kababaihan at ng kanilang mga pamilya ngayon, nais ng ating Ama sa Langit na sundin natin ang mas mataas na landas at ipakita ang ating pagkadisipulo sa pamamagitan ng taos-pusong pangangalaga sa Kanyang mga anak. Taglay ang mahalagang layuning ito sa isipan, ang mga pinuno ay tinuturuan ngayong humingi ng mga ulat tungkol sa espirituwal at temporal na kalagayan ng kababaihan at ng kanilang mga pamilya at tungkol sa nagawang paglilingkod. Ngayon ang mga visiting teacher ay may responsibilidad na ‘taos-pusong kilalanin at mahalin ang bawat babae, tulungan siyang palakasin ang kanyang pananampalataya, at maglingkod.’”3
Itinuturo sa atin ng kasaysayan ng ating Relief Society, Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, at ng Handbook 2: Administering the Church kung paano natin masusunod ang mas mataas na landas at maipapakita ang ating pagkadisipulo:
-
Magdasal araw-araw para sa mga binibisita ninyo at sa kanilang pamilya.
-
Humingi ng inspirasyon na malaman ang mga pangangailangan ng mga miyembrong babae.
-
Palaging bisitahin ang kababaihan para aliwin at palakasin sila.
-
Palaging makipag-ugnayan sa mga miyembrong babae sa pamamagitan ng pagbisita, pagtawag sa telepono, pagsulat ng liham, pagpapadala ng e-mail, mga text message, at mumunting pagpapakita ng kabaitan.
-
Batiin ang kababaihan sa simbahan.
-
Tulungan ang mga miyembrong babae kapag sila ay may karamdaman o iba pang biglaang pangangailangan.
-
Ituro ang ebanghelyo sa kababaihan mula sa mga banal na kasulatan at sa Mensahe sa Visiting Teaching.
-
Himukin ang kababaihan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa.
-
Iulat sa isang pinuno ng Relief Society ang espirituwal at temporal na kapakanan ng mga miyembrong babae.4
Pagtutuon sa Paglilingkod
Tayo ang mga kamay ng Panginoon. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin. Kapag higit nating itinuring na isa sa pinakamahahalagang responsibilidad natin ang ating tungkulin sa visiting teaching, higit tayong maglilingkod sa ating mga binibisita.
-
Maglalaan tayo ng mga karanasang nag-aanyaya sa Espiritu at tutulungan natin ang mga miyembrong babae na mag-ibayo ang pananampalataya at personal na kabutihan.
-
Lubos nating pangangalagaan ang ating mga binibisita at tutulungan natin silang patatagin ang kanilang tahanan at pamilya.
-
Kikilos tayo kapag nangailangan ang mga miyembrong babae.
Ang kasunod ay halimbawa nina Maria at Gretchen—mga visiting teacher na nauunawaan ang kapangyarihan ng paglilingkod. Dito ay makikita natin na may pagkakataon na ngayon ang mga visiting teacher na bumisita nang magkahiwalay o magkasama. Mabibilang nila ang kanilang “pangangalaga” bumisita man sila at magbigay ng mensahe nang magkasama o hindi. Makakakilos sila nang angkop nang hindi na sinasabihan. Maaari silang maghangad, tumanggap, at kumilos ayon sa personal na paghahayag upang malaman kung paano tutugunan ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan ng bawat babaeng binibisita nila.
Ipinagbubuntis ni Rachel ang kanyang unang anak at halos kinailangan na manatili siyang nakahiga sa buong panahong ito. Humiling ng inspirasyon ang kanyang mga visiting teacher sa panalangin na malaman kung paano siya pinakamainam na matutulungan. Si Maria, na nakatira sa malapit, ay natutulungan si Rachel sa gawaing bahay bago pumasok sa trabaho. Isang araw nilinis niya ang bahagi ng banyo; kinabukasan nilinis naman niya ang natirang bahagi nito. Noong isa namang araw nag-vacuum siya sa sala, at kinabukasan ay ipinagluto naman niya ng tanghalian si Rachel. Kaya patuloy siyang naglingkod gaya ng paglalaba, pagpupunas ng alikabok, o anumang kailangan ni Rachel.
Madalas tawagan ni Gretchen si Rachel sa telepono para pasayahin ito. Kung minsan ay nag-uusap sila at nagtatawanan. Sa ibang pagkakataon naman ay kinakausap nina Gretchen at Maria si Rachel sa kanyang kuwarto at nagpapatotoo, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, o nagbabahagi ng Mensahe sa Visiting Teaching. At nang makapanganak si Rachel, patuloy nila siyang tinulungan.
Sa buong panahong ito, nakipagtulungan din sina Maria at Gretchen sa Relief Society presidency para maiparating ang iba pang pangangailangan ni Rachel at ng kanyang pamilya. Kinakausap ng Relief Society presidency ang bishop at ward council para makatulong din ang mga home teacher at iba pa.
Naging mas masaya ang paglilingkod nang magkaroon ng pagmamahal ang kababaihang ito sa isa’t isa at nang magbahagi sila ng mga espirituwal na karanasan. Bilang mga visiting teacher masusunod natin ang mga huwaran at alituntuning ito ng paglilingkod at matatanggap natin ang gayon ding mga pagpapala.
Paglilingkod na Tulad ni Cristo
“Bilang matatapat na disipulo ng Tagapagligtas, pinahuhusay pa natin ang ating kakayahang gawin ang mga bagay na gagawin Niya kung Siya ay narito,” sabi ni Sister Beck. “Alam natin na para sa Kanya ang ating pangangalaga ang mahalaga, kaya nga natin sinisikap na magtuon sa pangangalaga sa ating mga kapatid na babae sa halip na kumpletuhin ang listahan ng mga bagay na gagawin. Ang tunay na ministeryo ay mas nasusukat sa tindi ng ating pag-ibig sa kapwa kaysa sa paggawa ng perpektong estadistika.”5
Bilang mga visiting teacher malalaman natin na tayo ay tagumpay sa ating paglilingkod kapag masasabi ng kababaihan: “Pinalalakas ng mga visiting teacher ko ang aking espirituwalidad. Alam kong malaki ang pagmamalasakit ng mga visiting teacher ko sa akin at sa aking pamilya, at kung may mga problema ako, alam kong tutulungan nila ako.” Sa pagsunod sa mas mataas na landas bilang mga visiting teacher, nakikibahagi tayo sa mahimalang gawain ng Panginoon at isinasakatuparan natin ang mga layunin ng Relief Society na pag-ibayuhin ang pananampalataya at personal na kabutihan, patatagin ang mga pamilya at tahanan, at tulungan ang mga nangangailangan.