Mga Kuwento mula sa Kumperensya
Ang Ginintuang Tiket
“May isang babaeng walang ibang ninais kundi ang makasal sa templo sa isang mabuting maytaglay ng priesthood at maging isang ina at kabiyak. Pinangarap niya ito sa buong buhay niya, at ah, siya ay magiging mabuting ina at mapagmahal na asawa. Ang kanyang tahanan ay mapupuno ng pag-ibig at kabutihan. Walang masamang salita ang masasambit dito. Walang pagkaing masusunog. At ang kanyang mga anak, sa halip na makibarkada sa kanilang mga kaibigan, ay mas gugustuhing makasama ang kanilang Inay at Itay tuwing gabi at katapusan ng linggo.
“Ito ang kanyang ginintuang tiket. Ito ang isang bagay kung saan sa pakiramdam niya ay nakasalalay ang kanyang buong buhay. Ito ang isang bagay sa buong mundo na pinanabikan niyang dumating.
“Ngunit hindi ito nangyari kailanman. At, sa paglipas ng mga taon, lalo pa siyang lumayo sa karamihan, sumama ang loob, at nagalit pa. Hindi niya maunawaan kung bakit ayaw ipagkaloob sa kanya ng Diyos ang kanyang mabuting naisin.
“Naging guro siya sa elementarya, at ang makasama ang mga bata sa buong maghapon ay nagpaalala lang sa kanya na hindi lumitaw kailanman ang kanyang ginintuang tiket. Sa pagdaan ng mga taon lalong sumama ang kanyang loob at lumayo siya sa karamihan. Ayaw siyang makasama ng mga tao at iniwasan siya hangga’t maaari. Pinagbuntunan pa niya ng galit ang mga bata sa paaralan. …
“Ang malungkot sa kuwentong ito ay na ang babaeng ito, sa kabiguang makamtan ang kanyang ginintuang tiket, ay hindi napansin ang mga pagpapalang mayroon siya. Wala nga siyang anak sa kanyang tahanan, ngunit nakapaligid ang mga ito sa kanya sa klase. Hindi siya pinagpalang magkapamilya, ngunit binigyan siya ng isang pagkakataon ng Panginoon na iilang tao lang ang mayroon—pagkakataong impluwensyahan sa kabutihan ang buhay ng daan-daang bata at pamilya bilang guro.
“Ang aral dito ay kung gugugulin natin ang ating panahon sa paghihintay sa magagandang rosas, lalagpasan tayo ng kagandahan ng maliliit na forget-me-not na nasa ating paligid.”
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Huwag Mo Akong Kalimutan,” Liahona, Nob. 2011, 121–22.
Mga tanong na pag-iisipan:
-
Ano ang maaaring maging inyong “ginintuang tiket,” at paano ito hinahadlangan ang inyong kakayahang makita ang mga pagpapalang mayroon na kayo?
-
Anong “maliliit na forget-me-not” ang maaaring hindi ninyo napapansin sa inyong buhay?
Isiping isulat ang inyong mga ideya sa isang journal o talakayin ang mga ito sa iba.