Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya
Nalaman ng aming pamilya na ang pag-aaral ng pangkalahatang kumperensya ay makapag-aanyaya sa Espiritu sa ating buhay sa araw-araw.
Nalaman namin ng aking pamilya na ang pinakamainam na paraan ng paghahanda para sa susunod na pangkalahatang kumperensya ay sa pamamagitan ng lubos nating pagsunod sa payong ibinigay sa nakaraang kumperensya. Kapag may oras ang aking asawa, binabasa niya ang isyu ng kumperensya sa Liahona. Pagkatapos ay sinisikap niyang ipamuhay ang mga turong natututuhan niya. Halimbawa, sinabi niya sa akin na ang mensahe ni Elder David A. Bednar tungkol sa pagdarasal nang mas makahulugan ay nakatulong sa kanya na mas taimtim na hangaring ibigin ang kapwa sa pagpapalaki sa dalawa naming anak na lalaking mahirap sawayin.1
Sinisikap ko ring repasuhin ang huling kumperensya. Habang naglalakad papunta sa paaralan tuwing umaga, nakikinig ako sa isang mensahe at saka ako nagninilay-nilay at nagdarasal, na tinutulutan ang mga turo ng mga propeta na manatili sa aking puso’t isipan. Kinakausap ko ang Ama sa Langit tungkol sa gagawin ko sa maghapon at sa mga responsibilidad ko bilang asawa, ama, Banal sa mga Huling Araw, estudyante, at mamamayan.
Isang umaga nadama ko na nauukol ang mensahe ni Elder L. Tom Perry na “Gawin Niya Ito nang Simple” sa sitwasyon ko.2 Iniangkop ni Elder Perry ang mga tuntuning itinuro ni Henry David Thoreau sa Walden sa pagpapasimple ng ating buhay sa pamamagitan ng pagpapaibayo ng espirituwalidad at pagtatamo ng kapanatagan mula sa mga problema ng mundo. Dahil sa mga pangangailangan ko sa pag-aaral, mahalaga at bihira ang pamamasyal sa aming pamilya. Gayunman, isang tag-init bago ang mensahe ni Elder Perry, binisita namin ang Walden Pond, at nagnilay-nilay kami sandali sa loob ng muling itinayong bahay ni Thoreau. Ginugol namin ang hapong iyon sa pagtatampisaw sa Walden Pond at pagtatayo ng mga kastilyong buhangin sa dalampasigan. Nang makauwi na kami, pinasalamatan ng aming pamilya ang Ama sa Langit para sa Kanyang mga nilikha na nagpasaya sa aming lahat.
Pagkaraan ng ilang buwan habang naglalakad ako sa mga bangketang puno ng niyebe, naalala ko ang masayang araw na iyon noong tag-init. Dahil sa karanasang iyon at sa mensahe ni Elder Perry, mas malinaw kong naunawaan kung gaano kahalaga ang pag-uukol ng panahon sa aking pamilya sa pamumuhay na sadyang nakasentro sa ebanghelyo.
Bukod pa sa pakikinig sa mga mensahe nang mag-isa, tuwing Linggo ng umaga ay nakikinig ang aming pamilya sa isang mensahe sa kumperensya sa aming computer habang naghahanda kaming magsimba. Minsan nakita pa naming mag-asawa ang apat-na-taong-gulang naming anak na pinatatahimik ang nakababata niyang kapatid para marinig niya si Pangulong Thomas S. Monson.
Ang mga turo ng ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng bibig ng mga makabagong propeta ay isang pagpapala sa aming pamilya. Ang paghahangad na isama ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa ating buhay sa araw-araw ay nakapagbukas ng daan para maging palagiang gabay namin ang Espiritu Santo. Tunay ngang inuulit namin ang mga titik ng himno: “Salamat, O Diyos, sa aming propeta.”3
Sa madalas na pag-aaral ng payo na ibinigay sa pangkalahatang kumperensya, mas nag-ibayo ang pag-unawa naming mag-asawa sa nakaraang mga turo ng Panginoon hanggang sa sumapit ang susunod na pangkalahatang kumperensya. Sumisigla ang aming espiritu at mas lubos kaming nagiging handang tanggapin ang Kanyang kasalukuyang mga turo sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod na propeta.