Piliin angLiwanag
“Kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo” (D at T 88:67).
Noong bata pa ako, kung minsan ay takot ako sa dilim. Madalas akong makarinig ng kakaibang mga tunog sa gabi. Bago ako mahiga, ikinakandado ko ang lahat ng pinto at sinisilip ang ilalim ng aking kama. Tinitingnan ko rin ang kabinet ko. Hindi ko tiyak kung ano ang kinatatakutan ko, pero kung minsan ay natatakot pa rin ako.
Nang matuto akong magdasal, nakadama ako ng malaking kapanatagan at kapayapaan. Napansin ko na nakadama ako ng liwanag, at alam kong magiging ligtas ako at maaayos ang lahat.
Isa sa mga alaala ko noong bata pa ako ang may kinalaman din sa liwanag. Noong bata pa ako, ibinuklod kami ng kapatid kong lalaki sa aming ina at ama sa Salt Lake Temple. Naaalala ko ang aking pamilya at iba pa na nakadamit ng puti, ang malaking liwanag sa templo, at ang kapayapaang nadama ko sa araw na iyon.
Kahit alaala na lamang ng nakaraan ang mga ito, naaalala ko kung ano ang pakiramdam ng matakot sa dilim at ang kagalakang nadama ko sa liwanag ng templo. Kapag hinangad nating ipamuhay ang ebanghelyo, napupuspos tayo ng liwanag, at walang kadiliman sa atin. Ang liwanag at pananampalataya ay hindi maaaring magsabay sa kadiliman at takot. Kapag napuspos tayo ng liwanag, maligaya tayo at payapa at ligtas. Sana ay lagi nating piliin ang liwanag.