2012
Ang Pinakamahusay na Manlalaro ng Football
Marso 2012


Ang Pinakamahusay na Manlalaro ng Football

“Mahalin bawat tao; sabi ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39).

Itinikom ko ang aking mga kamao, kinagat ko ang labi ko, at sinipa ang bolang papunta sa akin. Pagkatapos ay napangiwi ako nang makita ko itong lumampas sa halip na pumasok sa goal.

Matagal nang nakatayo sa may bakod ang isang batang babaeng nagngangalang Nan at pinanonood ang aming laro. Tumakbo siya para damputin ang bola, at nadapa dahil sa sobrang tuwa. Nagtawanan ang lahat. Walang nagpasalamat sa kanya nang ibato niya sa amin pabalik ang bola.

Nakonsiyensya ako. Alam kong gustong maglaro ni Nan, ngunit ayaw kong ako ang magyaya sa kanya.

Si Nan ay tahimik, magulo ang brown niyang buhok, makapal ang salamin, at ipit ang boses. Wala siyang kaibigan sa buong klase namin. Hindi naman sa hindi ko siya gusto. Hindi ko pa lang siya nakausap kahit kailan.

Sa hapong iyon ibinalita ng teacher namin na ililipat-lipat niya ang aming mga mesa. Babaguhin niya ang ayos ng pagkakaupo.

Umingay ang buong silid dahil sa pananabik. Nagngitian kami ng matalik kong kaibigang si LeAnna.

Noon naman humilig sa akin si Caroline. “Narinig kong sinabi ni Nan kay Mrs. Martin na gusto niyang tumabi sa iyo. Ha!”

Natulala ako. “Bakit ako?” naisip ko. Hindi ko naman kagalit si Nan, pero hindi ko rin siya kaibigan.

“Sabihin mo kay teacher ayaw mo siyang makatabi,” bulong ni Caroline. “Kasi wala nang magkakagustong tumabi sa iyo.”

Tiningnan ko si Nan. Nakayuko ang kanyang ulo. Baka alam na niya ang iniisip ng lahat sa silid.

Pinalapit ako ni Mrs. Martin sa kanyang mesa. Alam kong si Nan ay anak ng Diyos at sinabi ni Jesus na mahalin ang lahat ng tao. Pero kung makikipagkaibigan ako kay Nan, iisipin ng lahat na may diperensya ako.

“Sino ang gusto mong makatabi sa upuan?” tanong sa akin ni Mrs. Martin.

“Si LeAnna po,” sabi ko. Ang bilis kong sumagot.

Ngumiti si Mrs. Martin. “Gugustuhin mo bang makatabi rin si Nan?”

Tumingin ako sa sahig at bumulong na, “Huwag na lang po sana.”

Mukhang nagulat si Mrs. Martin. “Sigurado ka, Angie?”

“Opo,” bulong ko.

Kinabukasan ay muling inayos ang aming mga mesa. Naupo ako sa tabi ni LeAnna. Nasa kabilang panig ng silid si Nan. Inilayo ng dalawang batang babaeng katabi niya ang kanilang mesa kaya mukhang wala siyang katabi. Parang iiyak na siya.

Makalipas ang ilang linggo lumipat si Nan sa ibang paaralan. Isang batang babae sa ward ko ang nag-aaral sa paaralang iyon, at tinanong ko siya kung may nakilala siyang bagong lipat na nagngangalang Nan.

“Parang mayroon nga. Ano ang hitsura niya?” tanong niya.

“Hmm, tahimik lang siya. Magulo ang buhok niya, at makapal ang salamin niya. Walang may gusto sa kanya sa klase ko.”

“Talaga?” Baka ibang bata iyon,” sabi niya. “Ang bagong lipat na batang kakilala ko ay masayang kasama. Gustung-gusto siya ng lahat. Magaling siyang maglaro ng football.”

Naisip ko noong araw na nanood si Nan habang naglalaro kami ng football. Kailangan lang pala niya ng pagkakataon at ng isang kaibigan. At naibigay ko sana ang dalawang iyon sa kanya.

Nang araw na iyon nangako ako sa sarili na lagi akong magiging mabait sa lahat at hindi ko na hahayaang makalagpas sa buhay ko ang isang batang katulad ni Nan nang hindi ko sinusubukang kaibiganin siya.

Paglalarawan ni Brad Clark