“George Albert Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
“George Albert Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
George Albert Smith
Naglingkod si George Albert Smith bilang ikawalong Pangulo ng Simbahan sa pagitan ng 1945 at 1951. Isinilang noong ika-4 ng Abril 1870, lumaki siya sa Lunsod ng Salt Lake, Utah kasama ang kanyang inang si Sarah Farr Smith at kanyang amang si John Henry Smith (kalaunan ay isang Apostol at tagapayo sa Unang Panguluhan). Noong kanyang kabataan, nagtrabaho si George sa isang pabrika at merkado sa Lunsod ng Salt Lake, natanggap sa isang posisyon sa kumpanya na kanyang kinilala na naglinang ng kanyang pag-uugali sa trabaho. Noong 1888, nagtrabaho siya bilang tagasuri ng riles ng tren sa disyerto ng kanlurang Estados Unidos at nagkaroon ng permanenteng pagkasira ng kanyang mata dahil sa matinding sikat ng araw. Sa kabila ng hirap na dulot ng pisikal na kapansana, tinanggap ni George ang tawag sa misyon mula kay Pangulong Wilford Woodruff upang bisitahin ang timog Utah at organisahin ang mga sangay ng Young Men’s Mutual Improvement Association sa mga stake.
Pagkabalik mula sa kanyang maikling misyon, niligawan niya at pinakasalan kalaunan ang kanyang kasintahan at kababatang si Lucy Woodruff. Tatlong linggo bago ang kasal, tumanggap si George ng tawag sa misyon sa Southern States Mission, at wala pang isang buwan matapos ang kanilang kasal, natagpuan ng mga Smith ang kanilang sarili na ilang kilometrong magkahiwalay na namumuhay. Makalipas ang ilang buwan, sumama sa kanya si Lucy sa mga tanggapan ng mission kung saan siya naglingkod bilang kalihim ng mission, at sa kanilang kagalakan ay nakatanggap rin agad ito ng pagtawag sa misyon upang tulungan siya. Sa dalawang pagkakataon, mga 16 na buwan ang pagitan, ang pangulo ng mission na si J. Golden Kimball ay naglakbay patungong Lunsod ng Salt Lake at ipinagkatiwala ang pangangasiwa kay George.1 Labimptong buwan makaraang umuwi mula sa kanilang dalawang taong misyon, isinilang ng mga Smith ang kanilang panganay na anak na si Emily. Nagluwal si Lucy ng dalawa pang anak sa loob ng 10 taon: ang kanilang mga anak na sina Edith at George Albert Jr. Naaalala ni Edith ang kanyang ama bilang tao na lubhang mapagmahal at mapagbigay sa lahat ng miyembro ng kanilang pamilya.2
Noong Oktubre 1903, nilisan ni George ang kanyang trabaho sa Lunsod ng Salt Lake upang dumalo sa isang sesyon ng pangkalahatang kumperensya at nang walang matagpuang upuan sa Tabernacle, nagpasya itong isama ang mga anak na babae sa Utah State Fair ngunit nagulat nang malaman na tinawag siya bilang Apostol sa sesyon na hindi niya nadaluhan.3 Itinalaga siya ng Pangulo ng Simbahan na si Joseph F. Smith at agad na sinimulan ang kanyang mga tungkulin, sa kabila ng paghihirap sa pisikal at mental. Sa kabuuan ng kanyang paglilingkod bilang apostol, pinahirapan si Smith ng depresyon at pagkabalisa, kung saan may mga pagkakataong nanghihina siya sa emosyonal at pisikal. Hindi nagtagal matapos magsumamo sa Diyos na hayaan siyang mamatay, nagkaroon siya ng maraming pambihirang karanasang espirituwal na nagpanumbalik ng kanyang kumpiyansa at nagbigay-lakas sa kanyang magtiis. Matapos magpahinga at magpagaling noong 1909, ipinagpatuloy niya ang kanyang mga tungkulin noong 1912. Hindi tuluyang nawala ang kanyang depresyon sa kabila ng kanyang mga pinaghirapang pagbabago, subalit nagpatuloy pa rin siyang isagawa ang kanyang mga tungkulin at pangangalaga sa kanyang pamilya.
Bilang Apostol, pinangasiwaan niya ang European Mission sa pagitan ng 1919 at 1921, mahigpit na nakipagtulungan sa Young Men’s Mutual Improvement Association at Boy Scouts of America, tumulong sa pagpapanatili ng mga makasaysayang lugar ng Simbahan sa New York, at pinag-ayos ang mga dating di-pagkakaunawaan sa ugnayan ng mga kamag-anak ng mga Smith sa loob ng Simbahan at sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints.4
Makalipas ang pagpanaw ni Heber J. Grant noong 1945, sinang-ayunan at itinalaga si George Albert Smith bilang ikawalong Pangulo ng Simbahan.5 Noong kanyang pamumumo, itinaguyod niya ang pagmamahal at kagandahang-loob bilang mahahalagang katangian ng pamumuhay ng ebanghelyo at ipinamalas ang pagkahabag sa paghihilom ng mga di-pagkakasundo. Dinalaw niya ang mga Banal sa Huling Araw sa Mexico at pinamunuan ang pakikipagkasunduan sa Ikatlong Kumbensyon, isang kilusang humihiwalay sa Simbahan na nabuo sa loob ng mga ward at branch doon 10 taon na ang nakalilipas.6 Makalipas ang kanyang pagpanaw sa kanyang kaarawan noong 1951, malawakang pinarangalan si George Albert Smith dahil sa kanyang katapatan at malalim na pagmamahal sa lahat ng tao.7
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga pangyayari at mga tema sa buhay ni George Albert Smith, tingnan ang mga video sa Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Organisasyon ng Young Men, Ikatlong Kumbensyon, Iba Pang Latter Day Saint Movements