“David O. McKay,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“David O. McKay”
David O. McKay
Naglingkod si David O. McKay bilang ikasiyam na Pangulo ng Simbahan sa pagitan ng 1951 at 1970. Isinilang si McKay sa Huntsville, Utah, noong 1873 at lumaki na aktibo sa Simbahan. Pagkatapos ng hayskul, nag-aral siya sa University of Utah, kung saan niya nakilala ang kanyang magiging asawang si Emma Ray Riggs, at nagkaroon ng matinding interes sa edukasyon. Sa kabila ng ilang pag-aatubili noong una tungkol sa pagtanggap ng mission call noong 1897, umalis siya papuntang British Isles at kalaunang itinalaga sa Scotland. Pagbalik niya mula sa kanyang misyon, tinanggap niya ang trabaho bilang guro sa Weber Stake Academy noong 1899, kung saan siya nagtrabaho hanggang 1906. Noong Enero 1901, ikinasal sina David at Emma Ray sa Salt Lake Temple.
Noong Abril 1906, tinawag si McKay na maglingkod bilang Apostol. Sa kanyang paglilingkod, tumulong siya sa pagpapasimple ng Sunday School, naglingkod sa General Sunday School superintendency sa pagitan ng 1909 at 1934. Noong 1920 naman ay lumibot siya sa iba’t ibang bansa na tumagal nang mahigit isang taon, kung saan binisita niya ang mga mission ng Simbahan sa buong mundo, naglakbay nang halos 62,000 milya (mahigit 99,000 kilometro) at nakarating sa Japan, China, timog-silangang Asya, mga Isla ng Pasipiko, India, Egypt, at Europa. Hindi nagtagal pagkabalik niya sa Utah, tinawag siya bilang pangulo ng European Mission. Bilang mission president, tumulong siya sa paghupa ng mga negatibong balita at pinaganda ang imahe ng Simbahan sa publiko sa Great Britain at kanlurang Europa. Noong taglagas ng 1934, tinawag at sinang-ayunan siya bilang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Sa kanyang panunungkulan, pinangasiwaan niya ang pagbuo ng Welfare Program ng Simbahan.
Hindi nagtagal matapos pumanaw si Pangulong George Albert Smith noong Abril 1951, si Pangulong McKay ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan. Agad niyang tinugunan ang bumibilis na paglago ng Simbahan sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng pagpapalawak at pag-modernisa ng programa ng misyonero. Bilang unang Pangulo ng Simbahan na naglakbay sakay ng eroplano, kinilala niya ang kakayahan ng mga sasakyang panghimpapawid na ihatid nang mabilis ang mga misyonero sa lahat ng dako ng mundo. Pinamunuan din niya ang mga pagsisikap na pagkaisahin ang iba’t ibang departamento ng Simbahan at mga missionary training center, na bumuo ng pamantayang kurikulum at mga huwaran ng organisasyon sa panahon ng malaking pag-unlad ng institusyon.
Madalas na naglakbay si Pangulong McKay upang dalawin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo at maglaan ng mga bagong templo sa Bern, Switzerland; London, England; at Hamilton, New Zealand. Itinaguyod niya ang mga pagsisikap na pag-ugnayin ang mga organisasyon, departamento, at lathalain ng Simbahan, na nakatulong na mabawasan ang pagkakapareho ng gawain at taasan ang antas ng kahusayan. Ang kanyang mga turo ay nakaayon sa lahat, ang ilan ay nakasipi sa mga kilalang sawikain tulad ng “Bawat miyembro ay misyonero” at “Walang tagumpay na makakatumbas sa kabiguan sa tahanan.” Marami ang naalala siya bilang isang taong may mabuting loob at bukas-palad na pag-uugali. Dahil sa karamdaman, hindi niya magawang magpakita sa publiko sa mga huling buwan ng kanyang buhay, at noong ika-18 ng Enero 1970, pumanaw siya sa kanyang tahanan.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni David O. McKay, tingnan ang mga video sa Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o kaya naman ay sa Gospel Library app.
Mga Kaugnay na Paksa: Correlation, Public Relations, Pagtatayo ng Templo