2012
Nakakapagsalita Ba Kayo ng Russian?
Marso 2012


Nakakapagsalita Ba Kayo ng Russian?

Anna Nikiticheva, Scotland

Kahit abalang-abala kami, ipinasiya namin ng asawa kong si Daniil na dapat kaming pumunta nang minsan pa sa Preston England Temple bago matapos ang 2009. Dalawang bus ang sasakyan at halos anim na oras bago makarating sa templo mula sa maliit na bayan sa Scotland kung saan kami nakatira.

Noong umaga na plano naming lumisan ay maulap at maulan, ngunit masaya kami dahil pupunta kami sa templo. Habang naghihintay ng isa pang oras sa pangalawang bus sa istasyon, nagsimulang umulan at lumamig.

Gayunman, sumigla ang aming puso sa pag-asang hindi magtatagal at nasa templo na kami. Pagdating namin sa Preston, nadama namin ang matinding damdaming magpunta kaagad sa templo. Gutom at basang-basa kami, ngunit nakinig kami sa Espiritu Santo.

Pagpasok namin sa templo, hiningi ng isang mabait na temple worker ang aming temple recommend. Nag-alis siya ng salamin at muling tiningnan ang mga pangalan sa aming recommend.

“Taga-Russia ba kayo?” mangha niyang tanong.

“Opo,” sagot namin, na medyo nagulat sa kanyang reaksyon.

“Kung gayo’y nakapagsasalita kayo ng Russian?” tanong niya.

“Siyempre naman po,” sabi namin.

Pagkatapos ay dinampot niya ang telepono at may tinawagan.

Hindi naglaon at nilapitan kami ng temple president. Sa kanyang salamin sa mata, nakita naming lumuluha siya. “Mga anghel kayong sugo ng Diyos!” wika niya na nakangiti, na pinasusunod kami sa kanya. Sinundan namin siya at hindi naglaon ay nakita namin ang isang litong binatang misyonero na napapaligiran ng mga temple worker.

Taga-Armenia pala ang misyonerong ito at nagsasalita ng Russian. Natawag siyang maglingkod sa England London Mission pero hindi pa marunong mag-Ingles. Walang isa mang taong nagsasalita ng Russian sa missionary training center na katabi ng templo. Sa araw na iyon tatanggap sana siya ng kanyang endowment, pero hindi sila magkaunawaan ng mga temple worker—hanggang sa pumasok ang basang-basang mag-asawang Russian.

Agad sinabihan si Daniil na samahan ang binatang misyonero. Tuwang-tuwa ang misyonero at kalaunan ay sinabi na nakadama siya ng kasiyahan pagdating namin.

Nagpapasalamat ako na sa kabila ng aming abalang iskedyul at ng maulang panahon, nagpasiya kaming mag-asawa na dumalo sa templo noong araw na iyon para matulungan ang isang anak ng Diyos na nagsasalita ng Russian sa Great Britain. Nagpapasalamat ako sa mga pagpapala ng templo, na nagbibigay ng espesyal na liwanag at layunin sa aming buhay. Alam ko na kung didinggin natin ang mga paramdam ng Espiritu Santo, aakayin Niya tayo pabalik sa ating tahanan sa langit—tulad noong akayin Niya kaming mag-asawa sa bahay ng Panginoon sa araw na iyon.