2012
Magpasiya Ngayon Mismo
Marso 2012


Magpasiya Ngayon Mismo

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2010.

Pangulong Thomas S. Monson

Labis akong nagpapasalamat sa mapagmahal na Ama sa Langit sa Kanyang kaloob na kalayaan, o ang karapatang pumili. Bawat isa sa atin ay naparito sa mundo na taglay ang lahat ng kasangkapang kailangan upang makagawa ng mga tamang pagpili. Sinabi sa atin ng propetang si Mormon, “Ang espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama” (Moroni 7:16).

Tayo ay naliligiran ng mga mensahe ng kalaban: “Wala namang masama kung ngayon lang.” “Huwag kang mag-alala; walang makakaalam.” Lagi tayong nahaharap sa mga desisyon. Para magawa ito nang buong talino, lakas ng loob ang kailangan—lakas ng loob na magsabi ng hindi, lakas ng loob na magsabi ng oo. Mga desisyon talaga ang nagpapasiya ng tadhana.

Ibabahagi ko sa inyo ang isang halimbawa ni Brother Clayton M. Christensen, miyembro ng Simbahan na propesor sa Harvard University.

Noong siya ay 16 na taong gulang, ipinasiya ni Brother Christensen na hindi siya lalahok sa isports tuwing Linggo. Ilang taon pagkaraan, nang mag-aral siya sa Oxford University sa England, siya ang center sa basketball team. Sa taong iyon wala silang talo at nakasama silang maglaro sa kampeonato.

Madali silang nagwagi sa mga laro, kaya’t nakasali sila sa finals. Tiningnan ni Brother Christensen ang iskedyul at nakita niyang nakaiskedyul ang huling laro sa araw ng Linggo. Inilapit niya sa kanyang coach ang kanyang sitwasyon. Sinabi ng coach ni Brother Christensen na inaasahan niya itong maglaro sa araw na iyon.

Pumasok si Brother Christensen sa kanyang silid sa hotel. Lumuhod siya. Itinanong niya sa kanyang Ama sa Langit kung maaari siyang maglaro, kahit ngayon lang, sa araw ng Linggo. Sinabi niya na bago siya natapos magdasal, tumanggap siya ng sagot: “Clayton, ano ba iyang itinatanong mo? Alam mo na ang sagot.”

Pumunta siya sa coach niya para humingi ng paumanhin na hindi siya makakalaro sa huling laro nila. Pagkatapos ay dumalo siya sa mga pulong sa araw ng Linggo.

Natutuhan ni Brother Christensen na mas madaling sundin ang mga utos nang 100 porsiyento kaysa 98 porsyento lang ng pagkakataon.

Nakikiusap ako na magpasiya na kayo ngayon mismo na huwag lumihis sa landas na hahantong sa ating mithiin: ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.