Nagsalita Sila sa Atin
Sundin ang Propeta
Ang isang engagement ring kadalasan ay kumakatawan sa isang tapat na pangako. Ngunit para sa aming mag-asawa, ang hindi pagkakaroon ng engagement ring ay kumakatawan sa aming tapat na pangako sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta.
Nakilala ko ang anghel na magiging asawa ko sa institute party noong ikalawang gabi mula nang makauwi ako mula sa misyon. Bagaman ilang daang milya ang layo sa isa’t isa ng kinalakhan namin ni Shelley sa Canada at hindi kami nagkakilala noon, nagkakilala kami nang husto sa sumunod na mga buwan. Nang tatlong beses akong mag-alok ng kasal at hindi niya tinanggap dahil may pangako siyang magmisyon, tinanggap din niya sa wakas ang alok ko matapos kong ipangako sa kanya na sabay kaming magmimisyon pagkatapos naming mapalaki ang aming mga anak. Tinanggap niya ang engagement ring noong Disyembre 22, 1976.
Ngunit sa mga sumunod na araw, pareho kaming hindi mapakali—hindi tungkol sa kasal kundi tungkol sa singsing. Magpapaliwanag ako.
Isang Desisyong Sundin ang Propeta
Sa mga linggo bago itinakda ang aming kasal, pinag-usapan naming mabuti ni Shelley kung paano namin palalakihin ang aming pamilya at ano ang magiging pagsasama namin. Isa sa mga bagay na napagtuunan namin sa pag-uusap na iyon ang determinasyon naming laging sundin ang propeta.
Dalawang buwan bago itinakda ang aming kasal, nakinig kami sa maraming mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1976 na pinagtitibay ang mga alituntunin ng pag-asa sa sarili. Ito ang paksang palaging itinuturo ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) at ng iba pa sa loob ng ilang taon. Si Shelley at ako ay kapwa lumaki na alam ang kahalagahan ng paghahalaman, pagkakaroon ng suplay ng pagkain, at pagiging handa sa lahat ng bagay. Ngunit sa pangkalahatang kumperensyang iyon, tila lalong nangibabaw ang tema ng paghahanda. Tinukoy ng ilang tagapagsalita ang baha sa Teton Dam na nangyari noong Hunyo. Kabilang sa kanila si Barbara B. Smith (1922–2010), ang Relief Society general president, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-asa sa sarili—lalo na ang pagkakaroon ng isang taong suplay ng pagkain, tulad ng ipinayo noong panahong iyon.1 Ipinaalala ni Pangulong Kimball sa mga Banal sa mga Huling Araw, sa pagtatapos ng kumperensya, ang talata sa Lucas 6:46, kung saan sinabi ng Tagapagligtas, “Bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” Pagkatapos ay pinayuhan ni Pangulong Kimball ang mga Banal na dalhin nila ang mga mensahe ng kumperensya sa kanilang “tahanan at … buhay sa hinaharap.”2
Matapos itakda ang aming kasal, nang pag-isipan namin ni Shelley ang pagsisimula ng aming pagsasama at buhay-pamilya, nanatili sa aming isipan ang mga mensaheng ito. Ang hindi namin alam sa isa’t isa, kapwa namin iniisip kung paano sisimulan ang pag-iimbak sa tahanan para sa aming pamilya. Para masunod ang payo sa panahong iyon, kinailangan naming simulan ang pag-iimbak ng isang taong suplay ng pagkain. Ngunit paano namin iyon gagawin? Mga estudyante kami—at mananatiling gayon sa darating na mga taon—at kakaunti ang pera namin. Iisa ang sagot ng Espiritu Santo sa aming dalawa, nang magkahiwalay: kailangan naming ibenta ang engagement ring.
Ngunit paano ko maipapagawa iyon kay Shelley? Kabibigay ko pa lang sa kanya ng singsing. Ano ang iisipin niya kapag ipinabenta ko iyon sa kanya para makabili kami ng kaunting oats at harina at bigas? Samantala, nag-aalala rin siya. Ano ang iisipin ko, naisip niya, kung sasabihin niya sa akin na ibenta ang singsing na binili ko para sa kanya? Masasaktan ba ako?
Ngunit napakatindi ng paramdam sa aming dalawa at mahirap itong balewalain, at habang lalo naming iniisip iyon, lalo lumilinaw sa aming isipan ang singsing na diamante. Nang banggitin ito ni Shelley ilang araw pagkaraan ng Pasko, nakahinga ako nang maluwag na pareho kami ng naisip. Sa maraming paraan, napakagandang patibay niyon sa aming dalawa tungkol sa pasiya namin kung sino ang aming pakakasalan. Ang malaman na naaayon ang aming mga prayoridad at pinahahalagahan sa isa’t isa at sa propeta ng Diyos ay napakalaking kapanatagan. Labis akong nagpapasalamat sa kanyang kahandaang gumawa ng gayong sakripisyo para masunod ang propeta.
Huwag sana kayong magkamali ng pag-unawa sa akin at huwag ninyong ibenta ang inyong singsing! Hindi maling bumili o magsuot ng engagement ring. Katunayan, may magaganda at nababagay na singsing ang aming mga anak na may-asawa. Maraming paraan para masunod natin ang mga propeta at apostol at maipamuhay natin ang kanilang payo. Ngunit dahil inutusan kami ng Espiritu na sundin ang propeta sa pamamagitan ng pagbebenta ng aming engagement ring, sa kaso namin ang pagpili ay sa pagitan ng pagtatago ng singsing at ng pagsunod sa propeta. Nakatulong ito na makapagtatag kami ng dalawang huwaran sa aming tahanan sa simula pa lang: pagsunod sa propeta at pagsunod sa personal at espirituwal na mga paramdam na natanggap namin.
Mga Tugon sa Aming Desisyon
Ang tindahan ng alahas na nabilhan ko ng singsing ay mga isang linggo nang sarado pagkaraan ng Pasko, ngunit sa unang pagkakataon nang muli itong magbukas, kinausap ko ang alahero. Inasahan ko talaga na tatanggi siyang ibalik sa akin nang buo ang pera ko; tutal, naisuot at gamit na ang singsing. Inihanda ko ang aking sarili sa reaksyong ito at inasahan kong maibenta nang secondhand ang singsing na malaki ang lugi. Ngunit namangha ako, dahil lumambot ang puso ng alahero. Lumabas ako na may dala-dalang pera—at nakamaang ang bibig ko sa pagkamangha kung paano binuksan ng Panginoon ang daan para maging masunurin kami.
Hindi lahat ay nagustuhan ang desisyon namin. Nang malaman ng aming mga kaibigan—kabilang na yaong mga miyembro ng Simbahan—ang ginawa namin at nakita ang maliit na singsing na katad na ginawa ko para isuot ni Shelley, sinabihan nila kaming baliw. Hindi makapaniwala ang ibang mga dalagang kaedad ni Shelley na nagawa niya iyon. Kakaunti ang naghikayat o sumuporta sa amin.
Matatag si Shelley at alam niya na magiging OK siya anuman ang isipin ng mga tao; may tiwala siya na alam niyang sinunod niya ang propeta. At mas mahalaga iyon kaysa anupaman. Ngunit naglaan ang Panginoon ng magiliw na awa sa amin sa pamamagitan ng dalawang kaibigang nagpadama sa amin na hindi kami nag-iisa.
Isinama namin ng kaibigan kong si Bob si Fran sa Simbahan noong high school kami. Nagmisyon kaming tatlo kalaunan, at pag-uwi ni Fran mula sa kanyang misyon, itinakda nila ni Bob ang kanilang kasal. Nang ihatid nila ang magandang balita sa amin ni Shelley, nalaman namin na sa halip na bumili ng engagement ring, nagpasiya rin silang gamitin ang pondo para bumili ng imbak na pagkain. Nakakatuwa na pinatnubayan kaming apat ng Espiritu na gawin ang iisang bagay. Ang katapatan naming sundin ang Espiritu Santo at ang buhay na propeta ay lubos na nagpatibay sa aming pagkakaibigan, na tumagal nang mahigit 40 taon.
Mga Pagpapala mula sa Pagsunod
Sinimulan namin ni Shelley na bumili ng mga pangunahing pagkain para sa iimbak sa aming tahanan noong Enero 1977 at patuloy kaming bumili nang paunti-unti hanggang sa makasal kami noong Abril ng taong iyon. Bago kami nakasal, nag-imbak kami ng pagkain sa tahanan ng magulang ko.
Matagal na isinuot ni Shelley ang singsing na katad bilang singsing-pangkasal habang nag-aaral ako sa kolehiyo at pagkatapos ay sa pagdedentista. Habang nag-aaral, maraming beses lumipat ng lugar ang aming pamilya. Nasanay kaming humatak ng timba-timbang trigo sa paglipat ng apartment, bahay, at lungsod. Sinimulan kaming iwasan ng aming mga kaibigan tuwing lilipat kami, ngunit kalaunan, labis kaming nagpasalamat na sinunod namin ang payo ng mga pinuno ng Simbahan.
Nang magtapos ako sa pagkadentista at nagsimula akong matrabaho, dalawa na ang anak namin ni Shelley at talagang wala kaming kapera-pera. Buong pasasalamat kaming nabuhay sa bahagi ng naimbak naming pagkain bago kami ikinasal. Ang pagsunod namin sa payo ng propeta ay muling nagpala sa aming buhay nang mahigit isang dekada matapos kaming ikasal, nang makatapos ako sa pag-aaral at maging orthodontist. Muli kaming kinapos sa pera, at sa halip na gumamit ng credit card o mangutang para bumili ng mga grocery, pinagpala kaming mapakain ang aming pamilya (apat na ang anak namin ngayon) mula sa aming suplay.
Sa mga taon simula noon, napagpala na kami sa maraming iba pang paraan sa pagsunod sa turo ng propeta. Natuto kaming huwag pagdudahan ang katotohanan ng itinuturo ng mga propeta at apostol o mag-isip kung makabuluhan ba iyon. Nalaman namin na sa pamamagitan ng pagkilos—at pagkilos kaagad—ayon sa kanilang payo, pinagpapala ang aming buhay.
Pagkatutong Makinig sa Turo ng Propeta
Maaaring tawagin ng ilan na pikit-matang pagsunod ang ating ginagawa. Ngunit nangako mismo ang Panginoon na hinding-hindi tayo ililigaw ng mga propeta.3 Ang kabatirang ito ay nakakatulong sa atin na pakinggan ang kanilang tinig tulad ng pakikinig natin sa Kanyang tinig (tingnan sa D at T 1:38).
Nalaman din natin na karaniwan tayong inaanyayahan ng mga buhay na propeta na gawin ang mga bagay-bagay; madalas ay hindi sila gumagamit ng mga salitang gaya ng inuutusan o hinihimok. Mabait sila at magiliw, ngunit hindi dahilan iyan para hindi tayo sumunod. Nang sinunod namin ni Shelley ang mga paanyayang iyon bilang mga kautusan, lagi kaming pinagpapala.
Natuto rin kaming makahiwatig ng kanilang tagubilin sa pamamagitan ng pakikinig sa mga katagang tulad ng “Matagal ko nang pinag-iisipan …” o “Ang matagal ko nang iniisip ay …” o “Gusto kong sabihin sa inyo …” o “May ipapayo ako tungkol sa …” o “Sana ay …” Ito at ang mga katagang katulad nito ay mga palatandaan na malalaman natin kung ano ang nasa isipan at puso ng hinirang na mga lingkod ng Panginoon.
Ang isa pang bagay na tumutulong sa atin na marinig ang tinig ng Panginoon kapag nakinig tayo sa mga propeta at apostol ay ang pansining mabuti ang pagbanggit nila sa sinabi ng iba pang mga propeta o apostol. Itinuro ng Panginoon na pagtitibayin Niya ang Kanyang salita sa pamamagitan ng bibig ng dalawa o tatlong saksi (tingnan sa II Mga Taga Corinto 13:1; D at T 6:28).
Dahil napakaraming beses inulit ang mensahe ng pag-asa sa sarili sa pangkalahatang kumperensyang iyon bago itinakda ang aming kasal, nadama naming mag-asawa na angkop na angkop sa amin ang mensaheng iyon noon. Nabigyan kami ng inspirasyong sundin ang payong iyon sa malinaw na paraan. Gayunman, ang pagsunod sa propeta ay hindi laging tungkol sa hayagang pagpapakita ng debosyon; madalas ay makikita ang ating pagsunod sa mas maliliit at personal na paraan. Batid man ng iba ang ating pagsunod o hindi, batid ito ng Panginoon. At pagpapalain Niya tayo dahil sa ating pagsunod at magbubukas ng daan na magawa ito.
Ngayon ay mas tradisyonal na singsing-pangkasal na ang suot ni Shelley, ngunit matagal na niyang naitago ang munting singsing niyang katad bilang alaala. Para sa amin ito ay sagisag ng aming maagang desisyon na gawing bahagi ng buhay ng aming pamilya ang pagsunod tuwina sa payo ng propeta. Ngayon habang pinagmamasdan namin ang pagpapalaki ng aming mga anak sa kanilang mga anak, nagpapasalamat kami na bahagi rin ng buhay ng kanilang pamilya ang tapat na pagsunod sa propeta ng Panginoon na si Pangulong Thomas S. Monson. Para sa amin ang pagsunod na ito ay isang magandang pamana at isang mahahawakang sagisag ng pagtupad sa tipan na tulad ng isang engagement ring.